Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
112915 #12:28PM

Naglisawan ang mga katauhang nakaputi
At siya’y mistulang diwata
Sa kanyang putong at pamato.

“May kuwit ang Langit *
Siyang puspos sa pangako –
Pangakong may habilin
Sa naudlot na pagtatapat.
At sa pagniningas ng simboryo’y
Ako ang ‘yong katipang sabik,
At may bantayog na pagsinta.”

Paimpit ang tibok ng puso
Habang sayad ang telang puti sa lupa,
Mistulang palamuti ang mga rosas
Sa pulang salawal ng papag.

“Naging maselan ang puso
Sa tagal ng paghihintay.
Bagkus ito’y maiksing ihip ng hangin,
Tanging hiram sa Tagapagbigay ng Buhay.
Hindi mahinuha
Ang bigkas ng bawat pintig,
Ako’y Kanya bagamat inilaan sayo.”

“Paumanhin, pagkat minsa’y naging duwag,
Duwag akong sa bangin ng pagsuyo
Pagkat baka ang huli’y maging pauna.
At hindi sapat ang pagsinta
Kung wala ang basbas ng Ama.”

“O tamang panahon, salamat sa Kanya!
Ito’y ipinagtirapa nang ilang ulit.
Kung ang pagtugon ay plantsado,
Ilang butil ang buhos ng Langit,
Sagot sa nakaluhod na pagnilay.
Siyang Barandila sa pusong tigang –
Sumuyo sa’ki’t bulong iyong ngalan.”

“Anumang dagok sa nakaraan,
Ang ngayo’y walang katumbas.
Minsan hinayaang magpatibuwal
Ang pangakong laan sayo.
Pagkat pag-ibig Sinta’y
Hindi pa hitik sa bunga.
Kaya kahit anong pagpalahaw ng damdamin,
Tinakpan ito’t di nais na magkayabag.”

“Dalpak man ang mga paa,
Damdamin ko nama’y tiyak.
Kanyang isinulat ang pag-iibigan natin,
Siyang patotoo sa tunay na nakapaghihintay.”*

Yayariin ang detalye’t estilo
Ang dunggot ng tuldok,
Doon lamang sa ikalawang pagbabalik.
Mula sa Langit na Siyang Tagapagkatha.
Nandito na ako sa labas, sa ilalim ng payapang ilaw mula
          sa poste kasabay ng pamamayagpag ng mainit
          na hangin ngayong Marso.

   Nag-hihintay sa kasunod na pigura na lalabas mula
          sa masikip na daluyan ng tao – ikaw o ang konsepto

ng    ikaw   na    ‘di   dapat,  maselan
   kagaya ng pagnanais,

       pagkakataong mas sinungaling pa sa
pamahiin – mayroong napupukaw
    ngunit   hindi kalian man mabibihag.

— The End —