Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.

Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.

Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.

At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso, 
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.

Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?

Bihag ka na ngayong walang kalayaan, 
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian. 

Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.

Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako. 

Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.

Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.

Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.

O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.

Yaong sinag nito’y ganap na tatapos, 
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos, 
niring mga matang namumugtong lubos.

Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.

Maghihintay ako sa gitna ng dusa, 
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.

Maghihintay akong di hadlang ang pagal, 
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.

Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
JOJO C PINCA Nov 2017
Paunawa sa babasa:

Hiniling ng isa kong kaibigan na relihiyoso na gawan ko daw s'ya ng tula tungkol sa ikalimang wika ni Kristo noong nagdaang Mahal na Araw kaya kahit Atheist ako ay ginawa ko ang Free Verse (Malayang Taludturan) na ito.



“Nauuhaw ako”

Malalim ang baon ng mga pako sa kanyang mga kamay at paa. Mahigpit din ang pagkakatali ng lubid sa kanyang mga braso. Napapalibutan siya ng mga kaaway, nagsusugal at nag-iinuman ang mga sundalong Romano habang nililibak siya ng mga Pariseo. Tiyak na wala s’yang kawala. Naghahalo ang dugo at pawis magkasabay itong umaagos palabas mula sa kanyang katawan; hindi na rin n’ya maalala kung ilan ng sampal, suntok, sipa at palo ang kanyang natanggap. Sa gitna ng kanyang paghihirap binigkas ni Hesus ang kanyang ikalimang wika:

“Nauuhaw ako”

Kagabi lang bago s’ya dakpin ng mga tampalasan ay nagmakaawa s’ya sa hardin ng Getsemane at taimtim na hiniling sa kanyang Ama na kung maaari sana ay huwag na n’yang danasin ang paghihirap na ito. Subalit hindi s’ya dininig nito.

“Nauuhaw ako”

Siya ba ang kailangan na magdusa, obligado ba s’ya na bayaran ang kasalanan ng iba? Bakit s’ya ang inutusan ng kanyang Ama para akuin ang sala ng sangkatauhan? Masyadong mabigat ang pasanin na ito para sa isang hamak na karpintero na gaya n’ya.

“Nauuhaw ako”

Ito ba ang kapalit ng pagiging masunurin at mabuting anak ang masadlak sa laksang dusa at malagim na paghihirap? Nasasabik na s’yang umupo sa tabi ng kanyang ama; hinahanaphanap n’ya na ang papuring awit ng mga Anghel sa langit.

“Nauuhaw ako”

Nilikha ba ang sanlibutan at ang mga tao upang sa bandang huli ay maging mapaghimagsik sila at walang galang sa kanilang lumalang? Bakit punong-puno ng kalupitan at karahasan ang mundo?

“Nauuhaw ako”

Hindi sapat ang tubig o ano mang inumin para mawala ang kanyang uhaw na nagmumula sa puso; ang pag-ibig ng sangkatauhan ang kanyang inaasam.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Uncle **” utang sa’yo ng Vietnam ang kanyang kalayaan,
Ikaw ang amang mapagpalaya na sa kanila ay gumabay.
Ikaw ang dakilang liwanag na sa kanila’y pumatnubay,
Kahit sa gitna ng laksang lumbay hindi mo sila pinabayaan.
Wala kang katulad sa buong Vietnam, ikaw ang bayaning tunay.

Sa ilalim ng iyong pamumuno walong taon ninyong nilabanan
Ang mga Pranses sa mga palayan, bundok at lansangan. At
Matapos ang walong taon ng nakakapagod na pakikibaka sa
Wakas ay napasuko ninyo ang mga kaaway.

Subalit di-naglaon lumitaw ang isang bagong kaaway,
Ang Estados Unidos na s’yang bagong halimaw na gustong
Humalili sa mga kolonyalistang Pranses. Lahat ng kalupitan
Sa inyo ay ipinadanas subalit sa udyok at impluwensya mo
Hindi kayo sumuko. Matapos ang labing-anim na taon ng
Madugong pakikipag-tuos natalo din ang dambuhalang kaaway.
Isa kang tunay na rebolusyunaryo na karapat-dapat na mamuno.

Subalit isa rin palang makata na sumusulat ng mga tula,
Mga tulang gumigising sa puso’t kaluluwa ng bayan.
Sumusulat ka ng mga tula habang nakahimpil sa gubat,
Habang pinapanood ang pag-aani ng palay at nung ikaw ay
Nabilanggo dun sa Tsina sa loob ng labing-apat na buwan.
Wala kang ibang kapiling kundi ang iyong mga tula.

Binasa ko kahapon ang mga tula mo, ramdam ko ang
Bawat mensahe nito. Alam ko na sa bawat paghalik ng pluma
Sa papel ay kasama nito ang kaluluwa mo at ang sigaw ng puso
Mo. Mga tulang rebolusyunaryo ang tema at dating.

