Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
103115

Heto, bibilangin ko na naman ang araw,
Uno, dos, tres, at mapapahintong bigla sa ikaapat.
Hindi batid ang tamang oras
O hatian ng minuto't pag-istambay sa segundo,
Bagkus, iyon ang eksaktong araw.

Panahon na siguro para maisalta ang salita
Sa puso **** tila nakakahon pa't hindi pa malaya,
Sa pagbubukambibig ng itinabing damdamin,
Sa paglisan sa ipinaubaya **** pangakong
Minsang pinanghawakan ng pusong hindi pinagdamutan.

Kung pipili ako ng salita, baka maubos ito sa kawalan;
Gaya ng pagtampisaw ng bituin sa kalangitan.
Baka malusaw ito gaya ng yelong nakatiwangwang,
At masayang ang tubig na sana'y sagot sa uhaw.
O baka mapudpod gaya ng posporo,
Paulit-ulit na sinubok ng pagkakataon,
Bagkus hindi maisindi ang pag-ibig,
Kaya nanatiling walang pahiwatig.
At biglang itatapon, ikakahon ang natitirang damdamin,
Itatago, hanggang sa magkataong kailangan na talaga.

Panalangin ko'y magpalakas ka sa pananampalataya,
Wag **** lingunin ang nakaraan, at taglayin mo ang Liwanag.
Kung napapagal na'y, wag kang hihinto,
Bagkus, mas kumapit ka pa sa may mas mataas na pangako.

Narito ako't hindi tatalikod sayo,
Susuportahan ka kahit hindi mo makita ang pag-alalay.
Panalangin ko'y tapusin mo ang laban,
At mas masilayan ang kagintuan ng Haring Araw,
Wag kang mabubulag sa mukhang may ilaw.
Tingnan mo ang pawang mga kamay,
At wag matakot sa pagsuntok sa hangin,
Pagkat iilag ang sitwasyon,
Bagkus binibilang Niya ang lakas at determinasyon.
Mas ialay ang puso sa Kanya,
Higit pa para sa pag-ibig na inantala.

Hayaan **** makinig ang puso mo,
Pagkat nanalangin ang puso ko.
Kahit minsa'y kaylayo, kahit hindi ko madipa-dipa.
At sa paghihintay natin sa tamang panahon,
Kaya ko nang sambitin ang estado ng puso.
Hindi sa paghain ng mga letra sa pawang mga mata,
Na tila mananatili na lang sa papel na hindi nababasa.

Pag muling nagtagpo,
Ako mismo ang haharap sayo,
Pero tandaan **** baka wala akong masambit.
Hindi dahil mahina't naubos na ang lakas ng loob,
Bagkus, hindi ako makapapaniwala
Na ang oras ay tunay at eksakto para sa pagkikita.

Hindi ko mapipigil ang pagluha buhat sa saya,
Pagkat ang kabiyak ng pusong minsang nasugatan at hinulma'y
Kaya nang matitigan kahit hindi na magbilangan ng oras.
Mayayakap na hindi lang dahil sa pagmamahal,
Bagkus, pahiwatig sa pasasalamat na tunay ngang ikaw.

Pag-ibig Niya ang dahilan
Kung bakit patuloy na naghihintay,
At kung bakit patuloy kang ipinaglalaban,
Patuloy na ibinabatak sa Maykapal.

Sa Kanya ang papuri sa umusbong na damdamin,
Ang pag-ibig ko sayong patuloy na nananatili.
Oo, isinapuso ko ang pag-ibig ko sayo't
Pinili kong pillin ka, sa kabila nang tila magulong anggulo.

Ganoon ang pag-ibig ko,
Hindi mo masusukat, bagkus kaya Niyang higitan pa.
Kaya't hindi ako lumaban, pagka't mas iniibig ko rin Siya.
Hindi mo mababasa, pagkat Siya ang may katha.
At kung anuman ang nilalaman ng pusong may sagot,
Sana'y katimbang nito ang damdaming ipinaglalaban.

