Mas malalim pa ang gabi Kaysa sa aking mga matang alikabok ang tinta. Ang mga kulisap at kuliglig Ay nagtatagisan ng mga boses At sabay-sabay na nakikipagtalastasan Kung kanino ba papanig Ang buwang hugis pamato sa larong kalye.
Sinasabi nilang ang aming lugar ay dating liblib Noong panahon pa ng mga Hapones. Kaya’t nagbakasali akong Kaya ko silang paniwalaan Pagkat ni minsa’y hindi naman ako Nakapagpantig ng mga salitang Nakakahon sa iisang pangungusap.
Natatandaan ko pa ngang Sa tuwing tumatanghod ako Sa aming bintana sa umaga’y Sabay ding magsisiingay ang nagtitinda ng taho At nambabato ng dyaryo Patungo sa aming pintuan.
Si Inay ay gagayak para sa bagong balita, Habang ako’y gagayahin ang sigaw ni Manong At titikim ng paborito kong agahan at panghimagas.
Habang sya’y papalapit Ay kusang malalagas Ang mga pakpak ng kanyang tsinelas At kanyang ilalapag ang papel na inilimbag daw Sa pabrika ng kanyang kaklase noon Na anak-mayaman.
Sa isip ko’y nais ko sanang masiyasat rin Ang mga letrang nakatambad sa aking harapan At bigyang buhay ang mga papel At baka sakaling, Maging bihasa rin ako gaya ng iba.
Kung sabagay, ang lahat naman ng aking mithiin Ay kusang maglalaho Kasabay ng aking mga panagip. Ang lahat naman ng nasisinagan ng apoy Ay maya-maya ring magpapalamon At magpapaubaya Sa kadilimang bunsod ng panahong May paulit-ulit na panimula’t katapusan.
Sabagay, ang lahat nama’y Magmimistulang pandagdag lasa na lamang Sa nanlilomos na alab at nagmimitsang pagpapaalam.
Naubos na ang bawat pahina Ngunit di ko man lamang nagawang simulan Ang pangangalap kung nasaan na ba si Itay. Saan nga ba ang aming magiging tagpuan? Saan at kailan nga ba ang hangin Ang mismong sasabay sa aking paghikbi nang walang katapusan?