Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
Eugene Jul 2018
"STOP THE CAR!" hindi siya nakatingin sa akin nang mga sandaling iyon.

"Please, Amira! Makinig ka naman sa akin. Please?" patuloy pa rin ako sa pagmamaneho ng sasakyan habang nagmamakaawa sa kaniya na pakinggan ako.

"At ano pa ba ang kailangan kong marinig sa iyo, Auther? Sawang-sawa na ako! Stop the car!"  hindi ko siya pinakinggan. Ramdam na namin ng mga oras na iyon ang biglang pagbuhos ng ulan at kakaibang ihip ng hangin.

"Hindi kita susundin hangga't hindi mo ako pinapakinggan, Amira. Please!" at dahil mapilit ako, ipinagpatuloy ko ang pagmamaneho pero bigla niyang hinawakan ang manibela.

"Mababangga tayo sa ginagawa mo, Amira."

"Kung ito lamang din ang paraan para sundin mo ako ay gagawin ko!"

Nakipag-agawan na siya sa manibela sa akin, kaya nagpagewang-gewang ito. Pilit kong kinokontrol ang kamay niya. Inihaharang ko ang aking kanang kamay dahil inaabot niya ang manibela habang ang aking kaliwa ay sinusubukang iayos ang takbo ng sasakyan.

At dahil madulas ang kalsada dahil sa ulan at patuloy si Amira sa pag-aagaw sa manibela, sa kaniya na lamang natuon ang aking paningin. Hindi namin namalayan ang pagdaan ng isang malaking truck na ilang metro na lamang ang layo sa amin. Nagmadali akong iliko ang sasakyan upang hindi kami mabangga ngunit hindi ko inasahang dederetsi kami sa bangin.

Inapakan ko ang preno nang ilang beses pero mukhang nawalan yata ng preno. Bago tuluyang tumalon sa bangin ang sinasakyan namin ay agad kong hinila ang kamay ni Amira. Hindi ko na hinawakan ang manibela dahil nawala na rin naman ng preno ito. Mahigipit ko na lamang niyakap ang babaeng mahal ko.

Damang-dama ko ang malakas na pintig ng kaniyang puso at hindi na rin mapakali ang isipan ko sa nangyari kaya naibulong ko na lamang ang mga katagang kanina ko pa sana sinabi sa kaniya.

"Humihingi ako ng kapatawaran sa nagawa ko, Amira. Hindi ko sinadyang malaman mo ang katotohanan tungkol sa totoo kong pagkata--na bakla ako. Kahit na hindi mo alam ang buong kwento, ninanais ko pa ring sabihin sa iyo na kahit bakla ako ay naging tapat naman ako sa iyo. Ikaw lang ang babaeng una at minahal ko sa buong buhay ko. Mawala man tayong dalawa ngayon ay masaya akong mayakap ka at masabi sa iyo ang mga katagang--mahal na mahal
na mahal kita, Amira."


Matapos kong sabihin iyon ay naramdaman ko ang mahigpit na yakap niya sa akin. Doon na rin namin naramdaman ang paggulong-gulong ng sasakyan pababa. Hindi ko siya binibitawan kahit pa pareho naming napapakinggan sa loob ang unang tatlong linya  sa liriko ng kantang Passengers Seats ni Stephen Speaks.

I look at her and have to smile
As we go driving for a while
Her hair blowing in the open window of my car

Sa huling paggulong ng sasakyan ay nasa ibabaw ko na si Amira at muli naming niyakap nang mahigpit ang isa't isa hanggang sa isang matulis na bagay ang tumusok sa likurang bahagi ng aking puso na tumagos sa puso ng pinakamamahal kong si Amira.
Pabalik-balik ka
Hahakbang nang pakaliwa ,
Hahakbang nang pakanan.

Yapus-yapos ako ng aking kinahihimlayan
Balakid nati'y salaming
Bahagdan lamang ang kinalalagyan.

Puti ang daan patungo sa iyong tuntungan
Sumusulyap ka nga't
Mensahe'y kusang tanong
Tinipon at binahagi sa pagkatao.

Malabo ang salamin sa harap
Dito sa amin at sa kalye sa looban
Kung saan dinudumog ito
Ng mga kliyenteng
Buht sa iba't ibang pintuan.

Takipsilim na
Tangan-tangan ko ang susi palabas
Nang tumambad ka't
Ilang metro lamang ang distansya.

Nagtagpo ang pawang paningin
Bagkus kailangan na ring pigilan ng sandali
Nauna ka
Pagbaba ko'y hindi na muling nasilayan
Anumang aninag ng iyong *lihim na pagkatao.


Mayroong kumaway sa akin
Isang pamilyar na tauhan sa sarili kong kwento
Dati ko palang **** sa asignaturang Ekonomiks.

Tinugon ko ang pagtawag niya sa akin
Aba't ang oras ang huminto
Ninakaw ng kanyang katabi
Ang pagtingin buhat sa tumanggap ng pagtugon.

Naroon ka, hawak ang manibela
Ako'y nauupos na kandila
Ako'y hinahanging saranggola
Isang bulang hinihele ng musikang walang liriko.

Hindi ako naging epektibo sa kausap
Doon ang pasimula ng kwento
Hihintayin ko ang muling pagsirit
ng nanlilisik na araw
At ang lahat ay kapwa
Pausbong na ala ala na lamang.
Para sayo na sumisilip sa office ng firm namin.

— The End —