Ang dahon at bulaklak ay tiyak na malalanta pero hindi ang iyong mga tula; mananatili itong buhay at naka-kintal sa puso ng Vietnam. Wala kana nga Uncle ** pero lalagi kang buhay sa puso ng mga kababayan mo at sa bawat puso ng makatang rebolusyunaryo na tulad mo.
Jun Lit Sep 2017
Ngayong araw ako'y siyang naatasan
Na ipakilala ang ating kaybigan
Mahirap sabihin, ang inyo nang alam
Kaylangang galing nya'y bigyang katarungan

Sikat sadya itong ating kaibigan
Pang-showbiz ang dating, pinagkakagul'han
Pagkat nang magsabog d’yos ng kagwapuhan
Tabo lang dala ko, sa kanya'y "orocan"

Ngunit bahagi lang 'yon ng katangian
Kung bakit sya'y tunay na hinahangaan
Talino at t’yaga ang kanyang puhunan
Sa pag-aaral ng buhay, kalikasan

Sya'y taong tunay ang angking kabaitan
Na dama ng tao, hayop at halaman
Sa dami ng kanyang lathalaing-agham
Sierra Madre'y nginig, kapag nagtimbangan

Palaka, butiki, ahas at butaan
Nang dahil sa kanya'y lalong natutunan
Lumaki't lumawak ating kaalaman
Kung kaya't umani laksang karangalan

Alam kong sa bawat uri ng palaka
O ibang buhay na sa mundo'y mawala
Kasama natin s’yang lungkot na luluha
Pagkat magkaugnay ang lahat sa lupa

Dedikasyon niya ay dapat tularan
Ipakilala s’ya'y isang karangalan
Si Arvin Diesmos po, Syentistang huwaran
Samahan n'yo akong siya'y palakpakan!
Para kay kaibigang Arvin C. Diesmos, Ph.D.; [For my friend Arvin C. Diesmos, Ph.D.]. This poem was read as introduction to Dr. Arvin C. Diesmos who was a Plenary Speaker at CLADES Summit, organized by the UPLB Museum of Natural History.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Live as if you were to die tomorrow. Learn as if you were to live forever.”
― Mahatma Gandhi


Malaking bahay, maraming pera at katakot-takot na mamahaling mga bagay-bagay. Ito ang pangarap ng marami at pinagsusumikapan ng halos lahat ng taong nabubuhay. Kunsabagay walang masama sa mga ito, ika nga libre lang ang mangarap. Pero hindi lahat ay pinagpala, hindi lahat nagkakamit ng pangakong gantimpala. Kaya nga may mahirap at mayaman. Habang may mga nagpapala sa initan ng kalsada may mga naka-de-kwatro na salaula at mga mapang-upasala sa loob ng aircondition na ‘kwarto.

Masarap maging mayaman, yun bang masagana at hindi kinukulang. Yung kahit anong oras ay ‘pwede kang mag-abroad, o di kaya naman ay kumain sa mga mamahaling restaurants kahit anong oras mo mapag-tripan. Tapos pag summer time na syempre maliligo naman dun sa Boracay. Foam Party sa gabi at katakot’takot na sosyalan sa buong magdamag. Sarap talaga ng buhay ng isang mayaman. Pero anong halaga ng lahat ng mga ito? Madadala mo ba ang laksa-laksang karangyaan na tinipon mo? Diba hindi naman?  

Karunungan, ito ang higit na mahalaga – higit pa sa kayamanan. Hindi katalinuhan na nakukuha sa mga aklat at natutunan sa mga mamahaling unibersidad. Ang maunawaan ang katuturan ng buhay mo yan ang importante sa lahat. Ang lubos na maunawaan ang mga hiwaga na nasa pagitan ng pagsilang at ng kamatayan ito ang tunay na kayamanan. Ang umibig at yakapin ang minamahal na parang hindi mo na makikita ang bukas. Katulad ito sa sanlibong sinag ng araw sa iyong puso. Ang makita ang paglaki ng iyong mga anak at makasama sila sa hapag tuwing oras na ng kainan. Ito ang mga tunay na yaman na walang katapat na halaga. Ito ang mga bagay na dapat nating pagsumikapan na makamtan.
Vincent Liberato Feb 2019
Mangangata ako sa madaling
araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa
kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga.

Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos
sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito.

Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas.

Ayaw ko na.

Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita
sa mga alaala para sundan ang anino
na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan.

Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako,
habang naglalaho ang pangalan mo
sa kuwaderno ko.

Mawawala na lamang ang pagkamarahas
ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto.

Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko.

Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig.

Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga,
habang nginangata ako ng panggagalaiti
sa pagsapit ng umaga.
JOJO C PINCA Nov 2017
Nakasadlak ngayon sa laksang dusa ang nagluluksang lungsod ng Marawi.
Nasiraan kasi ng bait ang mga ulol na galit na galit kaya nila pinunit na parang damit
ang bayang marikit. Palibhasa’y mga baliw sila na walang paggiliw sa aliw ng iba.
Ito daw kasi ang gusto ng kanilang diyos kaya wala silang pakialam sa iyong pagpupuyos
Mga putang-ina sila na wala sa ayos.

— The End —