Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
cj Jul 2017
Natandaan ko yung sinabi ng kaibigan ko
Noong nalaman niya yung isa kong kaibigan wala pang assignment
Sabi niya, “May umaga pa.”

Oo, tama siya.
Kasi kalagitnaan pa lamang daw iyon ng linggo
Dahil alas-nuebe pa lamang ng gabi
At halos 8 kilometro ang layo namin sa mga bahay namin
At kaya pa naming magising ng alas-siyete ng umaga

Tama nga siya
Kasi iikot pa daw ang mundo at tayo’y makakakita pa ng pagsikat ng araw
At maliliwanagan sa realidad ng buhay
Buhay na hindi naman natin ninais ngunit inaayos

Tama nga rin siya
Dahil wala naman sinabing makulimlim nung mga araw na iyon
O Ni-isang patak ng ulan ang bababa sa aspalto ng mga sirang kalsada
At buong araw natin masisilayan ang sinag ni haring araw

Tama nga siya
Dahil may 3 pang araw pa bago matapos ang isang linggo
Dahil nakikita na sa kalendaryo niya

Oo, nakita niya lahat.
Alam niya ang nangyayari sa paligid
Bawat numero
Bawat halaga
Bawat detalye ng tinitirhan naming planeta

Ngunit, magkaiba kami ng mundo

Oo, Sabi nga niya
May oras pa
May bukas pa
May umaga pa

Pero paano na ako?

Paano na ako?
Ang aking orasan ay tila hindi na gumagalaw
At ang mga numero nito’y kupas na?
Paano na ang kalendaryo ko
Na ang taon ay nasa taon pa rin ng aking kamatayan?
Paano na ang pag-dating ng umagang inaasahan ko
Kung ang ulan ay halos araw-araw na lamang
At ang langit ay puno ng alapaap?

Paano na ako?
Isang taong pinili na lamang mabulag ng pessimismo
At tuluyan nang hindi masilawan ng optimismo?

Kaya ito ako ngayon
Bumili ako ng bagong mga salamin
Binilhan ko ng baterya ang aking orasan
Bumili ako ng bagong kalendaryo
Binuksan ko din ang aking bintana

Nasilayan ko ang sinasabi niyang umaga

Naramdaman ko ang init ang araw
Gumagalaw na ang aking relo
Nasa tamang taon na ang aking kalendaryo

Oo, tama nga siya
May umaga pa nga
Pero paano mo makikita ang umaga
Kung sa pagsikat ng araw ay ang mga mata mo’y nakapikit pa?

Bumangon ka
Maganda ang araw ngayon
Huwag **** sasayangin
Hanggang hapon lang iyon.
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagsimula
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagkakakila
Sa una’y wala tayong pakialam sa isa’t-isa
Pero dumating din tayo sa puntong magkausap sa telepono mula gabi hanggang umaga

Tandang-tanda ko pa kung paano mo ako pinakilig ng iyong mga salita
Kung paano mo ako pinakilig sa bawat tingin mo sa aking mga mata
Akala ko sa libro at pelikula lang nangyayari ang ganoong mga eksena
Ngunit mali pala, pati sa totoong buhay nadadama pala

Tanda mo pa ba kung paano natin gamitin ang oras
Ang oras na tila limitado ay kailan man ‘di natin hindi inabuso
Kahit pa may pagsusulit sa klase kinabukasan
Pinipili natin na magusap at maglakad hanggang tayo ay pagsabihan

Tanda mo pa ba kung paano mo ako niyakap habang ako’y humahalaklak
Kung paano mo rin ako niyakap noong ako naman ay umiiyak
Tanda mo pa ba kung paano mo sabihin na mahal mo ako
‘Di pa ‘ko naniwala dahil aminado ka na ikaw ay sadyang mapagbiro

Tanda mo pa ba kung paano natin iniwan muna saglit ang barkada
Para lang sabay tayong bumili ng fishball o monay doon sa may kanto ng kalsada
Kay tagal nating naglalakad para lang dayain at mapahaba ang oras ng pagsasama
Pagbalik nama’y iilang piraso lamang ng fishball at monay ang dala

Tanda mo pa ba noong tayo’y magkasama sa gabi at naglalakad
Kamay mo ay nakakapit sa aking baywang sa pag-aalalang baka ako’y mawala
Kahit pa maglakad sa umaga, kamay mo ay nasa aking likod
Kahit saan mo man ilagay, tila lagi **** sinasabi ay “Lakad ka lang, andito ako.”

