Inuusig niya ang mga talang kumikinang At tumatabon sa mga parating na bulalakaw. Ang mga mata ng santelmo’y Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga Kundi liwanag na humahabol Sa bawat paghikab nang nakatihaya.
Hati-hati sila sa papag Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw At sa pinintang dilim Na hindi na bangunot ang pasalubong Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.
Habang nagniningas ang mga baga’y Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon. At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina Na para bang sila’y nasa entablado Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.
Ang bawat butil ng bigas Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.
At sila’y magtatampisaw Sa putikan ng kanilang hanapbuhay At ni isa sa kanila’y ni minsa’y Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.
Isa, dalawa, tatlo.. Sunud-sunod ang mabibilis na butil Na ni isa’y di mailagan. Ang mga butil ng palay Ay nagmistulang mga basura sa lansangan Na nilalangaw at pinag-aagawan Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.