Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
GABRIELLE Feb 2017
Kasabay ng aking paggawa ng tula
ay ang pagbitaw sa pangako mo na
"akin kang babalikan"
Kasabay ng pagiba ng ihip ng hangin
ay ang pagtangay sa puso kong dati'y walang ibang isinisigaw kundi ang iyong pangalan

Isa kang salamangkero
Pinaniwala mo ako sa mahikang kailanma'y 'di totoo
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pag-ibig na nagpalapit sa atin
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig
Pinaniwala mo ako sa pag-ibig

Pero teka
Pag-ibig nga ba iyon
o isa lang iyon sa mga pelikulang iyong nilikha?
Na sa umpisa palang ay nakalagay na ang mga katagang
"Babala: ang sususnod na programa ay walang halong katotohanan
Huwag seseryosohin"

Una palang kitang nakita,
nakuha mo na agad ang aking atensyon
Katulad ng isang kwintas
Una mo palang makita,
hindi mo mapipigilan
na mapalapit agad iyon sa puso mo

Naaalala mo pa ba ang regalo mo sa akin?
Kwintas na may hugis pusong disenyo
Sabi mo, iyon ang sumisimbolo
na nasa akin na ang iyong puso
Ngayon, alam ko na kung bakit
Dahil tulad ng metal na kwintas na iyon,
Ganon din katigas ang nilalaman ng iyong dibdib
071816 #3:18PM #RobPalawan

Muling mauutal ang puso
Buhat sa naantalang pagtatapat.
Ninais ko noong lisanin ang paghihintay
At magbakasakaling
Panahon na ng pag-ani ng pag-iibigan.

Ni minsan,
Hindi ka nagpadaig sa pana ni Kupido,
pagkat marahil may lamat kanyang gintong palaso.

Patuloy akong magbibilang ng bawat dahong nalalagas,
Aaninag sa araw na siyang minsang pumipiglas,
At sisenyas sa hanging hinahawi ang kawalan --
Kawalang hindi tunay,
Pagkat pag-ibig, aking buhay.

Ilalaan ko sa kalawakan
Ang talatang tila walang saysay,
Makikipagbalagtasan sa pagkitil
Ng mga linyang nahihimbing.

Ako'y saksi sa malawak at malalim
Na mahikang di naglalaho,
Sa eksperimentong walang kemikal
Bagkus puro't siyang natural,
Sa paglalambitin ng mga bombilyang
Hindi papupundi,
At mga tuldok na hindi katapusan.

Yayariin ko ang klima ng pusong hindi kalmado,
Bituin ng pagtatapat ay aangkinin,
Pagkat halaga nito'y
Wagas na pag-ibig.
Hindi ako susuko,
Tatagpiin nang kusa
Ang liham ng sagrado kong pag-irog.
(Pagkat naiisip na naman kita. Marahil baliw ang pag-ibig, pero nasa tamang pag-iisip ang katauhan. Patuloy kitang ipagdarasal, maghintay lang tayo.)
Sa pagpikit ng mata, pilit kong kinukubli.
Baka ang luha ay mapigilan, tulad ng iyak, naging hikbi
Pilit na ikinulong ang mga tubig ng pait
Pilit na nilululon ang sakit, ang hapdi

Gumuguhit ang sakit sa puso kong nagmamahal
Hinihiwa ito, tila di na tatagal...
Nanataling pikit at luha ay pinipigilan...
Tulad mo sa pusong ayaw kang pakawalan.

Hindi na ba talaga ako mahal?
Kung hindi na'y, huwag na akong gawing hangal...
Hindi na ba talaga ako iniibig?
Kung ganun, pakawalan na sa iyong bisig.

Hindi ko alam ang mahikang dulot mo.
Hindi ko alam, bakit ikaw ang mahal ko.
Hindi ko alam, bakit ikaw ang sinisinta.
At ang mahalin ka, sadyang kay sakit pala.

