Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Elizabeth Oct 2015
Namis ko ang mga panahon,
na naglalakad ako papunta at pauwi mula trabaho
Sumasakay sa jeep, mukhang tanga, nagaabang sa kanto
Sulyap ko si kuya, nangungulangot ng patago
Nakatingala sa langit, ngiti ko'y tila ipinako

Masaya sumabay sa takbo ng mga tao
Kita mo lahat ng ganda at panget sa mundo
Maging avon man o ever bilena ang gamit
May lunes parin na maiiputan ka ng pato.

Namis kong mag tsinelas palabas ng bahay
Ngayon 3inches na ang taas ng yapak ko
Pati din ang jansport na laging nakasabit
Ngayon para akong magtatahong walang buena mano

Madaming nabubunyag sa aking biyahe
Malalagkit na sulyap ni kuya sa pasahero
Ngayon nga'y may pisong nalaglag sa tabi
Dadamputin sana ni ate kaso naunahan ko

Hiwaga sa'kin, saan kaya siya patungo?
Sucat highway (tawid)- Coastal- Baclaran
16pesos
kahel Aug 2016
Para tayong nasa isang jeep,
May iba't ibang pupuntahan.
Mayroon doon sa malapit, sa kabilang kanto o sa dulo ng bayan.
Hindi magkakakilala pero iisa lang ang layunin.
Ang makarating sa pinaroroonan.

Para tayong nasa isang jeep,
May nagmamadali, may chill lang.
Naghihintayan at nagmamasid...
Kung sino ang unang magbabayad ng pamasahe.
Kung kanino i-aabot ang pamasahe.

Para tayong nasa isang jeep,
Ayaw umupo sa pwesto malapit sa driver dahil may instant trabaho na agad
Taga-abot. Taga-bigay.
Kailangan sumigaw para marinig.
Kumapit ng mabuti para hindi mahulog.

Para tayong nasa isang jeep na walang ibang ginawa kundi ang makipagtitigan.
Habang ang ating mga mata ay nag-uusap at nag-kikislapan.
Para tayong nasa isang jeep na handa makipagsiksikan para lang makauwi.
Habang ako, sayo ay wala ng espasyo .
Kasya pa ako pero mas pinili **** pasabitin na lang ako.

Na traffic lang tayo saglit bigla ka na lang pumara at sabay baba sa buhay ko.
Na parang nakalimutan mo ilagay sa bag ang baon mo
O kaya naman di ka sigurado sa direksyong patungo
Hindi ko na nakita ang mukha mo dahil sa kapal ng usok na buga ng tambutso
At hindi ko man lang naibalik sayo ang sukli mo,
Nahawakan ang mga kamay mo at napigilang maglaho.
winnerrdrop Jun 2015
Naisip ko na parang buhay pasada ang ating istorya.

Ikaw ang pasahero, ako ang tsuper.

Ganito ang senaryo; nakita kita sa kalsada di alam san pupunta.

Ako naman si tanga hinintuan ka kahit dika naman pumara.


Sumakay ka; gaya ng iba.nasa mukha mo yung salitang "Bahala na".

Diretso lang ako sa pag maneho. di mo parin sinabi kung san ka pupunta.

Kita naman sa karatula kung san ang aking ruta, inisip ko baka alam mo na.

Sa gitna ng byahe, mukhang nalibang ka na, kaya pasikat ako sa arangkada.


Halatang bago lang sayo yung dinadaanan, may tingin at may pangangapa.

Ayos lang yan sabi ko. Kabisado ko to. ako'ng bahala.

May mga sandaling napapakwento ka, Siguro dahil na rin sa palagay ka na.

Mukhang nakalimutan ko na yung ibang pasahero. Pakiramdam ko tayo lang dalawa.


Sa wakas, naitanong ko kung san ka ba talaga pupunta?

Kasi, 'haba na ng byahe mahirap na baka maiuwi kita.

Biglang Nawala yung ngiti mo sa mata. Para kang may naalala.

Dimo ako sinagot. Bigla kang pumara.


Di ko alam kung natakot ka ba? o ang pamasahe mo e kulang pa?

Ayos lang naman akong ilibre ka. Basta maihatid kita.

Aaminin ko, nung tinanong ko kung san ka pupunta,

Napadasal ako ng konti na sana sabihin mo, "Ikaw, saan ka ba?"


Naiwan ako nakahinto sa kalsada. kasi nagulat ako nung tumakbo ka,

Tinawag kita pero lumiko ka na sa madilim na eskinita.

Napakamot ako sa ulo at napailing. Ako ba ang may problema?

Di ko tuloy alam kung babalik ka. kasi kaya kong mag intay pa.


Pinaandar ko ulit yung jeep. nagmaneho, nag maniobra.

umikot, luminga linga. wala ka na.

Hahanapin kita. madilim na.. bukas baka bukas.

Kung san kita nakita nung una, baka doon ka pumara.
Written in Filipino
brandon nagley Aug 2015
I tatawid sa kanya fane
bilang ako pamasahe sa kanyang utak;
Ang aking Paraluman.

( Filipino tongue)

(English tongue)

I shalt go to her fane
As I fare into her brain;
Mine muse.


©Brandon nagley
©Lonesome poets poetry
©あある じぇえん
Joshua Nov 2019
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Hindi ako nakapagsalita.
Hindi nakagalaw. Natulala.
Ang bilis ng pangyayari.
Nakakatakot. Na wala man lang akong nagawa.

Gabi ng lumabas ako sa aming tahanan,
Kinailangan kong bumili ng ulam para sa hapunan,
Naglalakad ako ng isang kilometro,
Makabili lang ng pagkaing ihahain sa mga anak ko.

Madilim na. At walang ilaw ang kalye.
Mas pinili ko na rin maglakad para tipid pamasahe.
Medyo malapit lang din kasi nakasanayan ko na.
Ang maglakad ng malayo na walang saplot ang paa.

Malamang hinihintay na nila ako.
Kaya binilisan ko ang lakad ko.
Excited na rin akong makain nila ang paborito nilang ulam.
Tortang talong na masustansya para sa aming hapunan.

Ngunit nang malapit na ako sa pamilihan,
Dalawang lalaking nakamotor, ako'y nilapitan.
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Napaluhod ako sa kalsada.
Nanghinayang sa karampot na baryang aking kinita.
Buong araw ako nagtrabaho,
Holdaper lang pala ang kukuha ng pinaghirapan ko.

"Mga anak, pasensya na, wala akong nabili eh"
"Ayos lang yan Pa, may asin at toyo pa naman eh"
"Bukas babawi ako mga anak ko."
"Hindi po papa, kami po ang babawi sa inyo."

Nawalan ako ng pera sa araw na ito,
Pero salamat at ganito ang pananaw nila sa mundo,
Na ang lahat ng ginagawa para sayo,
Ay sakripisyong dapat pinagpapasalamat mo.

— The End —