Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
Apatnapu't limang minuto makalipas ang alas-dose. Umaga na naman -- umaga na naman pipikit ang mga mata kong kasingbigat na ng ulap na napuno ng tubig mula sa lupa at dagat. Mapungay at napapaluha dulot ng pasakit na hatid ng walang sawang sulatin, babasahin, at kung anu-ano pang mga dapat tapusin.

Mga labi kong medyo nakabuka na marahil akala nila'y tapos na ang lahat ng gawain kaya namamahinga. At muli silang sasara, kasingbilis ng motorsiklong humaharurot sa labasan na parang nakikipagkarera, kapag naiisip na malayo pa ako sa pagtuldok sa katapusan.

Tumatabingi na ang mundo. Ay, mali, ulo ko lang pala na napapahiga na sa aking kanang balikat tila may sariling isip at ginugusto nang humiga sa kama -- akala niya rin siguro'y matatapos na sa pagsusulat at pagbabasa ngunit sadyang nagkakamali siya.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na ginagawa ng aking mga daliri na kay bagal nang bumaba para pindutin ang mga letra sa aking kompyuter. Suko na raw sila at nasasabik na silang muling mayakap ang malalambot na unan na nag-aantay sa kanila.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na lang ng pagbagsak ng aking mga daliri sa bawat letra ng aking laptop ang pumapasok sa aking utak. Ilang minuto na nakatitig sa iisang pahina...

Sa iisang talata...
Sa iisang pangungusap...
Sa iisang letra...

Blag!
Kasi nga antok na ako.
Crissel Famorcan Oct 2017
Kaba.
Yan yung nararamdaman ko noon
Sa tuwing nakikita ko siya.
Pero bakit ngayon, parang may kakaiba?
Sa lahat halos ng aking ginagawa,
Kinakabahan ako.
Bakit ganito?
Isip ko'y nalilito
Hindi ko na alam kung ano yung gagawin
Masyado na rin akong naging malungkutin
Ilang araw na rin  akong ganito,
Parang laging nakikipagkarera yung puso ko
Hindi ko alam kung ano yung hinahabol nya
Pero minsan ako, naghahabol ng hininga
Gusto kong iiyak na lang ang lahat
Pero ang luha ko'y ayaw nang pumatak
Tila ba naging tigang na lupa
Sa gitna ng tag ulan
Naubos na ang aking mga luha
At naipon ang nararamdaman
Naghahanap ng sagot sa lahat ng tanong sa isip
At luminaw ang lahat,
mas malinaw pa sa aking panaginip.
Pero ayokong aminin
Ayokong tanggapin
Pero alam kong kailangan
Gagawan ko ito ng paraan.
Ayokong masira lahat ng aking pinaghirapan.
Kakayanin ko'to
Sarili'y kailangan ko lang pagtiwalaan.

— The End —