Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Aug 2021
082121

O giliw at ginintuan kong bayan,
Sa mga galamay ng may burdang hinagpis
Ay ‘di patitinag ang katapatan kong sayo’y itinatangis
Panaghoy ko’y ‘wag sanang lisanin
Ang pangako nating hanggang sa dulo’y mananatili.

Hindi man sa ngayon
Ang paggawad ng medalyang kailanma’y hindi mangangalawang,
Ako’y magtitiis sa muling paglipad
Ng kalapating pilit na itinatali’t ikinakahon
Sa mga islang tanging anino na lamang ang kasarinlan.

Kung mamarapatin lang ng may Likha
Na ako’y tupukin na lamang ng apoy na hindi nakasusunog
At ako’y ayain sa hardin nang walang kamalayan
Kundi pagpuri sa Kanyang kagandahan.
Ngunit kailanma’y hindi ako mangingimasok
Sa kung anumang inilatag sa aking harapan.

Gustong lumuha ng dugo
Ng aking mga matang may iisang tinitingnan.
Sa mga kamay Niya’y
Hahayaan ko na lamang na dumungis ang mga butil
At ang Kanyang pagkalinga’y
Magsilbing panlaman-tiyan.

Kung makararating man sa lahat ng mga pinili
Na ang aking pananatili’y hindi pansarili lamang
Kundi ito’y aking pagpasyang piliin pa rin
Ang tahanan bagamat ito’y pinagtaksilan ng karamihan.

Sa mga pulong walang kapanatagan
At walang kapaliwanagan ang may kapangyarihan,
Ay naniniwala akong hindi paglisan ang solusyon.
At kung takot at pangamba ang kanilang mga naging dahilan,
Ay hindi ko kokonsintihin
Ang puso kong anumang oras
Ay kayang piliin na rin ang paglisan.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems