Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Lyka Adlawan May 2018
Tagu-taguan,
Maliwanag ang buwan
Munti kong tula,
Inyong pakinggan

Ito'y patungkol
Sa kabataan
Na inaakalang
Pag-asa ng bayan

Wala sa likod,
Wala sa harap
Ano ang kabataan
Sa hinaharap?

Handa na ba kayong
Malaman ang totoo?
Pagbilang ng sampu,
Malalaman na ninyo

Isa, dalawa, tatlo
"Tara, pre! Dota tayo!"
Isa, dalawa, tatlo
"Kyah, pa-like ng DP ko"

Isa, dalawa, tatlo
"Naka-hithit na ako"
Isa, dalawa, tatlo
"Tara, shot na tayo"

Mga kabataang nakikiuso
Mga kabataang lulong sa bisyo
Kabataang imbis na ang dala'y libro
Ang palaging hawak ay sigarilyo

Apat, lima, anim
Wala nang ibang alam gawin
Apat, lima, anim
Kung hindi gadgets ay pindutin

Apat, lima, anim
"Babe, walang tao sa'min"
Apat, lima, anim
"Babe, pwede na nating gawin"

Mga kabataang napapariwara
Mga kabataang sa tukso'y nadadala
Kabataang tinuturing na Maria Clara
Na ngayo'y mas kilala na sa Maria Ozawa

Pito, walo, siyam
Nasirang kinabukasan
Pito, walo, siyam
"Aking pinagsisisihan"

Pito, walo, siyam
"Ako'y nanghihinayang"
Pito, walo, siyam
"Ibalik niyo 'ko sa nakaraan"

Totoo nga ang kasabihan
Ang pag-sisisi'y nasa hulihan
Ang ating nakaraan
Ang siyang madidikta ng kinabukasan

Ngunit hindi ko naman nilalahat
Ang nais ko lang, kabataa'y mamulat
Ang buhay natin ay parang aklat
Tayo ang gumagawa ng sarili nating kwento at pamagat

Hindi ko tatapusin ang bilang sa sampu
Dahil hindi ako ang magdidikta ng kinabukasan niyo
Ngunit sa pagtatapos ng munting tula ko
Sana'y makapagsimula kayo ng panibagong kwento

Kwento na kung saan kayo ang bida
Kwento na kung saan kayo ang pag-asa
Salamat sa pakikinig mula umpisa
Ngayon ang tulang ito'y tinatapos ko na
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Sona-sonahan, madilim na naman.
Pagbilang kong tatlo, nakatago na kayo
Mapagod man kayo, tuloy pa rin ang laban ko
Isa.. dalawa.. tatlo.. Game?"*

Pag si Juan ang nagsalita,
Nag-aalitan ang madla.
Pag tikom ang bibig,
Siya'y bulag raw sa maralita.

Pag nilatag ang naplantsa,
Lalatiguhin ng administrasyon.
Pag walang plataporma,
Ihahagis sa bangin ng suhestisyon.

Kalaban pala nati'y ang sariling atin,
Demokrasya nga'y may sapin pa rin sa bibig
Mga bolang itim, saang lupalop ang padpad
Mapait ang kapayapaan,
Dakila ma'y kanilang binabagsak din.

Walang nakatitiis sa bayang nagpapapansin
Masakit nga naman sa bulsa ang tunay na bayanihan
Dugo'y dumanak makamtan lamang ang demokrasya
Sobra-sobra nga lang ang danak ng iilang raleyista.

Sadsad sa suliranin ang Inang tinakwil
Mga anak sa lama'y namasyal pa sa ibang bayan
Hindi na matapus-tapos ito'y pagdadamayan,
Damay sa kurapsyon, damay sa pagtitwakal ng mga Inakay.
Yuyuko na lang ang nasa langit
Pagkat nagapi ang mga tunay na Anak --
Ang lipunang ginahasa ng iilang ganid,
Paulit-ulit na, ang hapdi ng kamusmusan.

May iilang nagtatanong,
May iilang walang pagtataka,
Musmos sa bayan, wala namang pag-usbong
Kaya't iba na lang ang nakikinabang
Puspos sa distansya
Ng kamalian ng nakaraan.