Tanda mo pa ba noon kapag may miting ng sabado sa eskuwela
Lagi tayong pumapasok ng mas maaga, isang oras bago ang natatakda
Ngunit hindi sa eskuwela ang ***** kundi sa parke nang makapaglaro saglit
Tapos pagbalik sa eskuwela ay tayo na lang pala ang wala sa silid, dahil nahuli pa rin.

Tanda mo pa ba noong tayong dalawa ang nag-representa
Tayong dal’wa ang lumahok para sa titulo at karangalan ng eskwela
At nang manalo’y lahat nagalak at sinabi na
Tayo muli ang lalalok para sa susunod na laban sa makalawa

Nakilala tayo sa ating galing, pati na rin sa kilig na ating inihatid.
Kaya naman pag sa kompetisyon, tayo ay naghigpit.
Ang dating magkasama sa lahat at magkakampi,
Ngayo’y biglang naging magkatunggali.

Tayo ngayon ay kinumpara sa ibang magkasintahan
Bakit raw sila pagdating sa grado sa eskwela ay okey naman?
Bakit raw sila ay parang walang pakialam sa kung anong kalalabasan
Ngunit tayo ay tila naguunahan

Kanya-kanyang labanan, kanya-kanyang istratehiya
Kanya-kanyang napalanuhan, kanya-kanyang talunan
Nagsarili at ‘di na namansin pa
Para bagang dalawang taong ‘di magkakilala

Nabalot ng yabang ang ating mga isip
Ngunit ang puso nati’y nanatiling tahimik
Hindi umimik kahit isang saglit
Kaya naman isip lang ang namalagi’t naghari

Tanda mo pa ba kung paano tayo noon?
Tanda mo pa ba kung ano ang meron?
O nakalimutan mo na kung ano ang mga sinabi mo sa akin noong okey pa?
Dahil ‘di ka sumagot noong sinabi kong, “patawad” at inamin ko ring mahal kita.

Unang beses kong sinabi sa iyo ang mga salitang iyon.
Unang beses sa buong pagsasama natin ng isang taon.
Ngunit nang binanggit ko hindi ka man lang tumungo
Kundi pinabayaan **** katahimikan ang mag-ingay para sa’yo.

Natatandaan mo na ba pagkatapos ang lahat ng aking pagpapa-alala?
Natatandaan mo na ba kung paano sumibol at nawala
Ang pagsasamang puno ng pangako at pag-asa
Natatandaan mo na ba?

Kung sakali man na talagang nalimutan mo na,
Pasensya sa ingay kong ito kasi ako hindi pa.
Hindi ko malimutan sapagkat sariwa pa.
Sariwa pa lahat ang pangyayari kahapon na dahilan kung ba’t may luha ngayon sa’king mata

Kung talagang nalimutan mo na,
Lahat ng ginawa natin, malungkot man o masaya,
Utang na loob, pwede ba ako’y turuan mo sana
Kung paano limutin ang lahat ng alaala.

Kahit na hindi na matago ang sugat na nameklat na,
Peklat na kahit Sebo de Macho ay hindi kaya,
Basta mabura lang alaalang nagdulot ng sugat na peklat na
Okey na sa akin iyon, okey na.

Okey na, oo. Kasi ‘di naman talaga peklat ang dahilan
Ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ako ay lumuluha
Eh ano naman kung may peklat ako di ba?
Wala pa rin naman kasing papantay sa sakit na nadarama

Sakit na muntik na akong malagutan ng hininga
‘Di ako nagbibiro sapagkat sa bawat pag-iyak at pag-singhot ko
Naninikip ang aking dibdib, nagdidilim ang aking paningin
Hindi ako makahinga

Tanda mo pa ba, noong tayo’y muling nag-usap
Tila ba gusto ko muling magpakilala
Akala ko kasi isang pag-uusap para muling makapagsimula
Yun pala, usapang pangwakas na.

