Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
“Mahirap na daw turuan ng bagong laro ang matandang aso”, siguro nga totoo ito. Pero may mga bagay na nalalaman ang matandang aso na hindi alam ng mga kabataan ngayon. Alam ng matandang aso ang sagot sa maraming talinghaga at hiwaga na taglay ng buhay. Nakita n’ya ang mga paliwanag na nagbibigay ng liwanag; nakita n’ya ang mga katotohanan at kasinungalingan na nasa pagitan ng mga sulok-sulok ng buhay. Alam n’ya na hindi lahat ng kumikinang ay ginto, na hindi porke kalmada ang dagat ay wala nang darating na unos. Hindi ibig sabihin na kapag komokak ang palaka ay tag-ulan na. Alam n’ya na ang kamatayan ay hindi talaga kasawian kundi isang bagong yugto, isang bagong pagsisimula at isang bagong anyo ng buhay.

Alam ng matandang aso ang pagkakaiba nang tunay na umiibig sa nalilibugan lang. kaya natatawa s’ya kapag nakikita ang mga kabataan na inaabuso ang salitang “pagibig”. Mahina na ang katawan ng matandang aso subalit nananatiling malakas ang kanyang isip; malabo na ang kanyang mga mata pero malinaw parin ang kanyang puso at pandama. Marami na s’yang naisulat at marami na s’yang binigkas na mga talumpati, alam n’yang hindi lahat ng nagbabasa at nakikinig ay natututo. Marami sa kanila ay nananatiling mga ungas at gago. Alam n’ya na ang karunungan ay hindi agad-agad na tinatanggap ng mga hanagal na nakikinig, na hindi ang talumpati at panulat ang talagang nagmumulat kundi ang mga karanasan at mga pinagdadaanan.

Malalim na ang gabi pagod at inaantok na ang matandang aso pero hindi s’ya makatulog. Dahil alam n’ya na sa bawat pagkahimbing ay laging may naka-abang na bangungot. Na ang bawat bukang-liwayway ay hindi laging may dalang pag-asa. Na, ang maghapon madalas ay isang tanikala na iyong kailangan na hatakin. Hindi naging masaya subalit hindi rin naman naging malungkot ang buhay ng matandang aso, pero hindi s’ya nanghihinayang sapagkat alam n’ya ang ibig sabihin ng kasabihan na “ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka”.
JOJO C PINCA Dec 2017
May nag-aalab na damdamin sa loob ng aking dibdib.
Isang galit na hindi humuhupa parang sugat na lumalala.
May tanong na hanggang ngayon ay hindi mahanapan ng sagot.
Napapagod ang diwa ko pero walang makitang kapahingahan.
Nauuhaw ako subalit tila hindi sasapat ang tubig.
(mabuti na lang at may serbesa at alak na masasandalan)
May sapot sa isipan ko kaya hindi makita ang hantungan.
Wala akong magawa kundi harapin kung ano ang meron ako,
Hindi naging mabait ang kapalaran at naging maramot ang buhay.
Ang kaligayahan ay parang mailap na ibon ,
mahirap mahuli at hindi madaling mahawakan.
Lungko’t at pagdurusa ang matalik ko’ng kaibigan.
May mga magdamag na ayaw ko nang magwakas,
Mga pagkahimbing na ayaw ko nang magising,
Mga umagang ayaw ko nang tanawin.
Ito ang palad kong hatid na kailangan ko’ng harapin.
Haharapin kahit may hinanakit at panghihinayang,
Haharapin dahil kailangang gawin,
Tulad ng ginawa ni Sisyphu ang lahat ng lungkot at hirap ay aking haharapin.
Xian Obrero Jun 2020
Sa pagkagat ng takipsilim isa lang ang natatangi kong hiling,
nawa'y sa agad na paghiga ay siyang agad ring mahimbing.
'pagkat ako'y sabik na ng labis na muli kang makapiling—
hintayin mo aking sinta, sa tagpuan natin ako'y darating.

Sa napakalaking puno tayong dalawa'y nagtagpo
Tila nag-uusap ang ating isip at puso kahit hindi kumikibo,
hindi ako makapagsalita sa kadahilanang dinadaga ang aking puso..
Sa pagsalubong mo sa akin, niyakap kita at hinalikan sa iyong noo.

Mga luha mo'y nagsitulo mula sa'yong napakagandang mga mata,
wala akong ibang nagawa kundi titigan ang iyong napakaamong mukha..
Sadya namang hindi natin masukat ang kaligayahang nadarama,
Hiniling ko na sana ang oras na iyon ay hindi na matapos pa.

Muli sana akong lalapit para muli kang yakapin,
ngunit sa aking pagkahimbing kinailangan ko nang gumising.
Huwag mag-alala, aking sinta 'pagkat muli akong darating...
sa aking susunod na mga panaginip ang oras ay atin nang susulitin.
Pusang Tahimik Dec 2021
Gising sa pagkahimbing
Ang isip na balimbing
At kahit anong halinghing
Ay binging nakatingin

Sa apoy na pinatay
Bandera'y iwinagayway
Ito nga'y tagumpay
Sa buhay na matamlay?

Kapangyarihang taglay
Hindi na lumalatay
Wala kang binubuhay
Sa matagal nang patay

Habang natutuwa
Sa larong nakakasuya
Ako ang mandaraya
Hindi ko ipagtatatwa

- JGA
JOJO C PINCA Nov 2017
Kaninang umaga
Habang hithit ko
Ang nagbabagang yosi
Ay naalala ko
Ang lumipas na tag-araw.
Kalagitnaan ng Abril 2017
Maalinsangan ang umaga
Nang ako’y magising
Matapos ang isang gabing
walang pagkahimbing.
Sa sala at maging sa lamesa
Namagitan ang isang
Mahabang katahimikan
Walang usapan, Walang kibuan
Isang nakakainis na pakiramdaman.
Nung sumapit na ang tanghali
Mas mainit pa sa nakasalang na kawali
Ang init ng nakakapugnaw
na putang-inang araw.
Pero kakaiba ang tag-araw na ito
Sa gitna ng matinding init
Akoy giniginaw
May Malaria? Wala s’yempre
Pero ako’y giniginaw.
Giniginaw ako sa tindi
ng panlalamig mo sa akin.
Kaninang umaga habang nagyoyosi
Sa pagitan ng usok at buntong-hininga
Naalala ko ang lumipas na tag-araw.

— The End —