Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
Eugene Aug 2017
ni Reagan A. Latumbo

Hindi man ako biniyayaan ng karangyaan,
O nakakain ng masasarap na pagkain sa hapag-kainan,
O nakabili at nakasuot ng magagarang kasuotan,
Kuntento naman ako sa lahat noong panahon ng aking kabataan.

Mahirap man ang buhay na aking pinagdaanan,
Milya man ang nilalakad ko noon marating lang ang paaralan,
Ipinagpatuloy ko pa rin ang pag-abot ng aking pangarap kahit na nasaktan,
Tiniis ko ang lahat dahil Siya ay nariyan.

Kahit na pandinig ko ay unti-unti na ngayong nawawala sa akin,
Nariyan pa rin si Ama at ako ay hindi Niya pinababayaan.
Kaya kahit ako man ay may kapansanan,
Naibabahagi ko pa rin ang aking talento at kaalaman.

Sa mundong aking pinapasukan,
Sa trabahong aking iniingatan,
Kahit bingi man ay marami pa rin akong natutulungan.
Mga baguhang empleyado ay aking tinuturuan.

May kapansanan ka man o wala,
Ang pagtulong ay hindi dinadaan sa usap-usapan.
Ito ay kusang ginagawa at pinaninindigan,
Maraming tao ang lubos na masisiyahan kung tulong mo ay hindi ipinagkakait sa kanilang harapan.

Bingi ka man o bulag o kulang ka man ng kamay o paa,
May sakit ka man sa puso o namanang karamdaman o wala,
Kapag tulong ang hinihingi, 'wag kang mag-aatubiling ipagkait ito sa iba,
Dahil sa bandang huli, ang iyong kabutihan ay masusuklian Niya.
kingjay Dec 2018
Mapupulang mga labi, nakakasilaw niyang ngiti
Sa mapupungay na mata, panahon sana'y bumimbin, mapipigilan
Ngayon ay magkalapit
Mala- porselana niyang kutis,
sa pantasiya lang binibini, gagawa ng pamagat

Sa palasyo, mahal na prinsesa
ang pag-uusapan ay ang mga hilig at libangan para magsaya umabot sa buwan
Doon ang imumungkahing kasal
Pahabaan ang oras ng pagtanda o mamalagi sa kasaysayan

Natandaan pa noong nasulyapan
Naging matiyaga na pinagmasdan
ang kaaya-ayang katangian
Hinintay sa bawat araw upang muli makita
Nalapnos na ang higaan pero buo pa ang pagkaalala ng kanyang mukha

Bughaw na kaharian ay itinayo sa kaitaasan
Kumalat ng karangyaan
Sa lawiswis ng kawayan
Sa mga bunga ng iba't ibang halaman

Bumaba sa trono ang espera
Ito'y hindi nagustuhan
Ang naganap ay parang katwiran na lumubog at di nasabi
Saglit na nabaghan, sa huli'y nangisay
Eugene Dec 2015
Naalala ko noong tayong dalawa pa.
Ikaw at ako ay laging magkasama.
Magkahawak ang kamay at hindi nag-iisa.
Walang makakapaghiwalay dahil tayo ay iisa.

Kahit munting kubo lamang ang ating tahanan,
Puno naman ng pagmamahalan ang buong kabahayan.
Walang pag-iimbot, walang pinagdududahan.
Pagka't nasa gitna ang Diyos sa ating puso at isipan.

Aliw na aliw kang ako'y pagsilbihan, tinalikuran ang karangyaan,
Sumama sa akin sa kabukiran, at pinagsaluhan ang matamis na pag-iibigan.
Payapang namuhay malayo sa mapanghusgang mata at mapang-aping bayan.
Nagbungkal, nagtanim, nag-araro at nagdilig sa lupa upang gawing ating sakahan.

Ngunit malupit ang tadhana at tayo ay pinaghiwalay.
Ninakaw ang ating kabuhayan at ika'y nilapastanganan,
Ng mga hayok sa laman, pinagpiyestahan ang iyong katawan,
Hanggang sa dugo mo'y dumaloy sa tigang na lupa at ako'y iniwan.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Live as if you were to die tomorrow. Learn as if you were to live forever.”
― Mahatma Gandhi


Malaking bahay, maraming pera at katakot-takot na mamahaling mga bagay-bagay. Ito ang pangarap ng marami at pinagsusumikapan ng halos lahat ng taong nabubuhay. Kunsabagay walang masama sa mga ito, ika nga libre lang ang mangarap. Pero hindi lahat ay pinagpala, hindi lahat nagkakamit ng pangakong gantimpala. Kaya nga may mahirap at mayaman. Habang may mga nagpapala sa initan ng kalsada may mga naka-de-kwatro na salaula at mga mapang-upasala sa loob ng aircondition na ‘kwarto.

Masarap maging mayaman, yun bang masagana at hindi kinukulang. Yung kahit anong oras ay ‘pwede kang mag-abroad, o di kaya naman ay kumain sa mga mamahaling restaurants kahit anong oras mo mapag-tripan. Tapos pag summer time na syempre maliligo naman dun sa Boracay. Foam Party sa gabi at katakot’takot na sosyalan sa buong magdamag. Sarap talaga ng buhay ng isang mayaman. Pero anong halaga ng lahat ng mga ito? Madadala mo ba ang laksa-laksang karangyaan na tinipon mo? Diba hindi naman?  

