Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Dec 2018
Ang monasteryo ay pugad ng dasal ng maya
Nasa tono ang plawta, umiirog na nota
Ang natatanaw na inakalang bukang-liwayway  ay magandang kasintahan

Harana ng kalawakan, nakakabinging bulong
alulong ng multo na nanahan
Sundin ang pagkabigo
Sapagkat ang harmonya'y bihasa sa pagbibilanggo

Ang kinikimkim na rosas ay lumulubo
Ngunit nakagapos ang mga ugat
Nakapanlulumo man ito'y totoo
Nabubuhay ang bulaklak sa hardin na nakatago

Itigil ang kahibangan ng bahaghari
Pagkatapos ng pag-iyak ng kalangitan puso'y nagdadalamhati
Kahit gaanong tingkad ng kulay sa himpapawid
Malaking imahinasyon lamang ang makisabay sa pana ng anghel

Iwaksi ang pagtitibok
Ang mga konstelasyon ang patunay
Guhit ng relasyon sa hangin ialay
Papalayo, hindi mamamatay
paulit-ulit na mabibigo

Ang samyo ng damuhan ay may kaluwalhatiang hatid
Sa paraiso nakasandal ang mga balikat at pighati
Malayang pag-iisip, paglalakbay ng diwa
Lunas sa damdaming mahapdi
Jose Remillan Dec 2013
Kahanay niya ang tambak
Ng basura ng lansangan
At sanlaksang mga matang
Naguudyok upang ihanay

Niya ang kanyang sarili sa
Naaagnas na pag-asa ng lipunan.
Siya ay puta. Sa dambana ng
Mga banal, kasabay niyang

Umuusal ng dasal ang mga
Paham ng pamantasa't
Pamantayan ng pagiging tao.
Siya ay tao sa paningin ng mga

Hayop. Siya ay hayop sa paningin
Ng mga tao. Siya ay puta. Ano mang
Anyo't samyo ang paulit-ulit niyang
Ipalit at ipilit sa nakapinid na

Pangunawa't awa ng mga nagsasabing
Sila ay hindi mga puta, ang katotohanan
Nga ay katotohanan. Siya ay sumasaatin.
Nasa simbahan. Nasa Pamahalaan.

Nasa paaralan. Nasa pamilihan.
Nasa ng laman. Siya nga ay sumasaatin,
Sumasalamin sa kalipunan ng mga
Kabulukan ng ating lipunan.

Mga puta.
"All that is solid melts into air; all that is holy is profaned..."---KARL MARX

University of the Philippines--Diliman
Quezon City, Philippines

December 10, 2013
Aira G Manalo Sep 2015
Nakatingala sa kisame, ala-ala ko'y ligaw
Sa dilim ng gabi'y ano pa bang tinatanaw
Patalon-talon lamang ang sipat sa guhit ng mga ilaw
Isip wari'y walang pagod, lagi na lamang bang ikaw

Paikot-ikot ang higa, tila samyo'y naririto
Binabalik sa diwa ang lumbay ng paglisan mo
Gayunpama'y baon ang tamis ng mga halik
Sana'y di na lamang panaginip ang iyong pagbabalik

Unti-unti pa'y namumungay, ang mga mata'y nalumbay din
Tutungo sa pangarap, susulong na sa lalim
Impit na panalangin sa umaga paggising
Kaabay na muli, magbabalik sa aking piling
sa may dagliang liko
abot ng aking ligaw na sulyap ang
sabungan. matatas ang kanyang
ngalan.

"Cockfighter's Rendezvous" kaunting
lakad lamang pabalikwas sa
MERALCO kung saan isang mahabang
karagatan ng tao ang pilit
na inaalon ng bayarin, kaltas
sa sahod, bulag sa paroroonan.

ayon sa mga akda ay mayroong
Kristo sa sabungan. siya ang
nangangasiwa sa aliwan ng mga
drayber. ang matalas na tari
ng kanilang hagikgikan
ay lumulubog sa haba ng
pantimpalak

naroon daw si Kristo
habang
ang dagundong ng batingaw
ay tulog sa tore.
pitikan ng pitikan ng yosi
kung saan na lamang maisipan
ng pagod na kamay na may samyo
ng dala nitong lansa,
at matapos ay papasok ng muli
sa simbahan kung saan
kasabay ng pag-danak ng dugo
ang pag-kubra ng nag-wagi.

hawak ni Kristo ang patay
na manok,
nasusulat sa tari ang
linya ng dugo.
alam ko naroon si Kristo.

hawak ni Kristo
ang mga baryang kumakalansing.
ilang pirasong pag-asa
para sa pawisang drayber,
para sa parokyanong lasinggero,
para sa baguhan sa aliwan,
para sa llamado.

hawak ni Kristo ang lahat,
at siya ang panuto
sa pagsusulit ng ganid.

pauwi na ako. wala na ang
alingawngaw ng sigawan.
Lunes nanaman at ramdam
ng lahat ang bigat
ng parating na mga araw.
Jose Remillan Nov 2013
Panginoon mo ang
Panganorin. Bertud
Ka ng hubad na diwata.

