Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
It'smeAlona Jun 2018
Oh kay gandang pagmasdan ang mga patak ng ulan
Tila musika sa pandinig kapag ito'y bumabagsak sa bawat bubungan
Animo nag-aanyayang tayo'y maligo't magtampisaw
Kasabay ng mga bata na masayang naglalaro sa lansangan
Aking naaalala noong ako'y bata pa
Ang lagi kong dalangin, nawa'y bumuhos ang ulan
Upang ako'y maligo't maglaro kasama ng aking mga kaibigan
Hindi alintana kung may kidlat na paparating
Basta't masaya kaming naglalaro sa kabukiran
Noon, masaya na kami kapag umuulan
Dahil hudyat na iyon ng aming paglalaro sa malakas na ulan
At kapag tumigil na, si Ina'y nagluluto ng ginatan
Upang mainitan daw ang aming mga tiyan
Sa paglipas ng henerasyon, nabibilang na sa aking daliri ang mga batang naglalaro sa ulan
Marahil mas ninanais na lamang nilang maglaro at humawak ng gadget kaysa magtampisaw
Ang ilan nama'y takot magkasakit dala ng ulan
Ngunit, kung inyong iisipin ang ulan ay biyaya ng Maykapal
Nakabubuti ito sa ating mga katawan
Kaya laking pasasalamat ko sa Maykapal
Dahil naranasan ko ang maglaro't magtampisaw noong ako'y bata pa
Hindi tulad ngayong henerasyon, na ang tanging ginagawa'y humawak at maglaro ng gadget
Nakakalimutan na ata na sila'y musmos pa lamang upang maranasan ang saya ng kamusmusan
Eunoia Aug 2017
Hindi, Hindi ko alam kung bakit ako nakatayo sa harap ng madla
Hindi ko alam kung bakit ako gumawa ng tula  
Pero sige magsisinungaling  pa ako, magsinungaling pa ako hangga't mapaniwala ko ang lahat maski ang sarili ko
Magsisinungaling pa ako hangga't maputol na ang dila ko sa kasalanang ginagawa nito

Itatangi ko sa lahat na sumali ako dito upang mailabas lahat ng hinanakit ko
Itatangi ko sa lahat na napudpud ang lapis ko habang binubuo ang tulang ito
Itatangi ko sa lahat na ilang papel ang nasayang ko sapagkat nabasa lamang ito ng luhang dahilan ng pagngiti mo
At magsisinungaling at magsisinungaling pa ako hangga't makita na ng lahat ang salitang 'SISI' sa ginagawa kong pagsisinungaling

Hindi ko sinasabing nagsisisi ako dahil minahal kita sinasabi ko lamang nagsisisi akong naniwala ako sa malakas na ulan
Hindi ko sinasabing nagsisisi ako dahil nakilala kita sinasabi ko lamang nagsisisi ako dahil nagpatangay ako sa malakas na hanging habagat
Hindi ko sinasabing nagsisisi ako sa paglapit mo sinasabi ko lamang nagsisisi akong lumingon ako sa bintana
Ngunit mahal kahit kailan hindi ko itatanging nagsisisi akong Umasa ako sa akala ko'y Ulang magtatagal ayun pala'y dumaan lamang

Masakit sa pakiramdam maalala ang paghila mo sa aking kamay sabay sabing "halika at magtampisaw tayo" Habang bumubuhos ang malakas na ulan suot pa natin ang uniporme nating dalawa
Naririnig ko ang halakhak mo Habang masayang tumatalon dinadama ang mumunting butil ng ulan

Samantalang ako'y nakatingin sa kamay nating magkahugpo at sa hindi inaasahang pagkakataon nabanggit sa harapan mo ang katagang nakakubli sa aking puso
"Mahal Kita" ngunit ngiti lamang ang sinukli mo
"Mahal Kita" ngunit yakap lamang ang ginanti mo
"Mahal kita" ngunit ang sinabi mo lamang ay "halika umuwi na tayo"

Lumipas ang mga araw at narinig ko nanaman ang halakhak mo
Nilusong ko ang malakas na ulan upang mahawakan mo ulit ang kamay ko
Habang masaya kang lumulundag sinasalo ang butil ng ulan na siyang pumapatak sa mukha mo
Ngunit mahal nadurog ako ng makita kita sa ulan,

Nadurog ako sapagkat kamay ng iba ang hawak mo ngunit hindi katulad ng saatin nakatitig ka sa mata niya habang dinadama ang ulan
"Mahal kita" nginitian mo siya
"Mahal kita" inakap mo siya
"Mahal kita" ngunit sinabi **** "Mahal din kita"

Tumigil ang ulan ngunit hindi ang pagdurugo ko
Nilisan ko ang lugar kung saan nabasa ako
Umuwi ako sa bahay inaapoy ng lagnat at tinanong ni Nanay "bakit hindi nasuspinde?"

