Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
G A Lopez Mar 2020
Walang nagtatagal sa mundo
Sapagkat hamak lamang ang mga tao
Lahat ay dumaraan sa pagiging bata
Hanggang sa maging kulubot na ang mga mukha
Hinang hina na ang katawan at hindi na makapagsalita.
Sa edad na walumpu't dalawa,
Kinuha na ng Panginoon ang iyong lakas at kaluluwa.

Ang pagmamahal mo sa aming mga apo
Higit pa sa pagmamahal na naibigay namin sa iyo.
Walang makakatumbas sa mga sakripisyo mo
Dahil inuuna mo ang kapakanan ng iba.
Hindi ka nagsasawa na mahalin kaming iyong pamilya
Ikaw ay mabuting kapatid, asawa at ama
Hindi ka malilimutan ni Lola.

Hilam na ang mga mata sa pag-iyak
Habang nasisilayan kang nakahiga
Hindi na sa kama kundi sa kabaong na parihaba
Na nakapikit ang mga mata.
Kasabay ng pagpanaw ng iyong alagang pusa
Ang siya namang iyong pagkawala.

Mga larawan mo'y hindi itatapon
Bitbit pa rin ang alaala na iniwan ng kahapon.
Taon lamang ang lumilipas
Ngunit ang mga alaala mo'y hindi kumukupas
Sa iyo'y walang maipintas.
Kailangan pa ring tanggapin
Na nasa piling ka na ng Panginoon natin.
It's been 6 years since you died Lolo but you're still in our hearts.
PLAGIARISM IS A CRIME
Anya Aug 2015
Lagitik. Isang malutong na tunog na nagtatagal lamang ng wala pang isang segundo.
Lagitik. At nahulog na ako sayo.

Subalit ako lamang ay isang tahimik na babae. Nakaupo sa sulok ng ating silid-aralan. Hindi kita hinanap. Nakita mo lang ako at ginulo ang buhay ko.
Lagitik. At napaibig mo ako.

Tama sila, napakasarap magmahal. Ang mga araw na kasama ka'y tumatagal lamang ng isang lagutok sa sarap **** kasama.
Lagitik. At nabago mo ang buhay ko.

Lumipas ang mga taon at mahal parin kita. Walang pagbabago ngunit ikaw'y nagbago. Nalaman ko nalang na pinagpalit mo na'ko.
Lagitik. At iniwan mo ako.
Isang daang salitang storya tungkol sa pag-ibig.
(c) 2015
Kurtlopez Aug 2023
Dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.

Nasanay na rin akong umupo sa tabi nila; makinig sa kanilang mga istorya, tumawa nang tumawa dahil posibleng hindi na ito maulit pa, gumamot ng mga sugat, at kasabay ng mga ito ay ihanda ang sarili sa salitang "paalam".

Nasanay na ako—pero nakakapagod din pala.

Nakakapagod palang maglaan ng oras sa isang taong alam **** anumang segundo ay maaaring magpaalam na.

Nakakapagod palang makinig sa mga kuwento niya habang hinahanap ang lugar mo sa kanyang kasaysayan, habang napapaisip kung babanggitin ka rin kaya niya pagkatapos ninyong maghiwalay ng landas.

Nakakapagod palang buksan ang buhay mo para sa isang tao kung sa simula pa lamang ay batid **** bubuksan mo rin ulit ang pinto, sasamahan siya palabas, ihahatid sa sa tarangkahan, at tatanawin hanggang mawala sa iyong paningin.

Iniisip ko palagi kung bakit hindi sila nagtatagal. Bakit palagi akong iniiwan? Bakit paulit-ulit lamang ang itinatakbo ng bawat kuwento? Iba't ibang tao, iisa lamang ang nagiging dulo. Sa katagalan ay nasanay na ako sa pagtatapos, iyong tipong nagsisimula pa lamang ay tinatanggap ko na ang pagwawakas nito.

Dahil dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.

Kailan kaya ako magiging destinasyon?
Taltoy Jan 2018
Hindi akin,
Hindi rin iyo,
Walang nagmamay-ari,
Ng mga sandaling ito.

Sapagkat mga ito'y di nagtatagal,
Ang mga ito'y panandalian lamang,
Ang pait at tamis, di nananatili,
Dahil ang bawat segundong dumadaan ay hiram na sandali.

Ano bang magagawa ko sa mga hiram na sandali?
Kailan susunggaban? Kailan magtitimpi?
Subalit puso ko'y tila nagmamadali,
Tuwing dumarating, mga hiram na sandali.

— The End —