KULAM
Sa ilalim ng langit
Takipsilim ay naglulundo
sa katapusan
Kung saan ang langit lumulutang sa dagat
At ang buwan ay unti-unting nanalamin
Ang dulo ng punyal
Sa punyos ay ikukudlit
Ang patak ng dugo
Ay magkukulay, sa bawat salitang isasambit
Mangyayari ang dinadasal
Ang bulong ay ang nakakabinging lintik
Na maguguhit sa kalangitan
Ngunit hindi uulan
Lupa'y mabibiyak
Manginginig ang mga bato
Naniningas na sulat
Katagang itinuturing katotohanan
Katuparan ang bawat letra
Ang kahulugan nito'y hindi malulupi
Lahat ay makapangyarihan
Kahit nakakubli man sa kadiliman
Isang hiwagang bumabalot
Sa sandaling hiram
Sa sugat ay kukuha ng lakas
na maglulupig sa liwanag