Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Kagaya ng tubig, aagos ang pag-ibig.
Ang tubig na inihasik mo sa dagat
Ay aanurin din papalayo sayo --
Papalayo ngunit sana'y papalapit ang takbo.

Ilang beses ka mang magtaya
Ay hindi mo matatantiya ang panahon
At ang pagkakataong nasa kamay mo na,
Ayan, biglang maglalaho at bubusina
Ng "paalam, pagsinta."

Ilang beses ka mang magtapon ng barya
Aagos pa rin ang tubig
At hahampas ng paulit-ulit sa sagradong buhangin.
Mananatili sa ilalim ang bawat **** hiling
Ang hiling na sana'y hindi ang alat ng dagat
Ang dumampi sa nilihang lalamunan.

Kumanlong ako sa mga butil ng buhangin
Nang muli kong mapagmasdan
Ang ilog, ang sapa, ang talon at ang dagat
Na nasa iisang garapon.
Uminom ako, at doon naglaho ang istorya
Ako'y napukaw ng buhanging pambara.
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
Jun Lit Jul 2021
Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Namnamin ang pampagising na pait
Habang ang likas na tamis, nilalasang pilit
Sa ‘yong lalamunang sabik, ang init guguhit.
Tulad ng bawat pagtatanghal, sa isip di mawaglit
Todo-bigay ang birit, tila laging huling hirit.

Araw-araw mang nakikita ang Bundok Malarayat
Hindi nagsasawang sulyapan ang Silangan pagmulat
Bawat araw na tayo'y buhay, may dalang sigla’t galak.

Hwag nang ipitin ang kwadrong alas o otso
Di na magiging mahalaga kung sino nga ba’ng nanalo
Kapag ang mga kalaro sa pusoy ay wala na ni anino.

Hagkan si Habagat at yakapin si Amihan,
Daluyong ma’y ihatid, sa kabila’y walang ganyan
Di-pinansing hininga’y aapuhapin sa paglisan

Ang lupang hinamak, tinapak-tapakan
Ang lupa ring naghandog ng susing kabuhayan
Ang lupa ring hihimlayan sa huling hantungan.

Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Kapeng barako’y masarap habang mainit
Ngunit wala nang bisa sa huling pagpatak ng saglit

Lasaping mabuti bawat lagok, bango’y langhapin
Kapeng barako’y larawan ng pagbangon at paggising
Ng bawat araw, biyayang pasasalamata’t tatanggapin.
16th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly  on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years. The current COVID-19 pandemic has made us realize which things are really essential, who really matter and how volatile human life is, and that every single day when we wake up still alive is a gift in itself.
Jun Lit Feb 2020
Ikasampung lagok na
at higit pa
ng mainit **** ala-ala
subalit malapit man
wari kung aking tinitingnan
sa sulok ng napadpad na isipan
sa kabilang ibayo ng mga pananaw
sa malayong dalampasigan ng pagkatao,
hindi ko kayang abutin
ang pinutol kong pusod
na sa puting lampin ay ibinalot,
at ibiniting tila bituin sa mga alapaap.

Maghapon ko mang lakarin
mula sa aking pusong pinabango
ng galapong na bagong giling,
na kung saa’y tiniis ang init ng kahirapan
habang isinasangag ang bawat butil
ng sanlibo’t sandaang ari-muhunan
mula sa masuyong pinagsikapan,
pinagtiyagaang alagaan -
puno ng liberikang kape
ng lupang sinilangan.

Malayo, malayo na ang Lipa
madaling lakbayin sa malawak na kalsada
na dumaraan na ngayon sa kabundukan
ng Malarayat
na noong musmos pa’y
malayo, malayo, malayo . . .
tanging nakakarating lamang ay mga uwak
at sabay-sabay na lumilipad na tagak
sa takip-silim nama’y mga nagsasalimbayang kabag.
Noo’y maliliit pa ang puno ng sintunis
Ngayo’y natabunan na ng palitadang makinis
Hinahanap ko ang lungga ng dagang bulilit
At puno ng bitungol sa unahan ng lumang bahay
na inaakyat ng mga paslit
napawi na rin ang matayog na tahanan
tila binura ng kapalaran
at mistulang iginuhit ng chalk lamang
sa pisara’y kumupas na larawan.

