082021
Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.
Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.
Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.
Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.
At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.
Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.