Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Glen Castillo Jul 2018
Umaga na pala,
Subalit tila umpisa pa lang ito ng dilim
Dito sa bayan kong nasa sinapupunan ng mga sakim
Pagpagan ang mga baro't saya habang hawak ang sedula
Nilang mga uhaw sa tronong ipinangako sa kanila

Naluklok na bagong puno,sa pagdaka’y nagpaulan
Ng mga balang hindi man tingga ay tumatagos sa kaibuturan
Sa dati niyang ka giyera na s'yang mga tunay na anak ng bayan
Iginapos sila’t ipiniit sa sandipang karapatan

Yaong mga bago niyang kawal ay matatayog pa sa kalabaw
‘Pagkat kasama niyang magkakamal ng salaping umaapaw
Mag kaka-ututang labi ay iisa ang kaliskis at balagat
Sila na mag kaibigang dila at ngipin sa pilak din mag-papangagat

Habang ang mga dating sadyang tapat sa gampanin
Ay mistulang mga bayani na lang sa hangin
Ang pagka dalisay nila sa maka-kapwang  tungkulin
Parang sa tubig na isulat at hindi na basahin

Kawawang Sta. Teresita bayan kong dinusta
Ng mga ganid sa kapangyarihan at mapang-alipusta
Akong anak mo’y nasa daluyong ng kapanglawan
Kabiyak mo sa balsang itinali sa nagluluksang pampang

Kawawang Sta. Teresita ginahasa ng mga mapag-samantala
Hinubaran ng dangal at piniringan ng telang mapula pa sa pula
Binusalan ang bibig hanggang sigaw mo’y hindi na marinig
Mga araw mo ngayo’y mamumugto sa haharapin **** pag-liligalig

Tahan na Sta. Teresita,Tahan na,
Bayan kong sakdal iniibig
Matatapos din ang sigwa,
Tutulay muli ang lunday sa sapa.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Mahal kong Bayan ng Sta. Teresita sa kasalukuyang panahon
7/31/2018
Sa pag-aaral natin ng panitikan ay mababatid natin ang mga Pilipinong pumanday ng ating matatayog at mararangal na simulain na naging puhunan sa pagbuo ng isang lipunan.
      Sa pamamagitan ng iba't ibang uri ng panitikan, mapalalawak at magagawang mahusay ng isang **** ang pagtuturo ng aaignaturang Filipino.
      Maaaring maiakma ang iba't ibang istratehiya upang mahikayat nang lubos ang interested ng mga mag-aaral at hawing kawili-wili ang oras nila lalo na sa pagbabasa sa pamamagitan ng paggamit ng tula, kwento, sanaysay, talambuhay, awit, bugtong, salawikain, sawikain, balagtasan at iba pa.
      Mahalagang maituturing ang panitikan sa edukasyon sa maraming paraan tulad ng mga teleseryeng napapanood sa telebisyon na kadalasang pinanonood ng mga kabataan na siyang kapupulutan ng maraming aral at magandang halimbawa sa buhay ng tao.
      Ang panitikan ay laging kasama sa kurikulum ng bawat paaralan bagamat ang bawat rehiyon ay mayaman sa tradisyon at kultura. Ang mga pasalindilang panitikan ay napapangkat sa mga sumusunod na uri ayon sa anyo ng pagkakatulad ng mga ito: kuwentong bayan, kasabihan, bugtong, salawikain, sawikain, sabi-sabi, palaisipan at balagtasan. Naglalarawan ito sa kanilang katutubong katalinuhan, kaalaman, karanasan, pananampalataya at iba pa.
      Patuloy ang pamumunga ng panitikang Filipino sa pamamagitan ng mga makabagong manunulat na may paninindigan at pagpapahalaga sa ugat, kasaysayan, kultura at lipunan. Mayabong itong nabubuhay sa patabang kaalaman at kamalayan, patubig ng limbagan at midya at paaraw sa modernisasyon at globalisasyon.
      Ito ang isa sa likas na tumutulong sa tagumpay ng isang banda at bawat bansa sa buong mundo. Kayamanang hindi mawawala.
Krysel Anson Sep 2018
Dito sa Lungsod ng mga siksikang tren
sa umaga at sa gabi ng paglubog sa mga makinarya,
Ang sentro ng  pabrikang papel at usok, na buong bilis
sa inaliping katapatan at tapang
ay naninirahan palagi sa piling
ng mga madaming mga ipis at daga.

May nalilimutan na mahalaga tungkol
Sa tahimik na hele ng mga flourescent na ilaw, kaalwanan
ng mga matatayog na pangako ng condo't bagong mga kainan, magagarang mga pabuya.
Mga panibagong mga tagisan ng lakas
sa mga makabagong Coliseum ng Roma,
sa bawat amoy ng dugo at bagong silang.

May tipo ng sukal na wala sa mga gubat, at tunog ng mga
malalakas na putok ng baril na wala sa digmaan.
Tila sa kahit anong panahon, mag-alsa man mismo ang Kalikasan
at magpadala ng Tsunami,
magpalindol at magpaputok ng bulkan
sa panahon ng kakaibang asul at pula na buwan
sa pagkakabuwal ng bagong bilang
ng mga magsasakang sa mga mass-suicide
mula India, Korea, at Pilipinas dahil sa di-pantay
na mga batas kalakalan:

Ipadala man ng mga makata't hukbong
gerilya ang kanilang pinakamatikas at
pinakamatatapat na mga bilang sa mga pagsubok
ng panibagong mga pag-aaral at pagsasapraktika,
maaaring Puting Elepante din ang
hindi sasapat ang kabayaran para sa mga utang
na dapat matagal nang nabura at naigpawan.

Mula sa lakas at pwersa hindi lang ng mga diyos
ng mga sari-saring pampulitikang mga pormasyong nagdidirehe
sa mga kilos ng mga taong kapit na sa patalim,
Kung hindi mula din sa lakas ng mga nangahas mabuhay
at lumikha ng mga paraan para makapagpatuloy na
makapagaral ng sariling pagkamulat:

Ang kaaway na papel na salapi o papel na tigre
ay nilikha din ng tao para din lamang
maunawaan ang mga sariling kahinaan,
mamulat sa mga repleksyon ng mga nagbabagong
sarili sa gitna ng unos, upang matiyak ang yapak at
mabuo ang mga hanay at kahandaan ng mga
unang hawan, at huling mga walis.
Ang mga kalabisan ay para lamang mapatingkad
ang kahinaang dala ng kasaysayang nagluwal,
ang kawalan ng pagpapahalaga sa binubuhay na mga palitan.#
English Translation to follow.
lovestargirl May 2015
Kahit isang sulyap lang sa langit ay di na matanaw,
Daan-daang matatayog na konkretong kahon,
pati anino nito'y ako'y napapaligiran.

Tinatakpan ang malagintong sinag ng araw,
maging ang hanging sana'y magpapaypay sa nagiinit na siyudad ay natakpan na.

Nagbago na ang mundo.
Bago na naga ang mundo.
Pero nasaan na ang mundong kinalakihan at pinapangarap ko?

Nanabik sa malawak na langit
na noo'y tinitingala-tingala lang,
na kunwaring inaangkin ko ito, na akin ito.

Pero bago nga ngayon ang nakikita ko,
matatayog na konkretong kahon,
na humaharang sa tunay na paraiso.

— The End —