totoo and sinasabi nila na sa segundong mawalan ka ng pakialam sa mundo ay bigla nalang itong magpapakita ng pakialam sayo na sa oras na maglaho sa iyong pansin ang tagtuyo biglaan nalang iiyak ang mga ulap para sayo na sa sandaling binitawan mo ang kamay ng gusto ng makawala darating ang ibang kamay na hahawak muli nito ng mas mahigpit, totoo ang sinasabi nila
tila mahirap lang maniwala sa sabi-sabi, sa haka-haka dahil hindi nga naman ikaw ang nakatayo sa sapatos nila tiwala
tiwala sa pag-angat ng araw na hindi ka nito bibiguin tiwala sa iyong pag-dasal sa mga bituin na kumukuti-kutitap sa gitna ng dilim, ang buwan na sa mga pagkakataong wala ng pag-asa ay kakantahan ka ng may bukas pa, totoo ang sinasabi nila
oo darating ang mga araw na bigla ka nalang mapapaiyak sa tuwa, sa lungkot sa paglisan ng taong iniikutan ng buhay mo darating ang mga araw na bigla ka nalang mapapaluhod dahil wala ka ng magawa at wala ka ng matawagan pero tatandaan mo na hindi ka nag-iisa dahil nandito ako, ako
ako na kailan ma'y minahal, nagmamahal, at magmamahal sayo kumapit ka lang sa aking kamay sa aking balikat sa aking katawan na kahit ulanan ng pasa at sugat ay ibinibigay ko sayo ng buong buo
uulitin ko, totoo ang sinasabi nila na sa gitna ng kawalan sa gitna ng pagsuko sa gitna ng pagbitaw ito mismo ang maghahanap sayo siya mismo ang maghahanap sayo darating at darating ang parte nitong kwento na bubuo sayo at muli nanamang iikot ang iyong mundo pero sa ngayon, sa dito, sa oras na ito habang naghihintay ka pa, ay mali pala, dahil hindi tayo maghihintay at hindi tumigil ang pagtakbo ng oras sa buhay na ito dahil maliwanag pa sa bumbilya ang kamalian ng nakaraan bitawan mo lang at hayaan mo kong isatupad ang aking mga pangako hindi kita iiwanan, tiwala magtiwala ka lang
sa huling pagkakataon, uulitin ko, totoo ang sinasabi nila hindi ka nagbubulagbulagan kundi pinagkakatiwalaan mo lang ako ng buong isip at buong puso, ako ako na nagtiwala rin sa Kanya ako na hindi umasa, ngunit humawak sa salita ng aking Ama, ako ito ang tatandaan mo
para sa mga gabing isinisigaw ang mga kaisipang nagtatago mula sa liwanag para sa mga bukang liwayway na nagpupumilit humagap ng init ng araw ngunit hindi mahagip ang tapang upang bitawan ang lamig ng gabi