Itaas ang iyong noong aliwalas,
Mutyang Kabataan, sa iyong paglakad;
Ang bigay ng Diyos sa tanging liwanag
Ay pagitawin mo, Pag-asa ng Bukas.
Ikaw ay bumaba, O katalinuhan,
Mga puso namin ay nangaghihintay;
Magsahangin ka nga't ang aming isipa'y
Ilipad mo roon sa kaitaasan.
Taglayin mo lahat ang kagiliw-giliw
Na ang silahis ng dunong at sining;
Kilos, Kabataan, at iyong lagutin,
Ang gapos ng iyong diwa at damdamin.
Masdan mo ang putong na nakasisilaw,
Sa gitna ng dilim ay dakilang alay,
Ang putong na yaon ay dakilang alay,
Sa nalulugaming iyong Inang Bayan.
O, ikaw na iyang may pakpak ng nais
At handang lumipad sa rurok ng langit,
Upang kamtan yaong matamis na himig,
Doon sa Olimpo'y yamang nagsisikip.
Ikaw na ang tinig ay lubhang mairog,
Awit ni Pilomel na sa dusa'y gamot
Lunas na mabisa sa dusa't himutok
Ng kaluluwang luksa't alipin ng lungkot.
Ikaw na ang diwa'y nagbibigay-buhay,
Sa marmol na batong tigas ay sukdulan,
At ang alaalang wagas at dalisay
Sa iyo'y nagiging walang-kamatayan.
At ikaw, O Diwang mahal kay Apeles,
Sinuyo sa wika ni Pebong marikit,
O sa isang putol na lonang makitid
Nagsalin ng kulay at ganda ng langit.
Hayo na ngayon dito papag-alabin mo,
Ang apoy ng iyong isip at talino,
Ang magandang ngala'y ihasik sa mundo,
At ipagbansagan ang dangal ng tao.
O dakilang araw ng tuwa at galak,
Magdiwang na ngayon, sintang Pilipinas!
Magpuri sa Bayang sa iyo'y lumingap,
Umakay sa iyo sa magandang palad.
Jose P. Rizal