Hugas-kamay ang iilan,
Simpleng hindi batian,
Wika nga ba ng pagkakalimutan?
Parang away-kalye, away-bata
Aso't pusa, sa lipunang
ang hepe'y sila-sila lang din.

Batu-bato pik, naglalaro ang iilan
Bukas tataya na naman sa lotto
At pag natalo'y iiyak na lang,
Bibigyan ng tsokolate,
Pangako para sa matamis na pag-iibigan
Ngunit balat lang pala,
Mapagbalatkayong himagsikan
Tapos, hahanap ng Darna
Pagkalunok ng bato ng kamanhidan.
061017

Hindi pa kita kayang harapin
Na sa bawat pagkakataong nariyan ka na'y
Pilit pa rin akong lilihis ng landas
Habang kinakalma ang sarili ng mga salitang:
"Wala kang nakita.
Ayos ka lang."

Sa ilang beses kong pagpapalipas ng oras
Sa paglimot sa pagbungad ng kahapon sa ngayon,
Ginapi ako ng pasa sa buo kong pagkatao.
Namanhid ang puso,
Kakaiba ang hiwaga pagkat nabuhay pa rin ako.

Nang sa kahit isang saglit man lang
Ay nanatili pa rin akong pipi ngunit hindi bingi
Na parang nalimot ko na kung paano bang magsalita
Ngunit ako'y inugatan na
Sa paghihintay sa sagot na sayo lamang hinihingi.

Na para bang noon,
Ang lahat ay may bayad.
Parang lahat ay bawal,
Kaya nagnakaw ako ng tingin sayo.
Oo, hindi lang isang beses
O dalawa, tatlo, apat, lima,
Anim, pito, walo, siyam at sampu.
Naubos na ang pagbilang ko sa bawat sandali,
Na inabot sa iilang taon --
Hindi ka pa rin bumabalik.

Doon ko kusang naintindihang:
Kalakip ng bawat pagnakaw ng panahon
Ay ang bawat bitak sa pusong noo'y wala pang lamat.
Napuno ito ng alikabok sa hindi ko pagsisiyasat
Kung may buhay at pag-asa pa bang mabuo
ang larawan ng tayo.

Na sa bawat pagpunit ko ng bawat larawan sa aking isipa'y
Paulit-ulit lamang akong nakakatikim ng pagkatalo.
At sa huli, ako rin pala ang darampot sa mga ito
At isa-isang ipagtatagpi sa kabila ng matinding pagkapagod.

Nang ilang beses akong dumistansya sayo
Isang dipa, isang kilometro,
Ilang munisipyo at ilang mga isla.
Bagamat nagtangka pa rin akong
Bumusina ng katapatan sa pintong paulit-ulit **** pinagsasarhan.

Nang muling mabahiran ng kakaibang ningning
Ang aking mga mata
Na tila may mahika ang bawat **** ngiti
At muling nagkakulay ang puso kong dating kaydilim.
Nang mapagtanto ko ngang: hindi kita nakalimutan,
Hindi ako nagmahal ng iba,
Naghintay ako --
Kahit may iba ka pa.

Dumungaw ako sa ngayon
At dito ko nasaksihan ang hiwaga ng paghihintay.
Na sa pag-aakala kong paulit-ulit ang nasa kalendaryo'y
Mauubusan din pala ako ng dahilan --
Dahilan para magtanong kung babalik ka nga ba.

Nang mahalin mo na rin ako nang buo
Nang kusa **** ibigay ang tiwala at katapatan mo.
At sa minsang pagyakap mo'y
Gusto ko na munang huminto
At magpasalamat pagkat narito na ang sagot --
Pagkat narito ka na at hindi na ito isang panaginip.

Na hindi ko maipaliwanag na ikaw ang dahilan
Ng bawat butil sa mga mata ko noon.
At ang dahilan
Ng bawat kirot na mas maingay pa sa mga kuliglig pag gabi
At pilit kong pinatatahimik sa aking pagtulog.

