Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
Eugene Dec 2015
Naalala ko noong tayong dalawa pa.
Ikaw at ako ay laging magkasama.
Magkahawak ang kamay at hindi nag-iisa.
Walang makakapaghiwalay dahil tayo ay iisa.

Kahit munting kubo lamang ang ating tahanan,
Puno naman ng pagmamahalan ang buong kabahayan.
Walang pag-iimbot, walang pinagdududahan.
Pagka't nasa gitna ang Diyos sa ating puso at isipan.

Aliw na aliw kang ako'y pagsilbihan, tinalikuran ang karangyaan,
Sumama sa akin sa kabukiran, at pinagsaluhan ang matamis na pag-iibigan.
Payapang namuhay malayo sa mapanghusgang mata at mapang-aping bayan.
Nagbungkal, nagtanim, nag-araro at nagdilig sa lupa upang gawing ating sakahan.

Ngunit malupit ang tadhana at tayo ay pinaghiwalay.
Ninakaw ang ating kabuhayan at ika'y nilapastanganan,
Ng mga hayok sa laman, pinagpiyestahan ang iyong katawan,
Hanggang sa dugo mo'y dumaloy sa tigang na lupa at ako'y iniwan.
Oh anong hapis ang sinapit ng aming bayan
Mula sa bagyong dito ay dumaan
Kapani-panibago ang tanawin saanman –
Ang bundok sa silangan at sa kanluran
Maging ang natatangi naming simbahan
At iba pang malalayong kabahayan
Ngayon ay tanaw na mula sa aming tahanan

Sapagkat mga puno ay kinalbo niya
Marami rin dito kanyang pinatumba
Mga poste ng kuryente ay kasama
Mga palayan ay naging dagat na
Ilog ay halos umapaw sa kalsada
Kahit malalaking bahay ay giniba
Ng sumpa nitong bagyong nagngangalang Yolanda!

-11/09/2013
(Dumarao)
*due to super typhoon Yolanda that hit our town
My Poem No. 232

— The End —