Likhang-isip, halukipkip
Ng wika, pedestal ng
Luha, ikaw itong kalahatan

Ng kasalatan ng unawa't
Awa ng hangal na madla.
Samut-saring anyo't samyo

Ng opyong bumabawi ng
Bait at hinanakit sa buhay
Ngunit masugid na patrong

Naghahasik ng biyaya
Sa anyo ng

bote
pakete
lata
spaghetti
langaw
lumot
bangaw
ipis
lotion
co­ndom
burak
darak
barya
kariton
prosti
sutana
artista
politiko
pul­is
tsismis

                       atbp.
Harvard University
Boston, MA
November 3, 2013
Jose Remillan Nov 2013
Sapat nang bendisyon
Ang luha sa'yong  mga
Mata upang maging

Karapat-dapat ang mga
Tuyong talulot ng rosas
Na matagal **** ikinubli

Sa aklat niya ng mga tula.
Marahil, lumipas na nga
Ang inyong panahon.

Ngunit ang bawat kataga
Na minsan niyang inialay
Sa'yo ay hiwagang lalang

Ng puso, may ritmo ng
Pagsuyo, may samyo ng
Bagong pangako. Ipako

Man ng oras ang ala-ala't
Alat ng luha na dumadaloy
Sa'yong magkabilang pisngi,

Ang mga talulot na ito'y
Patuloy na magbibihis ng
Bagong pag-asa, lalaya mula sa

Siniphayong ligaya, mananahan
Sa bawat pahina.
University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
October 12, 2013
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
aermaen Jun 2011
1.     Ang pagyao nya'y tulad sa hangin

         di mawari'y tila isang banyuhay ng init

         na sumakbibi sa iyong pusong bato

         na sa kalauna'y lumamig at lumisang tuluyan.



2.      Sa di kaginsa-ginsay na kaganapan

         ika'y nag-aral mabuhay

         batid ang dalamhating hatid ng halumigmig

         na dala ng luha at ng bagong umaga



3.      Sa pag bukang liwayway

         ako'y sisigaw at tatanaw

         batid ang samyo ng ala-ala

         patuloy sa pagunita sa pagsintang tangan sa paglisan



        naninimdim



        ngunit magpapatuloy lamang.
kingjay Aug 2019
At sisimulan sa pag ani
ng mga ala ala
Magtatagpo sana sa dalampasigan  kung saan dumadampi ang mahalumigmig na hangin
Dapuwa hindi giginawin

Nakatalukbong ang isang binibini
Mga kanyang  salita'y tumaktak sa wari
Sapagkat hindi maisabi
O hirang hindi kailanman naging makasarili
Ang pag ibig minsan kailangan bumaba ang Hari

At ganap na  hari sa luklukan
Walang makapagpapatalsik ni anumang may buhay
Wala rin isinilang sa mundong ibabaw
ang makapagpahabag

Ngunit ito ba'y kahantungan ng lahat
Ang pinalad na maging reyna ibang palasyo binagtas
Magdiwang na ang lahat
Ano ba ang magagawa sa Maharlikang angkan

Ngayon ay tumatanda kasabay ng panahon
At naging kadena ang mga matamis na kahapon
Ang samyo ng bukid ay parang usok na sanhi ng pagkahika't hapo
solEmn oaSis Nov 2015
sa dami ng puting buhangin,,may ugong ang paligid
sapantaha koy taimtim na nagmamasid
sapagkat pikit-mata akong napatitig ng isang iglap
dahil sa aking hinagap tanging puwing ang nasagap

o luntiang hugis-bakit ang kaanyuan
meron akong mumunting katanungan
hiraya manawari,, maibsan itong alinlangan
kapara ng hardinero sa kanyang halamanan

hanggang kailan pa kaya ang pagkapa ko sa dilim?
at sa aking pagdilat,,di na ba matatakam sa pagtikim?
sa samyo ng mahiwagang halaman,, sa tubig ay tigib
sa nakaambang mga tinik,,pahiwatig ay kutob sa king dibdib

Tanong Ko Lang?,,,,,,,

KANINONG ANINO NGA BA
ANG TILA NANGANGAMBA,
SA SILWETA O SA TALABABA?
DI KASI HALATA,SINTOMAS NG AMIBA!
---the talent i've been hiding?Well...
well,,,it comes from-by being well
or specially if am a little bit unwell
Dan Mills i'm glad you appeared to my home,tonight,to your poem i will dwell!
kingjay Sep 2019
Kung oras ay magwawakas
Sa langit ang hihintin
Saranggola ay dadalhin
Na yari sa buntunan ng paninimdim

Sapagkat ang landas
Ay piniling tinahak
Wala man harang ngunit dulot ay sakit
Pagtitiis ng kirot ay sinapit

Sana'y maging panaginip ang katapusan
At matutupad ang pahimakas
Tulad ng hangaring sibat
Tumusok sa tudlaan