Parang kailan lang nga --
Pero ayoko nang magkunwari pa
Ayoko nang magtago sa madilim na mga ulap
Na pilit na kumukubli sa pag-ibig ko sayo.
Tama na, pagkat nahulog ako sa sarili kong patibong
At ngayon --
Ngayon nga'y mas mahal na kita.
112017

Baka sabihin ****
Hindi na ako marunong magbilang
Kung magsisimula ako sa bente-singko —
Sa bente-singko kung saan sa lumipas na mga tao’y
Wala pa ang Ikaw at Ako
At marahil ang Ikaw at Ako ay pawang nasa piling pa ng iba.

Baka sabihin **** mahina ako sa numero
Kung gusto kong magsimula sa bente-singko
Kung saan alam kong ang una, pangalawa
At susunod pang pagbibilang ko’y
Tanda ng pagsalubong ko sa buhay na kasama ang Ikaw.

Pero teka, ayokong magmadali
Ayokong mag-aksaya ng bukas o makalawang
Nagtatago sa mga letra ng tula —
Pero salamat, hanggang sa susunod pang mga numero.

At oo, nagsimula na akong magbilang —
Magbilang nang walang katapusan
Parang pag-ibig,
Ikaw ang Pag-Ibig.
Angela Mercado Apr 2017
Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
sa rimarim na ito sa’yo’y walang sasambot
siyam, sampu
pipindot na sila sa gatilyo

Naaalala ko pa noong matiwasay pa ang lahat
tahimik bukod sa sipol ng hangin na rinig na rinig
walang ingay sa paligid
puti ang sahig – linis hanggang gilid

Naalala ko pa noon,
walang pangambang tahi
sa bawat isa sa t’wing pumapatak ang gabi
Madilim ang lansangan,
ngunit may liwanag ang daan
Di mag-aalalang umuwi,
‘di magugulumihanan

Naaalala ko pa
nung una silang pumindot sa gatilyo
Nayanig ang paligid,
nagulo ang tahimik
Tintado na ang sahig na dating puti
ng dugo mula sa bago nilang kitil.

Naalala ko pa noong nagpasabog sila ng bomba
Nabingi ang lahat sa ingay na likha,
mga tarantang mukha,
mga takbong halos ikadapa
mga matang labong labo na
ng mga luha

Naalala ko pa noong kinuha nila si itay
lupa raw namin ay ayaw niyang ibigay
pinuno ng latay,
inuwing akay-akay -
muntik na siyang mamatay

- walang kamalay-malay
na kami’y unti-unting pinapatay

ni walang panahong
makinig saming salaysay

May dugo

ang bigas
na iginagatong ninyo

May bakas ng dahas
ang pagkaing hapag sa kainan ninyo

Mga sigaw
na busal ng kasadong gatilyo

May namamatay na dito
makinig naman kayo!

Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu, nakatago na kayo
Apat, lima, anim,
Magmadali, papatak na ang dilim
Pito, walo,
pipindot na sila sa gatilyo
Siyam, sampu
Crissel Famorcan Dec 2017
Tagu - taguan, maliwanag ang buwan
Pagbilang Kong Tatlo, wala na akong nararamdaman!
Isa—
ito na Ang huling patak ng aking mga luha
At pangako di na ako muli pang magpapakita
Pagkat mahal, ika'y akin nang pinapalaya
Alam ko naman kasing napaglaruan lang tayo ng tadhana,
Minsan kasi, naglaro si kupido ng kanyang pana
At sumakto Ang araw na yun sa una nating pagkikita
Tinamaan ako,tinamaan ka rin yata?—
Mahal Ang alam ko lang kasi noon, mahal natin Ang isa't isa
At makulay Ang mundo!
Mundong binuo nating dalawa.
Bihira man Ang relasyong katulad ng sa atin,
Pero gagawin ko ang lahat wag ka lang mawala sa akin
Marami mang problema Ang ating pinagdaanan,
At sa kuwento natin marami man tayong nakalaban—
Parang senaryo sa pelikula,
maraming naki-eksena
Pero love story natin 'to at tayo Ang mga bida
Kaya't sa bandang huli,kamay mo pa rin Ang aking hawak
Masaya pa tayo't sabay na humahalakhak
Hanggang sa...
Dalawa—
Dumating siya sa buhay mo
At sa isang iglap,naitsapuwera ako!
Nalunod man ang puso sa selos
Ngunit pilit ko iyong iginapos
Pagkat relasyon nati'y gusto Ko pang maayos
At wag 'tong maputol, wag 'tong matapos.
Pero nakakapagod maghabol sa taong mabilis tumakbo,
Nagmimistula lang akong isang mumunting aso
Naghihintay kung kailan mapapansin
Naghihitay kung Kailan mamahalin
Kaya napilitan akong isuko ka,
Napilitan akong bitiwan ka
Kase una sa lahat—alam Kong sa kanya ka sasaya
Siya na Ang makakapagbigay sa iyo ng ligaya
Ng kilig,Ng mga ngiti at tawa—
Mga Bagay na bihira ko nang mamasdan
At Alam Kong sa kanya mo nalang mararamdaman
Kaya Tatlo—
Paalam.
Salitang di ko sana gustong bitiwan
Pero sadyang kinakailangan
Hindi ko man gusto na ika'y iwanan
Ngunit marahil,ito na Ang ating hangganan.
Pagod na ako mahal sana'y maintindihan
Dahil kung ipipilit ko pa'y pareho lang tayong masasaktan
Mahal kita tandaan mo yan.
Kaya Dito ko na tatapusin Ang ating kuwento,aking sinta
Ang libro ng pag-ibig nati'y akin nang isasara
Masakit man Ang ating naging pagtatapos
Siguradong sa puso ng magbabasa,ito ay tatagos
Tapos na akong magbilang ng numero
At gaya ng ipinangako ko—
Pagsapit ko ng Tatlo,
Ibibigay na kita sa kanya ng buo
Paalam.
zee Sep 2019
isa, dalawa, tatlo
ako'y tatakbo papalayo
'di ko alam kung saan ako tutungo
ang nais ko lang ay makalayo sa'yo

apat, lima, anim
itong damdaming aking kinikimkim
dapat ko ba itong sabihin
o hayaan na lang maglaho sa hangin?

pito,walo, siyam
'di mo pa rin alam;
wala ka bang pakiramdam?
o sadyang wala kang pakialam

matatapos na lang ang bilang
pero ang tagu-taguan ng aking nararamdaman
ay tila wala na atang katapusan

ngunit pagbilang ko ng sampu
nasilayan sa aking pag dilat
ang katotohanang ikaw pala'y
may ninanais nang iba
https://open.spotify.com/track/0FOYt3VRWweAWgN1relGqN
Pixel Sep 2022
Nagbilang ako mula isa hanggang sampu
Sana sa pagdilat makalimot na ko…

Isa, dalawa, tatlo
Tatlong araw mula nang magkakilala tayo
Hindi batid kung ano ba ang pakay mo
Mga nakakakilig na salitang binibitawan mo
Sabi ko, "Hindi ako magpapauto."

Apat, lima, anim
Naalala ko pa ang araw ng iyong pag-amin
Kaba at hiya bumalot sa iyong damdamin
Tuwa at saya nangibabaw nang ako'y napa-oo
Sabi ko, "Susugal ako kasi alam kong tatayan mo ako."

Pito, walo, siyam
Sa palipas ng panahon tila ika'y nagbago
Biglang lumamig ang iyong pakikitungo
Dumating ang oras ng katotohannang kinakatakutan ko
Sabi mo, "Pasensya kana, kailangan ko lang ng espasyo."

Sampu
Sa lahat ng mga pinangako at sinabi mo
Isa lang ang tapat at naging totoo
Ngunit nagbubulag-bulagan ako
Dahil sabi mo, "Nagsisisi ka dahil ako'y nasaktan mo."

Gaya ng sabi ko
Pagbilang ko nang sampu
Sana makalimot na ako
Ngunit heto pa rin ako
Naniniwala sa mga matamis **** pangako
Kahit alam kong nagsisinungaling ang puso mo
Niknik Apr 2017
--Hulaan

Nasa tabi at nagtatago
Tila isang pusa na takot mabigo
Pagbilang ng tatlo
Hulaan mo kung sino ito.