At doon na huminto lahat ng masasakit na mga alaala.
Ngunit hindi huminto ang paghihinagpis ko bawa’t gabi, kada umaga.
Kaya naman hinihingi ko ang tulong mo kung ‘di mo na naaalala
Dahil kailangan kong malimutan ang lahat ng tanda ko pa.
Stum Casia Aug 2015
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
tatlo ang maglalakad nang napakalayo,
mula pinakamasikip na eskinita sa Valenzuela
hanggang pabrika para makatipid sa tricycle.

Sayang din kasi.

Dalawa siguro sa tatlong yun, babae,
may tig-isang anak na dumedede pa
at hindi pa talaga maiwan pero kailangan nang iwanan
kahit mahigpit ang pagkakakapit sa tuwing paalamanan
dahil mas mahigpit ang pangangailangan.

Sa sampung rin sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung nagbabaon ng kaning tinipid nung hapunan
at ulam para hindi na bumili sa kainan.
Yung isa siguro kakain na lang ng biskwit at tubig.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung hindi na magbebreaktime para magmeryenda.
Sayang ang bawat minutong titigil sa paggawa ng tsinelas,
baka hindi umabot sa quota, baka mawalan ng trabaho bukas.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
dalawa lang ang nagpapansinan sa oras ng trabaho-
yung magkaedad at magkatabi.
Sayang ang bawat minutong tatakas ang atensyon
sa ginagawa, baka mareject ang gawa, baka tuluyan nang tumunganga.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung hindi pa nakaranas ng fire drill.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung walang benepisyo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung mababa ang sweldo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung inaasahan ng pamilya.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa ang hindi mo kilala
kaya wala kang pakialam
mabigyan man sila o hindi ng hustisya.
Marlo Cabrera Nov 2015
Bilang mga pilipino
Nakaugalian na nating
Bumili ng bagay bagay ng
Pa tingi-tingi,
Tulad ng
Sigarilyo,
Kendi,
Shampoo
And marami pang iba.

Bakit nga ba natin ginagawa ito?
Ito ba'y dahil
Tayo'y nag titipid,
kaya tayo'y dumudukot lang
ng pa-pirapiraso,

O baka naman,
Ayaw lang natin
Na may mga bagay na nasasayang

Pero kahit ano pang
Aspeto ito,
Nadala na natin ito
Hanggang sa paglaki.

Nasanay na tayong
Umasta ng patingi-tingi

Pati sa pakiki-salamuha
Natin sa kapwa
Tingi-tingi na din,
Tingi-tinging mga ngiti,
tingi-tinging mga halik,
Tingi-tinging mga kwento,
Pero ang pinaka masaklap
Sa lahat ng ito ay,

Tingi-tinging debosyon
Sa panginoon.

Na dinudukot lang natin
ang mga pirasong,
Tugma sa
Sa ating mga problema

Ang mga piraso,
Na nagpapasarap
Sa atin piling,
Hindi natin ito kailanman
Hinahayaang turuan tayo,
At itama sa ating mga
Pagkakamali.

Tulad ng mga bersiculo
Ng biblia

Tinabas-tabas natin ang mga
Kasuluksulukan
Na banal sa libro.

Binulsa lang
Natin ang pagmamahal ni Cristo,
Dudukutin lang
Pag kailangan.

Kapag tayoy nalulumbay,
Sabik na sabik
Sa mga bisig
Ng iba.

Si ay ating
Kinakalimutan
Sa panahon
Ng kaligayahan.

Tinatawag
Lang siya
Kapag tayo'y may
Kailangan.

Na sa oras ng kagipitan,
Sinisigaw ang kaniyang
Ngalan.

Sana matandaan natin

Na tayo'y
Binili ng buo,
Gamit ang buhay
Na hindi binigay ng
Tingi-tingi
Pero binigay ng buong buo.

Hindi lang isang
Patak ng dugo,
Pero buong pagkatao,
Ibinuhos para lang sayo.