Tinitigan ko siya ng diretso sa mata sabay sabing
"Daang ulan lang naman daw po"
Oo tama!, daan lamang malakas ngunit hindi magtatagal
malakas ngunit nakakapinsala
Daan lamang pala

Sana hindi na lang ako nagpahila
Sana hindi na lang ako umasa
At sana pala'y nagdala ako ng payong nang sa gayon ay hindi na ako namomroblema kung paano maiiwasan ang patak nitong malakas na ulan
My first ever piece of Filipino Spoken Word Poetry
JOJO C PINCA Nov 2017
Ang makamtan ang maliliit subalit makabuluhang layunin sa loob ng maiksing panahon. Sa maiksing panahon lang, ‘hwag mo’ng sakupin ang lima hanggang sampung taon na paparating pa lang. Ituon mo sa ngayon at sa mga darating na araw o buwan ang pagkamit sa iyong mga layunin. Hindi totoo ang long term plan, tangina baka nga hindi mo na ito ‘datnan kaya hindi mo ito dapat na saklawan. Ang tagumpay ay hindi sinusukat sa haba ng paghahanda para ito makamit, ang totoong tagumpay ay dapat na lasapin sa bawat sandali, minuto, oras at araw ng buhay mo. Oo, ganun lang dapat, kasi maiksi lang ang buhay baka sa sobrang abala mo para paghandaan ito ay makalimutan mo ang maging maligaya.

Ito ang pinaka malaking trahedya ang kalimutan ang kasalukuyan para lang paghandaan nang todo-todo ang bukas na iyong hinihintay. Ok lang na mangarap, na magsumikap at pangarapin ang magandang bukas subalit hindi mo dapat na ipagpalit kung ano man ang kaligayahan na meron ka ngayon para lang dito. Enjoy your life today while preparing for the future ika nga. Kung bata ka maglaro ka, sige lang makipaghabulan ka sa mga tutubi o di kaya ay  magtampisaw sa ulan. Kung binata ka sige lang manligaw ka at makipagkaibigan mag-invest ka sa pakikisama at matutong makipagkapwa tao. Kung nagtratrabaho kana gawin mo nang may pagibig ang ano mang giangawa mo, ‘wag lang nang dahil sa pera.

Maging bubuyog ka na laging handang sumimsim ng bango ng mga bulaklak. Gayahin mo ang ibon na laging umaawit at lumilipad. Umawit ka at tumula kahit walang tagahanga. Ipagdiwang mo ang bawat ngayon. Ang maiksi subalit makabuluhan na panahon ito ang mga ginintuang sandali na hindi mo dapat na ipagpalit, hawakan mo ito nang hindi mawaglit.
Eugene Jul 2018
"Ang pagmamahal ko sa iyo ay kasing init ng bawat pagsikat ng araw. Ngunit kapag ako ay iyong sinaktan, asahan **** hindi mo na masisilayan ang paglubog ng araw."
Sa isang sikat na resort sa Laiya, Batangas napagkasunduan ng magkakaibigang sina Adlaw, Bulan, Amihan, Machete, at Tawa-Tawa upang alalahanin at damhin ang buhay probinsiya. Halos limang taon na rin ang nakalipas nang huli silang nakauwi sa kani-kanilang probinsiya.
At dahil sa iisang kompanya lamang sila nagtatrabaho sa Makati ay sa isang lugar na lang din nila napagdesisyunang magliwaliw. Iyon nga lang ay isang araw lang ang common day off na mayroon sila, kaya lulubusin din nila ang isang araw upang magtampisaw sa karagatan.
Nasa iisang kompanya lang sila nagtatrabaho na kung tawagin ay Cliffhanger Outsourcing Center, pero magkakaiba ang araw ng kanilang day off. Sina Adlaw at Bulan ay mag-ka-teammate na kung saan ay miyerkules at huwebes ang araw na wala silang pasok habang ang tatlo na sina Amihan, Machete at Tawa-Tawa ay Huwebes at Biyernes naman ang araw na walang pasok.
Sakay ng isang van na ang may-ari ay si Machete, dere-deretso na silang bumiyahe. Madaling araw pa lang ay agad na silang umalis. Kapag maluwag ang daloy ng trapiko ay aabot lamang ng isang oras at kalahati ang biyahe patungong Laiya, Batangas.
MM Nov 2019
Pumatak ang ulan, unti-unti

Kasabay ng pagbugso nito ay ang musika na ikaw lamang ang nakakarinig

Sinubukan **** silipin ang mga tala na nagtatago sa likod ng mga ulap

Ngunit ngayong gabi, maging sila ay mailap

Isang awit ang nagwakas at isa pa ang muling nagsimula pero nandito ka pa rin

Hindi pa rin maihakbang ang mga paang tila nagapos sa kalungkutan at pag-iisa

Masyado na ata silang nasanay na walang naghahanap, na walang tumatanggap

Kaya heto’t kahit usigin mo ay hindi bumibitaw sa kawalan na tila walang nakakaramdam kundi ikaw

Wala pa rin ang iyong hinihintay

Titila na ang ulan at maaari ka nang magtampisaw sa naiwan nitong buhay

Ngunit wala pa rin ang iyong tinatanaw

— The End —