Karunungan, ito ang higit na mahalaga – higit pa sa kayamanan. Hindi katalinuhan na nakukuha sa mga aklat at natutunan sa mga mamahaling unibersidad. Ang maunawaan ang katuturan ng buhay mo yan ang importante sa lahat. Ang lubos na maunawaan ang mga hiwaga na nasa pagitan ng pagsilang at ng kamatayan ito ang tunay na kayamanan. Ang umibig at yakapin ang minamahal na parang hindi mo na makikita ang bukas. Katulad ito sa sanlibong sinag ng araw sa iyong puso. Ang makita ang paglaki ng iyong mga anak at makasama sila sa hapag tuwing oras na ng kainan. Ito ang mga tunay na yaman na walang katapat na halaga. Ito ang mga bagay na dapat nating pagsumikapan na makamtan.
kingjay Jan 2019
At dagli na hinalikan
Ang namamalirong mga labi niya'y sabik sa unang karanasan
Ang sagot ay ang ginoong unang nagpatibok sa kanya ang unang hinalikan
Ngunit huli na ang lahat
Magpapakasal na sa ibang lakan

Sapagkat ang pamilya'y pinagkasunduan
Simula pa ng pagkabata, naipakilala na ang nakatadhanang nobyo
na mag-aangkin ng kanyang puso
Hambog na binata'y sa kanya ang sasal ng kasayahan sa mundo

Gaya ng karamihan ay nanligaw din ang pasikatero
bago nakuha ang minimithi
Sadyang mailap ang pagmamahalan ng mababang uri
Ngayon iba na sa kanya ang nagmamay-ari

Nang nagkaisang dibdib na'y nawalan ng pag-asa
Kahit masilip sa tuwi-tuwina
at maibulong ang pintuho sa reyna
Bukang-liwayway sa akalang nag-uumaga
Takipsilim palang naduhagi sa bawat araw at sa susunod pa

Ang hinihingi'y ay ang pag-amin
Sa kanya na ang desisyon
Mag-iiba sana ang kapalaran
sapagkat matimyas ang kanyang pag-irog
Kayang iwanan ang karangyaan kapalit ng pag-ibig
Matias Feb 2018
Lahat tayo ay pantay-pantay sa isang kamay
ngunit sa mundong ginagalawan
tayo ay nag-aaway away para sa isang tagumpay
kahit ang ibang tulad mo ay matapakan
wala ka ng pakialam
makamit lang ang inaasam-asam,
pagtakbo ng matulin
pagsisid ng malalim
paglipad ng mataas
mas mataas pa sa lipad ng mga ungas
nag-uunahan sa isang pwesto
isang pwesto na walang trono,
na kung saan ang mga tao ay wala ng modo,
lahat ng nasa baba ay inaapakan parang tuyong dahon
tuyong dahon na handang ibaon sa lupa,
handang sigaan hanggang maging abo na lang,
kamusta ka? isang malaking tanong
masaya ka pa ba sa karangyaan na mayroon ka ngayon?
nakalimutan mo na atang maging tao?
maging tao o kahit man lang magpakatao?
o tumuring ng isang tao.
sa iyong pagtakbo ika'y madadapa
sa iyong pagsisid ika'y malulunod,
at sa iyong paglipad ika'y babagsak
kung gaano ka katulin mas masakit ang pagkadapa,
kung gaano ka kalalim mas mahirap maka-ahon pa
at kung gaano ka kataas mas masakit ang pagkabagsak
lahat ng bagay ay may kabaligtaran
baligtarin mo na ang mga bagay na dapat baligtarin
dahil mas mahirap ang iyong sasapitin
kapag di mo naagapan ang iyong tatahakin.
bato-bato sa langit ang matamaan ay pangit
Jasmin May 2020
Ano bang nais **** mabasa
Ano bang nais kong maitala
Marahil ito’y tungkol sa mga bulaklak
Mahalimuyak, wari pa’y simbolo ng galak
Maaari ring tungkol sa mga ulap
Tinitingala at hangad ay mayakap
O kaya naman ay sa mga paruparo
Susundan ng tingin saan man dumapo
Ilan lang ‘yan sa mga tuwinang paksa
Mga usaping purong halaga ang tinatamasa
Kumusta kaya ang mga pangkaraniwan
Ang mga patay na dahon sa putikan
Bisikleta ng ordinaryong mamamayan
Lapis na panulat ng pangalan ng napupusuan
Iyong madaling nabubura, hindi nahahalata
Kabilang sa mga madalang bigyan ng pansin
Mga bagay na sapat na ang isang tingin

Kumusta kayo?

Kumusta tayo?

Siguro’y nangingiti lulan ng duyan
Kalmado, mahinahon, malaya
Tago sa ingay ng karangyaan
Simple, payak... nawa.
MarieDee Dec 2019
Matingkalang lungkot ang iyong nadarama
Sa t'wing may kasama siyang iba
Tila nagpupuyos ang iyong damdamin
Nang ang mga mata niya'y sa iba nakatingin

Isa nang langit sa'yo ang siya'y makita
Dahil sa kanya'y hangang-hanga
Malalim na buntong-hininga ang iyong pinawalan
Sa t'wing siya'y daraan sa iyong harapan

Tila ikaw'y binubuhusan ng malamig
Sa t'wing magtatama ang inyong mga mata at siya'y mapatitig
Parang ikaw'y nabuhay  sa karangyaan
Dahil sa kakaibang gaan na iyong naramdaman

Ngunit hanggang kailan mo kaya ililihim
Na ikaw sa kanya'y may pagtingin
Hanggang kailan mo maitatago sa itinuring **** kabarkada't kapatid
Na ikaw sa kanya'y nahuhulog at umiibig

— The End —