Sa larong hulaan
Na ating kinababaliwan
Ikaw at ako ang nakakaalam
Ng tunay na kahulugan

Hulaan ang naramdaman
Tinago at sinilid sa isang liham
Hulaan at nataguan?
Laro kung saan aking larangan.
Ara Mae Apr 2020
Napakatamis ng mga umaga na ang bumubungad sayo ay ang kaniyang magagandang ginawa, at sa gabi baon-baon mo ito hanggang sa paghimbing.

Nang natutunan ko ang tunay na halaga ng pagsamba, natuto din ako puso na tumibok at magmahal ng totoo.

Nagmamahal ako kaya ako nakatayo ngayon sa inyong harapan, pero bago ang lahat ng ito, may nagmahal muna sakin kaya ko nakayanang tumayo rito.

Sa paglipas ng buhay, ng dahil sa pagmamahal na nag uumapaw at hindi mapantayan, lahat ng salita, kilos, gawa o akda hatid ko ito sakaniya bilang pagsamba.

Hindi lang sa pagkanta, hindi lang sa pagsayaw, hindi lang sa pag tayo rito sa kinatatayuan ko ang tunay na pagsamba, dahil ang tunay na pagsamba ay mula sa ating ginagawa na ating isinasapuso para sakaniya.

Maraming paraan para ang Diyos ay ating mapasaya, kaya huwag kang mag alala, malambot ang puso niya basta’t lumapit ka lang ng may pusong mapagkumbaba.

Magtiwala ka, dahil nakikita niya ang bawat galaw, naririnig niya at bawal salitang iyong sinasambit kapag ika’y nagdarasal o kahit umaawit.

Minsan tayo’y nahihirapan sumamba lalo na kung ang ating puso ay punong puno ng galit, sakit at mga tanong na bakit na dahilan ng ating paglayo sakaniyang piling pero mali, bakit tayo lalayo sakaniya kung alam nating siya lang ang makapag pa paalis ng galit, makapag pa pagaling sa sakit, at makaka sagot sa mga tanong na bakit, pero kung hindi mo alam to, sinasabi ko sayo, totoo, huwag kang mahiyang lumapit sakaniya dahil nakikita niya ang lahat ng ito.

Alam mo, tatanggapin ka parin niya kahit minsan inisip **** tumalikod sakaniya, kahit minsan, mas pinili mo pang makasama ang barkada, buhat buhat ang mabigat na problema diyan sa iyong puso, iniisip mo ito ang sagot sa problema mo pero hindi. Mas dapat piliing lumapit sa pinagmulan ng iyong liwanag sa buhay dahil siya lang ang makagbibigay ng ilaw kapag ang iyong buhay ay nagdidilim na.

Ang lahat ng ito’y nararapat lamang para sakaniya, dahil inalay niya ang kaniyang buhay, naglakad ng duguan, ipinako sa krus kahit walang kasalanan. Hindi siya sumuko, hindi siya huminto, ipinagpatuloy niya ang lahat ng ito para ilagtas ka, ako, tayo.

Ang pagsamba, hindi lang sa ginagawa ko sainyong harapan, ito rin ay ang pagtitiwala sa Panginoon na siya’y magbibigay ng kasagutan sa ating mga kahilingan.

Nasasabi ko lahat ng ito dahil binuksan ko ang aking puso’t isipan sa bagong kaalaman, hindi tungkol sa matematika, dahil pagbilang ko ng isa, dalawa, tatlo ...... namulat sa katotohanan at nagkaroon ng pagbabago sa buhay, ang Diyos ay nakilala, at binigyan ng kulay ang aking buhay.
Sydney Nov 2020
Pagbilang ko ng tatlo, hahayaan ko ang sarili kong mahulog sa'yo

Isa

Dalawa

Tatlo

Heto ako't sugatan, luhaan, nagtatanong kung bakit ito nagawa sa akin?

Asan ka? Bakit hindi mo ako sinalo?

Noong nakilala kita, takot pa akong sumugal muli dahil nasaktan na ako ng maraming beses

Pero sa'yong patibong, ako'y nahulog

Sumugal ako, at heto ngayon, sugatan, luhaan, naiwan na naman na puno ng katanungan

— The End —