Kaya,
Tigilan na
Nating ang patingi-tinging asal,
Tigilan nalang
Natin ang pagpapakipot
Sa taong
Nagmamayari satin.

Tayo'y hindi tingi, tayo'y buo.
A poem written for Logo's "Sulyap", held at Pintô Art Museum.
Inspired by Paulo Vinluan's "Ngiting Tingi"
Jeremiah Ramos Apr 2016
Sabayan mo ako sa pagbigkas nito,
Nakakapagpabagabag,
Pitumput-pitong puting pating,
Minikaniko ni Monico ang makina ni Monica,
Ang relo ni Leroy ay Rolex
Bumili ako ng bituka ng butiki sa butika.

Eto ang mga pampilipit dila na naalala at kinalakihan ko
Ang saya bigkasin,
Kasi alam ko na ang bawat pantig, ang tamang pagsambit
At tuwang-tuwa ako bigkasin sa harap ng mga kaibigan ko
Ipinagmamalaki kasi kaya kong sabihin ng diretso, at hindi nauutal
Siyempre, noong una, pumilipit ang aking dila
Ilang beses pinaulit-ulit, hanggang sa masabi nang tama
At ayun, kinaya kong sabihin

Pero sa lahat ng narinig at nabasa kong pampilipit dila
Tila bang 'di ko pa rin kayang sabihin sa sa'yo ang mga salitang
Mahal, kita. Gusto, kita.
Na para bang sila ang mga salitang pinakamahirap bigkasin,
Kahit siguro ilang beses ko ulit-ulitin hanggang sa masabi ko nang tama
Parang hindi ko pa din kakayanin.

Siguro mas kaya ko pang sabihin sa sa'yo ang mga pampilipit dila na naaalala ko,

Nakakapagpabagabag
Nakakapagpabagabag ka sa pagtulog ko
Kakaisip kung anong mangyayari kung sinabi ko sa'yong gusto kita.
Kung anong mangyayari, pag nanligaw ako o pag naging tayo na.
Handa akong protektahan ka sa pitumput-pitong puting pating.
Alam mo ba ang relo ni Leroy ay Rolex?
Sana alam din niya ang oras ng uwi mo, para maihatid kita,
Sana alam din niya na tumitigil ang oras tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata
Sana alam niya ang tamang oras kung kailan ko ba dapat sabihin sa'yo na mahal kita

Nauutal sa apat na pantig,
Na hindi ko naman alam kung gusto mo bang marinig

Mahal kita, mahal kita, mahal kita.
Ilang beses inulit-ulit bigkasin habang papunta sa'yo
Baka sakaling masabi ko pagdating ko sa harap mo
Pero nang nakita ka na,
Para bang nabura mo ang lahat ng bokabularyo na alam ko,
Nakalimutan ang tamang balarila,
Nakalimutan kung paano mag-salita
At nang lumampas ka,
Nanghinayang. Sayang.

Tatanggapin ko na lang na
Siguro hindi lahat ng pampilipit dila ay kaya kong bigkasin
Mas-mabuti na lang siguro na,
Hindi sumubok, hanggang sa makalimutan ko nang sabihin sa'yo
At mag-aantay na lang muli
ng isang taong
hindi pipilipit ang aking dila
Kapag sinabi kong,
Mahal na mahal kita.
Karl Gerald Saul Oct 2011
Wag mo akong itulad sa iba
Na laging nakapayong kapag umuulan
Kahit basa kaya ko pa rin tahakin ang daan
Daan na kasing putik ng kanilang nilalakaran.

Wag mo akong itulad sa iba
Na akala mo kung sinong napakalaki ang mga mata
Na halos puro nalang mali ang kanilang nakikita
Daig pa ang maykapal kung makapanghusga.

Wag mo akong itulad sa iba
Na kung sinong mapakakapal ang mga bulsa't pitaka
Sila na kayang bumili ng kung anu ano lalo na pati ang hustisya
Sasaktan, gigipitin ng ilan masunod lang ang ninanais nila.

