Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
bartleby Aug 2016
Patawad,
Sa lahat ng mga bagay na nawala
Sa mga oras na nasayang
Sa mga tawanan at kwentuhang hindi na mauulit
Sa mga luhang hindi alam kung kailan titigil
Sa mga pagkakataong pinalipas

Totoo nga
Hindi sapat ang pagmamahal
Kailangang paghirapan at pagtrabahuan
Pero paano mo nga ba masasabi na mahal mo talaga ang isang tao?
Kung puro sakit na lang ang nararanasan

Hindi sapat ang pagmamahal
Sa dinami-dami ng dahilan para umalis ka sa isang relasyon, bakit ka nga ba nananatili?
Dahil sa pagmamahal na pinanghahawakan mo?
Pero paano kung yung ka-isa isang dahilan kung bakit ka nananatili ay nararamdaman mo nang unti-unting nawawala?
'Wag mo nang pahirapan ang sarili mo at ang minamahal mo o nagmamahal sa'yo
'Wag **** hintayin dumating sa punto na wala nang matira sa inyo pareho
Hindi tama ang "ibigay mo ang lahat"
Tandaan mo na bago ka magmahal ng ibang tao, kailangang buo ang sarili mo

Sa isang relasyon, dalawang tao ang dapat na nagtutulungan
Hindi isa lang
Hindi isa lang ang masaya
Hindi isa lang ang umiintindi
Hindi sapat na "gagawin ko 'to para mapasaya siya"

Siguro nga, mahirap talagang magmahal
Pero ganun naman talaga diba?
Pag para sa taong mahal mo, lahat kakayanin mo
Pero sapat nga ba yun?
Hindi.
Dahil paano ka magmamahal kung ikaw mismo ubos na?
Paano ka magbibigay kung ikaw mismo wala na?

Hindi ka nagmamahal para buuin ang isang taong wasak
Hindi ka nagmamahal para baguhin ang isang tao
Hindi ka nagmamahal para may maipagyabang ka sa mga kaibigan mo
Hindi ka nagmamahal para waldasin ang pera ng magulang mo

Nagmamahal ka para sa ikabubuti ng pagkatao mo at ng minamahal mo
Nagmamahal ka para malaman mo kung bakit ka talaga nandito sa mundong 'to
Nagmamahal ka para maging masaya, hindi para maging miserable
Dahil kung gusto mo lang din naman maging problemado, maraming problema ang Pilipinas na pwede **** atupagin

Kung nagmamahal ka na lang para masaktan at makasakit, hindi na yan pagmamahal
Ang pagmamahal ay hindi katumbas ng pagpapakatanga
Oo, may mga bagay na magagawa mo lang dahil sa pag-ibig
Pero kung magpapaka-tanga ka na rin lang, hindi mo ba mas gugustuhin na matuto at malaman ang mga mas importanteng bagay sa mundo?

Totoo nga, there's more to life than love
Hindi mo kailangan madaliin ang pag-ibig dahil marami pang pwedeng mangyari sa buhay mo
Marami ka pang makikilala
'Wag **** paikutin ang mundo mo sa isang tao na walang kasiguraduhan na magtatagal sa buhay mo

Bakit hindi mo muna buuin ang sarili mo hanggang sa dumating ang taong magmamahal sa'yo na kapantay ng pagmamahal na kaya **** ibigay?
Katryna May 2018
Paikutin mo ako,

Sa iyong palad,
Sa iyong mundong walang ibang alam kung hindi ang itago ako
Hindi para maging yaman,
Kung hindi itago ako sa salitang "akin ka lang".

Akin ka lang,
pero ikaw kahit kelan hindi naging akin lang.
Pero ako, sayo lang.


Paikutin mo ako,

Sa iyong mga salita,
Sa iyong mga ginagawa.
Ikulong mo ako, sa rehas ng pag-ibig na
Hindi pwedeng maging tama,

Sabihin mo,
nasaan ang susi na magpapalaya sa matagal mo ng kinukubli?

Mga pakiramdam na hindi masabi-sabi,
Tinago mo ng matagal,
Hindi mo sina alang-alang

Saan mo sinisilid ang iyong nararamdaman?

Sa kanya?
Sa kanya.

Nasa kanya ang susi ng iyong kalayaan
Ngunit nasa akin
ang susi ng iyong kaligayahan.

Na sa dilim mo lang nahahawakan.
Nasisilayan.
Nalalasap.

Sa dilim lang pwedeng magtama ang mga pinaniniwalaan nating tama.

Sa dilim na kapag pinasukan ng ilaw,

Maglalaho ng parang bula.

At ang salitang ikaw, ako

ay tuluyan ng mawawala.
Jenny Guevarra Apr 2018
Naiitindihan kita
Gusto **** kumawala, hindi ba?
Mula sa lipunang mapanghusga,
Mula sa mundong walang ibang ginawa
Kung hindi ang paikutin ka

Naiintindihan kita
Gusto **** lumaya, hindi ba?
Para ipahinga
Ang isip **** litong-lito na
Kung ano ba talaga ang dapat
Kung ang ginagawa ay tama ba
O kung tama na ba

Naiintindihan kita
Gusto **** tumakbo, hindi ba?
Kahit sinasabi nila na hindi iyon ang sagot
at hindi iyong ang dapat

Pero hindi mo naman sila kailangang sundin
Hindi mo naman kailangang laging magpaalipin

Sabihin mo sa ‘kin
Gusto mo ba talagang mapag-isa?
Hindi ka na ba talaga makahinga
Kahit ang nilalanghap naman na hangin ay sariwa?

Pero sige,
H’wag mo na akong sagutin
Ipapaalala ko na lamang sa ‘yo

Walang ibang pwedeng magpapasya sa iyong tadhana
Ikaw lamang hanggang sa wakas ng iyong hininga
Alam mo naman ‘yon, hindi ba?
Katryna May 2018
Tama na sa isang pirasong hikaw na lang kita maaalala
Habang ikaw suot ang 3 pirasong hikaw sa magkabila **** tenga.

Parang ikaw, ako at sya.
Kayo ang terno,
Ako ang naiiba.

Tama nang hikaw na lang ang gamitin kong palamuti sa tenga,
Kesa sa mga madudulas **** salita.

Dahil ang hikaw,
Mabilis alisin kapag ayaw na.
Mabilis alisin kapag nakakasugat na.
Mabilis linisan kapag narumihan na.
Pero ikaw, para kang butas sa tenga na mahirap ng pahilumin pa.

Magtataka pa ba?
Kung ako ulit ang luhaan,
Kasi kaya mo naman silang paikutin sa iyong mga salita
Tulad ko, naniwala naman sa paulit ulit **** litanya.

Ako,
Ikaw ang lang ang iisa kong piraso ng hikaw ko sa tenga.
Naka twerka at di na aalisin pa.

— The End —