Pagmulat ng mata, alam ko, ito'y bubuhos
Mga luhang kubli, sa pisngi, aagos
Ang hikbi ay magiging hagulgol
Mga sasabihin ko'y nakabubulol

Patuloy ko na nga kayang ikukubli ang sakit?
Patuloy na nga lamang ba ako na pipikit?
O hahayaan na lamang kumawala ang tubig?
Baka sa pagbuhos, mahugasan ang pusong umiibig...
06022021

Hayaan **** ilahad ng mga pahina ang misteryo ng nakalipas,
Ang mahikang bumabalot sa guhit ng mga palad
Na hinulma sa salamin ng liwanag,
Ang dugo ng kasaysayang naging pantatak ng kahapon, bukas at ngayon.

Ang pagsirit ng kandila sa lumalalim na gabi
Ay gaya ng pakikipagbuno ng kalangitan sa lumalagablab na araw.
Hindi man lamang napagod ang lumikha ng bahaghari,
Pagkat buhat sa simula hanggang dulo'y kaya nya itong pagmasdan --
Kaya nya itong sabayan hanggang sa pagtiklop ng mga ulap.

At gaya ng mga ibong malaya na walang humpay ang pagkampay patungo sa lilim,
Ay gayundin ang mga imahe ng putik na ginawaran ng damdamin.
Ang kanilang pakikipagsapalaran sa modernong makinarya ng paglusong at pag-ahon,
Na may dalisay na pagdinig sa lilim ng kapatawaran at kaligtasan.

Walang sinuman ang kayang kumitil sa mga paupos na kandila --
Silang ang pagluhod ay simbolo ng kalakasan at pagtitiwala.
Silang may dunong at sa bukal ng buhay ay may hiram na sandali.
Maliban na lang kung sya'y magpaubaya para lumisan nang walang paalam.
Ngunit kumatok man sila,
Ang huling habilin at pagsilip sa bintana sa hapag
Ay walang katiyakan pawang sa oras at magiging tahanan.

Di hamak na may kaalaman ang sining na paghinga ang naging buhay,
Kaysa sa mga yumuyukod na mga punong
Mayroong nalalagasan na mga pakpak sa bawat dapithapon.
Di gaya ng dagat na lumulunod sa sarili
Na hayag sa kalangitan ang pagkunot at paghinahon.

Ang pawis sa mga pisngi'y gaya ng mga butil ng perlas
Na higit pa sa mga ginto't dyamanteng ibinigkis para ikalakal.
Walang humpay ang pagkapa madatnan lamang ang liwanag
Sa iskinatang walang inihain kundi pait at karamdaman.

At katulad ng pagpapagal nito sa apoy upang mailimbag ang sarili'y
Kusang babalik ang mga ito sa hiningan ng sandali.
Kung saan wala nang ni isang mananatiling "misteryo,"
Kung saan lahad at hubad na ang lahat ng pagpapanggap.

At kung saan ang huling pahina ay pupunitin,
Ang himagsikan ay makikitil hindi nang panandalian lamang.
Magiging malaya ang pagpapaubaya ng mga kamay sa hangin,
Malaya ang mga pusong walang ibang nais kundi magpuri.
Pusang Tahimik Jun 2022
Nauubos na ang batang namamangha
Sa mga mahikang angkin ay pambihira
Tuldok ang sukli sa isip na puno ng katha
At pinako ang tingin sa mundong mapanira

Wala na ang ligalig sa puso at isip
At ang mga bituin ay di na sinisilip
Nangadilim ang paligid sa bawat kong pag-ihip
Sa apoy na waring ang ningas ay pinipilit

Ang pag pakli ng panahon ay isinusumpa
At ang bawat pahina'y lumalalim ang salita
Hanggang kailan kaya guguhit ang paksa
Nang panulat kong nauubusan na ng tinta
By: JGA

— The End —