Wag na wag mo akong itutulad sayo
Wag mo din akong itulad sa tatay at nanay mo
Lalong lalo na sa taong mga nakapaligid sayo
Bakit? Hindi tayo pareho, 
Mayaman ka at hampaslupa ako.
Eugene Jan 2016
Mayroon akong kwento,
Sana ay mabasa ninyo.
Tungkol sa isang bobo,
Na minahal ang matalino.


Makurba ang katawan ni Matalino.
Mapungay naman ang mata ni Bobo.
Kabaitan ang ipinapakita ni Bobo.
Kamalditahan naman ang kay Matalino.

Isang araw sa may parke, nagkita ang dalawa.
Bumili ng minatamis si Bobo at ibinigay kay Matalino.
Pero hindi ito tinanggap dahil si Bobo ay hindi tao.
Sa halip na mainis, si Bobo ay ngumiti sa kanya.


Iniiwasan siya ni Matalino pero ayaw ni Bobo.
Mistulang kabute ito't lulubog-lilitaw.
Gusto niyang mahalin siya ni Matalino.
Kahit masunog pa ang balat ni Haring Araw.


Lumipas pa ang ilang linggo, buwan at taon,
Sumuko na si Matalino kay Bobong makulit.
Binigyan ng pag-asa ang pagsisikap niya hanggang ngayon,
Dahil alam niyang wala itong hihilinging anumang kapalit.



Hindi naglaon at sila'y naging kasintahan.
Ipinagmalaki si Matalino, siya'y kinaiinggitan.
Abot na niya ang langit sa kanyang harapan,
Pagka't napasagot niya ang Diyosa ng Kagandahan.
Crissel Famorcan Mar 2018
Sinabi ko noon,di na ako magsusulat pa
Ngunit iba pala ang nagagawa ng lungkot at pag-iisa
Kaya heto ako ngayon,muling nagda-drama
Ginigising ang plumang natulog sa mahabang panahon
At bumubuong muli ng tula—na sayo lang nakatuon,
Sinungaling ako—
Tanda ko pa nang aking sabihin
Di na kita gusto't nagbago na ang damdamin
Pero ang Totoo,Hindi ko lang maaamin
Ayokong aminin!
Na hanggang ngayon? Walang iba't ikaw pa rin.
Oo,Sinungaling ako—
Kahit ipagsigawan pa sa buong mundo
Sinu—
Sinungaling ako?
Ang tangi ko lang namang ginawa'y itago ang pag-ibig ko,
Ilihim ang pag tingin sayo
Dahil alam kong mali at wala pa sa panahon
Pero,ang gusto ko lang naman ay ang iyong atensiyon
Magkano ba ang isang sulyap? ang isang tingin?
Ituro mo naman sakin kung san ko yan pwedeng bilhin,
Kahit gaano yan kamahal susubukan kong bumili
Gusto ko kasing masilayan muli ang iyong mga ngiti
Hindi ko na kasi magawang mahuli pa ang iyong kiliti—
Lagi tayong nag-aaway
Magbabati ng saglit at sa isang kumpas lang ng kamay
Hayun at tila may pader na bumaba at humarang
Sa pagitan nating dalawa,
Hindi ko namalayan na sa tabi ko, wala ka na pala!
Masakit isipin na ang bilis **** bumitaw,
Pero wala naman akong magagawa pagkat ikaw ang umayaw
Hindi ko lubos maisip kung bakit ang lumilitaw
Ako ang masama?
Kahit na sa ating dalawa ikaw ang nagpabaya?
Minahal kita ng higit sa kaibigan—alam mo yan!
Pero kung wala talagang pag-asa
Handa na akong palayain ka,
Kahit wala naman talagang TAYO
KAHIT HINDI KO ALAM ANG ATING ESTADO
Palalayain kita.
Palalayain kita para ako naman ang sumaya.
rg Jul 2017
ang sarap uminom habang malamig ang panahon
habang nakikinig sa mga huni ng mga ibon
bumili ako ng isang bote ng alfonso
lumipas ang ilang oras tinamaan na ako
heto nanaman tayo
naalala ko nanaman yung dating tayo
ikaw nanaman pumapasok sa aking utak
sarap na sarap ako sa paglaklak
naubos ko na hanggang sa huling patak
hindi pa din gumagaling yung puso kong wasak
napaisip ako ano ba talaga meron sa alak
nabaliktad na ata at alak na ang may balak
pangalan mo na ang nababasa ko sa tatak
walang tawad na iyak at walang humpay na mga sapak
napapaisip kung hanggang alaala na lamang ba
at umaasa na ikaw ay babalik pa
at magigising ka at parang kinakausap ka ng alak na itigil na
wag ka na umasa
dahil kapag iyong binaliktad ang salitang alak
kala mo totoo
kala mo mapapasayo
kala mo hanggang dulo
wag ka maniwala
sa maling akala
-r.g.
Joshua Nov 2019
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Hindi ako nakapagsalita.
Hindi nakagalaw. Natulala.
Ang bilis ng pangyayari.
Nakakatakot. Na wala man lang akong nagawa.