Natabunan na ng bundok
ng mga alikabok ng ala-ala,
wala na tahanan, o ang lumang pisara
tila nawaglit ang apat na dekada

Malayo na ang lumang Lipa
at katulad ng dahong alamat ng ngalan nya
makating-masakit at di makakalimutan
ang mga karanasan at mga aral na dala

Kung wala na ang bigas na kinanda
magtitiis ako sa samyo ng binlid at ipa
Kung wala na ang pinipig at nilupak sa baraka
kahit budbod at lumang latik ay yayamanin na
Lalakbayin ko’y lubhang malayo pa
Ngunit sinisinta
ika’y makakaasa:
     Ang pinanggalingan,
          ang pinagmulan,
               lilingunin tuwina.
Brewed Coffee - 10; 10th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Jun Lit Mar 2018
Naghihintay ang tasa
malinis, walang laman
sa tagpuang mesa
kahapo’y may kabatuhan
ng "¿Hola? at ¡Puñeta!"
at kanina’y may kapalitan
ng "Hello Sir! Wanna? Wanna?"
nasingitan pa saglit
ng malupit, galit sa langit
na si "Arigatou Nakamura"
At nakipag-rigodon
ang mga payaso’t pirata
at mga magnanakaw – mas ganid pa
sa apatnapu ni Alibaba

Nasaan ba si Ina?
Wala na po dito,
nandun na s’ya’t kahalikan
si "Xie xie, Duō shǎo? Ni hao ma?"

Pagkatapos kumulo
ng tubig sa kaldero ng lipunan
inilagay ko ang isang kutsarang
balawbaw ng galapong
nanggaling sa inipong
butil ng kagitingan
mula sa paanan
ng Malarayat na kabundukan
- kaagad-agad ay bumulwak,
nagngangalit na umawas

Kumakalat ang halimuyak
ng kapeng bagong luto
Naiinip na ang tasa
sa tagpuang mesa
ng bayang talisuyo
Kailan kaya may uupo,
yaong hindi bugaw na pinuno
na pagpuputahin ka
kung kani-kanino,
kundi bayaning lingkod
na hindi ka ipagkakanulo?

Kapatid, kahit isang lagok lang,
Malayo ang lakbayin, dapat nang simulan
Ang mahalaga’y kumikilos, humahakbang
Sulong tayo mga Kabayan . . .
To be translated - Brewed Coffee VI
Jun Lit May 2018
Ang kape ay buhay

ipinantawid-gutom

kasabay, kaunabay

ng unang subo ng kanin,

sa murà kong isipan -

nilililok ng maalagang haplos

ng katam ng mga pangaral

at talim ng pait ng nakadaupang

mga dospordos ng karanasan,

bawat lagok ay nagbigay

ng iba ibang kulay,

ng alay



Alak ng paglimot ay tinagay

ng kapitbahay

na maingay

sigaw ng inipong luha’y

kakambal,

ngunit ang kape
 -
sa Pilipino'y sawsawan
ng tinapay na inaasam:
paimpit ang napilayang pag-usal

sa binging patron ng pandesal

taimtim ang piping dasal
:
“bigyan mo po kami
ng aming kanin

miski walang ulam

basta may kape
,
pero mas maigi na rin po

pag may bulanglang”

"salamat po sa kape
ngay'ong kami'y buhay
at sa burol
kung kami'y mamatay
na kalul'wa'y pasal,
tirik ang namumuting mata
Inaykupu Nanay!!!"
Part of my childhood memories in my old barrio (village) in Marauoy, Lipa City, Batangas, Philippines
reyftamayo Aug 2020
isa pa, itagay mo pa
tatlong ikot na lang ubos na.
hindi malamig,
ubod ng lamig.
iisa lang pala ang tama.
ibigay ang pulutan
doon sa malakas kumain.
pagkatapos nito, isusuka rin.
katrina paula May 2015
Nalalasing ako ngayon sa mapait na kapaguran
Sumusuray sa mga lagok ng katawang pagal
nangangarap sa mailap na kapahingahan
Umaasam ng katapusan.
Jun Lit Nov 2018
Sa sulok ng isipang dinadaluyong
ng mga sanlibong sala-salabat na tanong
may paanyaya kang pagdamay ang layon
mula unang lagok, mainit ang pagsalubong.

Maraming katanungang pumapatak sa diwa
Tila ulang tikatik, ulang walang sawa
Hindi lang ‘ano?’, ‘sino?’, o ‘saan?’ ang humiwa
Puso’y sinugatan ng ‘paano?’, ‘bakit’ at ‘kailan kaya?’

Sa bawat pagsikat ng araw sa Malarayat sa Silangan
Lulubog din ito tan’aw ang Maculot sa kinahapunan
Tagumpay at sigla noong kapanahunan
Mga bituing nawawala, pagsapit ng sangang-daan

Kaya’t hindi dapat malasing, malango
Sa naabot na rurok o kayamanang lumago
Pagka’t batas ng Kalikasan ang siyang nagtuturo
Na lahat ng ito sa malaon o madali’y maglalaho

Pag-ibig na busilak, mananatiling buo.
My eighth in my Brewed Coffee Poems series; poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.

— The End —