Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Kasabay ng aking pagpikit
Ang pagsilip ko sa panaginip sa aking isipan.
Namumukod tangi ang Iyong kagandahan
At Ikaw ang nag-iisang kumikinang sa aking paningin.

Napapasilip ako
Sa likod ng lahat ng napakagandang palamuti,
Pagkat nariyan pala ang tunay na may-akda ng lahat.
Pagkat sa kabila ng naghihiyawang palakpakan,
Sa kabila ng mga ngiting bumabandera sa aking harapan --
Ang dahilan ng aking kalakasan.

Pagdilat ko'y tila bukang-liwayway na,
Hindi kumupas ang Iyong kagandahan.
Muli kong kinapa ang aking bulsa,
At muling naghagilap ng anumang umiingay sa aking kalupi.
Dahan-dahan kong pinakiramdaman
Ang magaspang na katauhang gawa sa pilak.
At buhat sa pagkakamulat,
Ay dahan-dahan akong pumikit
Na tila ba sumasabay sa unang pagpatak ng ulan.

Nangungusap sa aking konsensya
Ang tinig **** matagal ko nang hanap-hanap.
At sa naudlot na istorya sa entablado'y
Nagpatuloy ang aking paghahanap.
Hinahanap ko kung saan nagmumula
Ang tinig **** humihele sa akin
At nagbibigay galak sa puso kong
Uhaw sa malasakit at pag-ibig na tunay.

Nasaksihan ko ang paglisan ng bawat katauhang
Kailan lamang ay nasa akin ang pagtingin,
Ngunit ang lahat pala sa kanila'y
Syang palamuti at hindi tunay na kabahagi
Ng aking istorya.

Patuloy silang nalusaw
Gaya ng krayolang nilalaro ko sa apoy
Noong ako'y paslit pa lamang.
Na ang akala kong bubuhay sa pinipinta kong larawan
Ay hindi pala sapat sa magandang imaheng
Aking nasasaklawan sa aking imahinasyon.

Kusa silang naglaho na tila ako'y tinakbuhan lamang
At marahan akong napaluhod buhat sa aking kinatatayuan.
Gusto kong magsalita, gusto kong may masambit..
Gusto ko silang pigilan sa paglisan
Pagkat hindi ko ninais na mapag-isa
At patuloy na mangulila sa pagmamahal.

Kung pwede lang na sa gitna ng katahimikang ito'y
Kaya kong marinig ang sarili kong boses.
Kung pwede lang sa gitna ng aking paghihintay at pagsusumamo'y
Wag muna silang kumilos at aking mahanap
Ang tinig na akala kong susundo sa akin
Buhat sa paglimot ko sa aking sarili..

Namukod-tangi ang boses na aking hinahanap,
Naririnig ko na ang Kanyang mga yapak
Na tila ba patungo at palapit na sa akin.
Ngunit hindi ako makagalaw buhat sa pagkakayuko.
Ni hindi ko na masilayan pa kung sino ba ang paparating.
At dahan-dahan pa rin ang pagpadyak
Ng Kanyang sandalyas patungo sa akin.

At habang Siya'y lumalakad,
Ay dahan-dahan ding nagbago ang senaryo
Na aking kinalalagyan.
Narinig ko ang napakalakas na pagpaubaya ng alon,
Ang tunog ng kampanang magaan sa aking pakiramdam,
At ang mga humiheleng tila mga anghel
Na naging mitsa ng pagtatayo ng aking balahibo.

"Nasaan na nga ba ako?" Tanong ko sa aking sarili.
At muli kong narinig ang mga nagpupuring anghel
Na tila ba walang katapusan ang kanilang galak
At ako'y nadadala kung saan.

Hindi ko pa rin mabuksan ang aking mga mata
At wala akong masilayan maliban sa dilim
Na pilit kong nilalabanan at alisan.
Hinahanap ko pa rin ang tinig Nya
At nais kong tanggapin ang bawat salita mula sa Kanyang bibig.

Maya-maya pa'y narinig ko
Ang isang pamilyar na boses na tumawag sa aking, "Anak."
Habang ang aking kamay ay hawak-hawak pa rin
Ang pilak na muli ko sanang itatapon sa balon..

"Anak, halika na.. sabi ng doktor, may donor ka na raw.."
Sambit ng aking ina habang ako'y akap-akap
Sa kanyang mga maiinit na mga bisig.
Kusang tumulo ang aking mga luha
At sya nama'y humagulgol sa saya.

Walang salita ang sinambit naming dalawa,
Ngunit ang kanyang yakap ay humigpit.
At naramdaman ko ang kanyang mga luhang
Dumadampi sa aking balikat at sa aking damit.

At sa mga oras na iyo'y
Ang kanyang yakap ay higit pa sa lahat ng yakap sa mundo
Ang luha nya'y tila ba binabalot ng isang hiwagang
Nagpapakalma sa aking paghihirap.
Ang gaan ng aking pakiramdam,
Ang saya ng aking kalooban.

At doon ko natagpuan ang aking hinahanap,
At sa aking muling pagmulat
Kung saan may liwanag nang maaaninag,
Alam ko kung kanino na ako muling lalapit pa..
Alam ko, hindi ko man nasilayan ang lahat
Ngunit ang pakiramdam na iyo'y
Habambuhay kong nanaisin
At pasasalamatan.
Apple Mae Aug 2020
Isang bukod tanging espasyong maaliwalas,
Kung saan dito ako nagkamalas-malas.
Madalas ako ay napapabulong,
Hanggang kelan ako makukulong.

Aminadong dito sa loob ay nahihirapan,
Sapagkat sarili ang kalaban.
Malalim ang iniisip,
Sa maliit na bintana’y napapasilip.

Kalayaan kaya’y makakamit?
O pag-asa ay ipagkait.
Mga pangarap ang siyang naibaon,
Mga oras at panahon ang siyang naitapon.

Ngunit hindi rito matatapos
Kahit na ako’y nakagapos
Sapagkat naniniwala ako na may Diyos,
Na tutulong upang pighati’y ang siyang matapos.
para sa mga nawawalan ng pag-asa

— The End —