Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dhaye Margaux Oct 2016
Kung ikaw ay isang senador,  ano ang hakbang mo
Paano mo aalamin para malaman ang totoo
At kung alam mo na, isisiwalat mo ba ito
Kung ang madidiin ay isang kaibigan mo

Kung ikaw ay isang mambabatas,  ano kaya ang gagawin
Kapag nalaman ang totoo,  paano ito sasabihin
Kung ang kaibigan o pamilya ang siya namang madidiin
O patutunayan **** ang batas ay nababaluktot mandin

Kung ikaw ay isang mamahayag,  paano ka magsasalita
Doon ka ba sa totoo o kung saan ka may mahihita
Lalo na kung nais mo ring sumikat sa pagbabalita
Basta ba may narinig ka'y isisiwalat mo sa madla

Kung ikaw ay isang pari o kaya'y pastor ng simbahan
Ang puso mo ba ay malapit sa taong naghandog sa 'yong kawan
Utang na loob mo ba ang iyong isasaalang-alang
Dahil ang kawan na hawak mo ay kaniyang natulungan

Paano mo ihahayag kung ikaw ay isang ****
Sa mga kabataang sa harap mo'y nakaupo
Naghihintay ng liwanag,  ng dunong na isusubo
Kung ano ba ang nais mo sa kanila'y ituturo

Kung ikaw ang presidente,  makakaya mo bang lahat
Ang sugpuin ang problemang sa nuno pa natin nag-ugat
Ibababa mo na lang ba ang ngalan ng Pilipinas
Upang laging mayrong tulong sa ibang bansang ngayo'y sikat

Kung ikaw na karaniwang mamamayan na tulad ko
Nag-iisip,  nangangarap ng mabuti sa bayan mo
Ang makita sa 'sang sulyap, paniniwalaan ba ito
O pag-aaralang mabuti kung totoo ang narinig mo

Tayong lahat ay malaya,  malaya kang magpahayag
Malaya kang maniwala kung kanino ka mahahabag
Kung kanino magagalit, kung sino ang nililiyag
Ngunit isipin mo sana ang bukas ng ating mga anak.
Paano nga kaya?
dalampasigan08 Jun 2015
Minsan isang araw tayo’y magkikita

Mga ngiti’y mamamalas - sa pananabik ay lunas

Mga mata’y mangungusap na tila ba nangangarap

Tangan ang isang hiling - Pag-ibig yaring hanap.



Minsan isang araw tayo’y mag-uusap

Ihahayag ng puso - natatanging pagsuyo

Ibubulong sa hangin - aanurin sa baybayin

Paglingap at hangarin walang sawang sasambitin.



Minsan isang araw ika’y mayayakap

Ikukulong sa ‘king bisig, tila kalong ng ulap

Nanamnamin ang sandaling walang kasing sarap

Aangkinin ang ligayang wri’y abot alapaap.



Minsan isang araw ika’y mahahagkan

Kasabay ang damdaming pagsinta kailan pa man

Mga labi’y magniniig habang dinig yaring himig

Walang humpay itong minsan ‘pagka’t ika’y iniibig.

— The End —