Gabi ng lumabas ako sa aming tahanan,
Kinailangan kong bumili ng ulam para sa hapunan,
Naglalakad ako ng isang kilometro,
Makabili lang ng pagkaing ihahain sa mga anak ko.

Madilim na. At walang ilaw ang kalye.
Mas pinili ko na rin maglakad para tipid pamasahe.
Medyo malapit lang din kasi nakasanayan ko na.
Ang maglakad ng malayo na walang saplot ang paa.

Malamang hinihintay na nila ako.
Kaya binilisan ko ang lakad ko.
Excited na rin akong makain nila ang paborito nilang ulam.
Tortang talong na masustansya para sa aming hapunan.

Ngunit nang malapit na ako sa pamilihan,
Dalawang lalaking nakamotor, ako'y nilapitan.
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Napaluhod ako sa kalsada.
Nanghinayang sa karampot na baryang aking kinita.
Buong araw ako nagtrabaho,
Holdaper lang pala ang kukuha ng pinaghirapan ko.

"Mga anak, pasensya na, wala akong nabili eh"
"Ayos lang yan Pa, may asin at toyo pa naman eh"
"Bukas babawi ako mga anak ko."
"Hindi po papa, kami po ang babawi sa inyo."

Nawalan ako ng pera sa araw na ito,
Pero salamat at ganito ang pananaw nila sa mundo,
Na ang lahat ng ginagawa para sayo,
Ay sakripisyong dapat pinagpapasalamat mo.
Lumipas ang Mga Taon,
Sa sulyap ng isang mata,
Mga sandali ng kalungkutan,
At ang kagalakan ay lumipad.

Mga taong mahal ko,
Dumating na at wala na,
Ngunit hindi tumigil ang mundo,
At nagpatuloy kaming lahat.

Hindi madali ang buhay,
At ang mga pakikibaka ay naroon,
Napuno ng mga oras na mahalaga ito,
Mga panahong hindi ko lang pinansin.

Nakatayo ako sa sarili ko,
At natagpuan ko pa rin ang aking daan,
Sa ilang gabi na napuno ng luha,
At ang bukang-liwayway ng mga bagong araw.

At ngayon sa katandaan,
Ito ay naging napakalinaw,
Mga bagay na nalaman ko na mahalaga,
Hindi kaya kung bakit ako narito.

At kung gaano karaming mga bagay,
Na pinamamahalaang kong bumili,
Hindi kailanman kung ano ang gumawa sa akin,
Mas mabuti ang pakiramdam sa loob.

At ang mga pagkabahala at takot,
Ang araw na iyon ay sinaktan ako,
Sa katapusan ng lahat,
Gusto lang mawala.

Ngunit kung gaano ako nakaabot,
Sa iba kung kinakailangan,
Ay ang tunay na panukala,
Sa kung paano ako nagtagumpay.

At kung gaano ko ibinahagi,
Sa aking kaluluwa at puso,
Sa huli ay,
Ano ang naghiwalay sa akin.

At kung ano ang talagang mahalaga,
Ang aking opinyon ba sa akin,
At kung o hindi,
Ako ang pinakamahusay na maaari kong maging.

At gaano pa karaming kabaitan,
At mahal na maipakita ko,
Bago sabihin sa akin ng Panginoon,
Ito na ang oras ko.

— The End —