Ang Amihan ang maglalagay
sa himlayan ng hangin
Di na pumailanlang sapagkat malamig
ng samyo ng nalalantang pag-irog

Sa gunamgunam ay binabalik balikan
ang sandali nang unang pagtubo ng bulaklak
Sapantaha'y mabibigo rin naman
Pananabik nang marubdob ay
nasawata nang biglaan
Jun Lit Feb 2020
Ikasampung lagok na
at higit pa
ng mainit **** ala-ala
subalit malapit man
wari kung aking tinitingnan
sa sulok ng napadpad na isipan
sa kabilang ibayo ng mga pananaw
sa malayong dalampasigan ng pagkatao,
hindi ko kayang abutin
ang pinutol kong pusod
na sa puting lampin ay ibinalot,
at ibiniting tila bituin sa mga alapaap.

Maghapon ko mang lakarin
mula sa aking pusong pinabango
ng galapong na bagong giling,
na kung saa’y tiniis ang init ng kahirapan
habang isinasangag ang bawat butil
ng sanlibo’t sandaang ari-muhunan
mula sa masuyong pinagsikapan,
pinagtiyagaang alagaan -
puno ng liberikang kape
ng lupang sinilangan.

Malayo, malayo na ang Lipa
madaling lakbayin sa malawak na kalsada
na dumaraan na ngayon sa kabundukan
ng Malarayat
na noong musmos pa’y
malayo, malayo, malayo . . .
tanging nakakarating lamang ay mga uwak
at sabay-sabay na lumilipad na tagak
sa takip-silim nama’y mga nagsasalimbayang kabag.
Noo’y maliliit pa ang puno ng sintunis
Ngayo’y natabunan na ng palitadang makinis
Hinahanap ko ang lungga ng dagang bulilit
At puno ng bitungol sa unahan ng lumang bahay
na inaakyat ng mga paslit
napawi na rin ang matayog na tahanan
tila binura ng kapalaran
at mistulang iginuhit ng chalk lamang
sa pisara’y kumupas na larawan.

Natabunan na ng bundok
ng mga alikabok ng ala-ala,
wala na tahanan, o ang lumang pisara
tila nawaglit ang apat na dekada

Malayo na ang lumang Lipa
at katulad ng dahong alamat ng ngalan nya
makating-masakit at di makakalimutan
ang mga karanasan at mga aral na dala

Kung wala na ang bigas na kinanda
magtitiis ako sa samyo ng binlid at ipa
Kung wala na ang pinipig at nilupak sa baraka
kahit budbod at lumang latik ay yayamanin na
Lalakbayin ko’y lubhang malayo pa
Ngunit sinisinta
ika’y makakaasa:
     Ang pinanggalingan,
          ang pinagmulan,
               lilingunin tuwina.
Brewed Coffee - 10; 10th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Rey Tidalgo Jul 2016
Lumuha ka aking / lumuluhang puso!
Iluha mo'ng lahat
ng kanyang larawan, / pagkasi't pagsuyo.
Lumuha ka dahil / nawala't naglaho
ang minsang nilasap
na pag-ibig niyang / may samyo at samo.
Lumuha ka puso, / lumuha ka puso!
Dahil siya'y huwad
na umibig sa'yong / kay raming pangako.
Iluha mo'ng lahat / ng kanyang napako
at hindi natupad
na pangakong puro / sa lalang at biro.
Lumuha ka puso, / lumuha kang lalo!
Lumuha kang ganap
dahil puso niya, pala'y pusong tuso.
Lumuha ka aking / lumuluhang puso...
Ngayon ka umiyak
habang marami pang / luhang tumutulo.
* lalang - panloloko
*huwad - peke

(: Para sa mga sawi. Haha
091222

Dakila ang Iyong Ngalan —
Walang makapapantay Sa’Yo.
Ikaw ang Himig sa aming pagsamba,
Ang Liwanag sa mundo naming kaydilim.

Ilapit Mo kami Sa’yo,
Nawa’y ang aming pagsinta’y
Maging kanais-nais na samyo
Sa trono **** banal
At sa pag-ibig **** hindi pabagu-bago.

Hubad man ang aming pagkatao’y
Hindi ito naging hadlang
Para kami’y Iyong tawagin —
At kusa **** akayin
Ng wagas **** pag-ibig
At bihisan nang walang anumang bahid
Ng paghuhusga’t pagkukutya.

Putik man ang aming pinagmulan
Ngunit kami’y Iyong hiningahan
Ng buhay na sa huli’y
Sa’Yo rin ang katapusan.
Ikaw ang simula at ang wakas —
Sa’yo nagmumula ang dunong at lakas.

Sa’yo iaalay ang buhay na hiram
Sa’yo igagawad ang lahat ng papuri’t pagsamba.
Salamat, Panginoon! Ikaw ay Dakila!
Maligayang Anibersaryo, LifeChurch!
Kaybuti ng Diyos!!!

— The End —