Napuno ng tsokolate ang kanilang mga pisnging walang pakiramdam, At ang awit sa tabing estero’y maingay pa sa pag-iri ng mga metal na may susi. Unti-unti na rin silang naglabasan Na tila mga gagambang handa nang pagpiyestahan Ang mga bihag sa kahon ng posporo.
Narinig ko ang malulutong na mga papel Na sabay-sabay ang pagpaubaya sa hanging umiihip ngunit mahiyain. Ang mga palad na kanina’y nakatikom sa mga tela’y Agarang nagsilikas at humalik sa mga lukot-lukot na papel.
Narinig ko rin ang mga latang may mukha Buhat sa kani-kanilang sisidlan na kanina’y may makukunat na goma. Ngayo’y isa-isa silang ipinatumba Na para bang sa mga napapanood kong pelikula ni FPJ.
Hindi ko matantya kung ano ba ang ibig sabihin Ng kakaibang sining sa mga mata nilang tila ba santelmo. Maghuhulaan ba kami sa kanilang mga bolang kristal O huhubarin na rin nang paisa-isa Ang mga alagad nito’t maibubunyag ang aking pamato.