Pagpasensyahan mo na ko, hindi ako sanay sa mga yakap at lambing bago kita makilala, nakakahiya mang aminin ang pagdampi ng mga labi at ang init ng mga yapos ay alam ko lamang sa salita, sa bawat paglipat ko sa panibagong pahina ng mga aklat kong minamahal.
Mas masarap pala sa totoong buhay. Dahil konkreto ka, ang iyong mga mata ay hindi lamang habi ng aking kaisipan at ang iyong mga salita ay hindi akin.
Totoo ka. Masarap pala sa pakiramdam ang paglapat ng dalawang katawan, dahil kahit kailan hindi ako naging komportable sa paglubog ng kama sa aking likudan alam ko din na ayoko ng bigat ng ibang braso sa aking baywang pero noong unang gabi na nakapatong ang ating mga ulo sa iisang unan at ako’y tila bihag sa braso **** kulungan Napatanong ako sa aking sarili “Ganito ba ang tahanan?”
Pero mahirap din kapag nakatikim ka ng ginhawa, nakalimutan ko na tayo nga pala’y dalawa at ito ay hindi lamang para sa akin. Ang kalayaang kong pumili ay taglay mo din Hindi mo nga pala utang ang mga sagot sa mga tanong na bumabagabag sa akin at malaya ka. Malaya kang tanggalin ang pagkabuhol ng ating mga daliri Dahil hindi iisa ang ating mga kamay at hindi din tayo iisa ng kaisipan.
Posible nga pala na magkaiba ang bilis ng daloy ng dugo at ritimo ng bawat tibok
Kaya naiintindihan ko at pagpasensyahan mo ako. Masyado lang akong uhaw sa pagmamahal. Sa tagal na panahon na pinagkait ko sa sarili ko, sa pamamagitan mo, kaya ko nang tumingin sa salamin at hindi makaramdam ng galit na sa tuwing umaga meron pa ding hininga, meron pa ding pagtaas at pagbaba ng dibdib.