Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
18.3k · Jun 2015
"PIKIT-MATANG LIPUNAN"
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
11.0k · Jun 2015
ALIPIN
dalampasigan08 Jun 2015
Maraming beses nang ako'y naging alipin
ng damdaming masidhi't napakahirap supilin;
Mga aliw ng sandaling tila salamisim,
mga sugat ng kahapong wari'y basag na salamin.
Kahit anong gawi'y hindi siya maikubli,
'pag yumakap sa puso'y parang nakatali;
Pumiglas-piglas ka ma'y wala ring magagawa,
Pagka't puso'y gapos na sa pag-ibig na dala.
Ang taglay na karikta'y sadyang mapang-akit,
Ikaw ma'y nakapikit larawan niya'y nakaukit;
At mistula iisa ang 'yong mundo't sinisinta,
Kaya't bulag sa biyaya 'pag nawala na siya.
Oh, linlang na pag-ibig bakit ba mandaraya?
Ang mahina kong puso'y hindi na pinalaya;
Sa ligaw **** pangako ng pag-ibig na totoo,
Kaylan ba matatanto ang wagas na pagsuyo?
01-25-11
1:08 PM
10.4k · Jun 2015
"PIKIT-MATANG LIPUNAN"
dalampasigan08 Jun 2015
Unang Kurap

Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."
6.3k · Jun 2015
"ARAW"
dalampasigan08 Jun 2015
I

Bumabati, dumarampi

Dumarayo, sinusuyo

Umiibig, nananalig

Lumilisan, napaparam.



II

Sinusulat, inaawit

Kinakatha, inuukit

Sinasambit, ginuguhit

Inaangkin, sinusungkit.



III

Nasilayan, hinangaan

Nabighani, sinundan

Nasilaw, nasaktan

Humapon, luhaan.
5.9k · Jun 2015
"Sabihin mo sa akin"
dalampasigan08 Jun 2015
Sabihin mo sa akin - saan ako nagkulang?
Sa bawat oras ba na sa'yo lang inilaan?
Sa bawat ngiti bang ikaw lang ang dahilan?
O sa bawat sandaling hindi ka nahagkan?

Sabihin mo sa akin ang aking kasalanan.
Mali ba ang mangarap na tayong dal'wa lamang?
Mali ba ang umibig at ika'y ipaglaban?
Mali rin ba'ng lumuha nang ikaw ay lumisan?

Sabihin mo sa akin - bakit ako'y nasasaktan?
Bakit ang puso ko ay iyong sinugatan?
Sa bawat ala-ala ng ating nakaraan,
Bakit kabiguan yaring aking nakamtan?

Sabihin mo sa akin kung paano malimutan?
Kung sa bawat pikit ko'y naroon ang 'yong larawan?
At hanggang sa ngayo'y ito ang aking katanungan,
Bakit 'di ko masabi ang katagang "Paalam?"
01-17-11
9:53 AM
3.6k · Jun 2015
"Mundo ng Baliw"
dalampasigan08 Jun 2015
Ang aking mundo ay napakasaya,

Ako’y namumuhay ng sama-sama,

Ang galak at luha ay walang pinag-iba,

Ginhawa at dusa’y tila iisa.

Sa aking mundo ay wala nang gutom,

Ang lahat ng sugat agad naghihilom,

Wala nang maaapi pagka’t ako ang hukom,

Hindi rin mamamatay ang matagal nang tikom.

Lagi kang dumaraan na parang hangin,

Ang iyong pagka-inggit ang aking napapansin,

Pagka’t ang aking mundo’y inaasam mo rin,

Ngunit ‘di mo maamin kaya’t hindi mo maangkin.

Kung ang aking mundo ay puno ng ginto,

At sayo’y basura, kasalana’t dugo,

Ngayon mo isipin at nang iyong matanto

Kung sino nga ba sa atin ang mas matino.
3.2k · Jun 2015
"Kasawiang 'di Maamin"
dalampasigan08 Jun 2015
May dahong nalaglag mula sa kinakapitang sanga

at marahang tinahak ang dausdos pababa,

Dumampi siya sa malamig na agos ng batis,

sumisigaw ng hapis habang tumatangis,



Binagtas ang ‘di maiwasang larawan

ng pag-iisa’t walang hanggang kalungkutan,

tumama sa mga batong nakaharang

na umagaw sa diwa ng kaligayahan,



Sumambulat ang isang malalim na bangin

na siyang tatapos sa lahat ng alalahanin,

sumaboy ang pirapirasong damdamin

ng wasak na dahong ‘di matanggap at 'di maamin.
3.1k · Jun 2015
"Minsan Isang Araw"
dalampasigan08 Jun 2015
Minsan isang araw tayo’y magkikita

Mga ngiti’y mamamalas - sa pananabik ay lunas

Mga mata’y mangungusap na tila ba nangangarap

Tangan ang isang hiling - Pag-ibig yaring hanap.



Minsan isang araw tayo’y mag-uusap

Ihahayag ng puso - natatanging pagsuyo

Ibubulong sa hangin - aanurin sa baybayin

Paglingap at hangarin walang sawang sasambitin.



Minsan isang araw ika’y mayayakap

Ikukulong sa ‘king bisig, tila kalong ng ulap

Nanamnamin ang sandaling walang kasing sarap

Aangkinin ang ligayang wri’y abot alapaap.



Minsan isang araw ika’y mahahagkan

Kasabay ang damdaming pagsinta kailan pa man

Mga labi’y magniniig habang dinig yaring himig

Walang humpay itong minsan ‘pagka’t ika’y iniibig.
2.9k · Jun 2015
"Bawal ang Tinta"
dalampasigan08 Jun 2015
Bawal ang Tinta

yan ang sabi ng bala

Pagka’t kung susulat

ang itim ay pupula

At ang ibang tinta

mahahaluan ng pulbura.

Lason daw ang pera

‘yan ang sabi ni tinta

At ito’y nakatago

sa bulsa ni bala

Ito’y gamit ni bala

upang tabunan si tinta.

Bawal daw ang Tinta

utos ni bala at pera

Inuubos ang tinta

binabaon sa dusa

Kaya’t asul, dilaw, pula

aliping aba.

— The End —