At kung kinaya nating magkanya-kanyang kasama Siya,
Mas kakayanin na nating magkaisa para rin sa Kanya.
At saka na natin sabay na ibabandera Kanyang Ngalan.
At pawang magiging patunay sa pag-ibig na nakapaghihintay.

Tila kayhirap bigkasin, kahit apat lamang ang kataga.
Mahal kita, sana makarating sayo,
Sa tamang panaho'y magpalitan nga ng kataga.
Sana ikaw ang unang magpatimbang sa Kanya,
Maniniwala akong makararating sa patutunguhan
Ang liham ng pusong may totoong damdamin.
Para sa taong pinagdarasal ko, maghihintay ako.
012517

Wag mo akong sanayin
Habang hawak mo ang mga kamay ko --
Mga kamay na tila hinulma para sa isa't isa
Mga kamay na alam kong ayaw nang bumitaw sayo.

Wag mo akong sanayin
Habang yakap mo ako --
Yakap na matagal kong ipinagkait sayo --
Dahil natakot ako
Natakot akong yun na ang una't huli.
Ilang beses akong tumanggi
Kasi alam ko ring hindi ko mapipigilan
Ang pag-agos ng luha sa nga mata ko.
Ayoko kasing ikaw yung sumalo
Sa pagal kong mga matang ilang beses nang nagpatalo.

Wag mo akong sanayin
Habang sinasabi mo ang mga salitang "mahal kita."
Pagkat sa bawat sambit mo, natatakot ang puso ko
Napupuno ako ng kaba
Na baka bumitaw ka na namang bigla.

Wag mo akong sanayin
Habang sumasandig ako sayo
Ilang beses na akong nagpaalam sayo
At hindi ko rin alam kung may babalikan pa ba ako.

Wag, baka masanay na ako
Masanay na lagi kang nandyan
Masanay na hindi ka bibitaw
Masanay sa pagmamahal mo
Masanay at muling **masayang ang lahat.
Pero kahit pa, masanay man ako o hindi. Bumitaw ka man ngayon o bukas. Kahit pa at kahit na, kasi alam kong pinili kita. Alam kong mahal kita. Alam kong totoong mahal kita. Kaya kahit sinasabi kong wag, sana yung isang wag ang tandaan mo: wag ka nang bibitaw pa.
041217

Hindi ko alam kung ilang beses ba nating
Pipiliting basahin ang mga palad ng bawat isa.
Na minsang inakala nating hinulma para sa isa't isa
Na minsang binigkas natin ang "mahal kita."

Marahil kaya tayo'y naudlot ng Tadhana noon
Di lang dahil hindi tayo handa
Pero dahil hindi natin makakayang tumayo sa kanya-kanyang pananampalataya.

Ilang beses kong ipinagdasal na

Bawiin ka na lang Niya ulit
Di kasi tayo nakalulugod sa Kanya
Parang wala na rin akong maharap sa Kanya.

At yung mga bagay-bagay na noon binitiwan ko na --
Ngayon, mas lalo lang lumala
Mas lalong di ako makawala
Kasi nagpapagamit tayo sa sariling kagustuhan.

Kung ganito ang pag-ibig,
Gusto ko na lamang huminto
Hindi kita sasarhan ng pinto
Talagang sa mga oras na ito'y hindi lang akma ang "tayo."

Magbibilang na naman tayo ng iilan pang mga araw
At buwan o panibagong taon na naman
Pero sana sa pagkakataong ito,

Hayaan na nating itama Niya na ang lahat.
06022021

Hayaan **** ilahad ng mga pahina ang misteryo ng nakalipas,
Ang mahikang bumabalot sa guhit ng mga palad
Na hinulma sa salamin ng liwanag,
Ang dugo ng kasaysayang naging pantatak ng kahapon, bukas at ngayon.

Ang pagsirit ng kandila sa lumalalim na gabi
Ay gaya ng pakikipagbuno ng kalangitan sa lumalagablab na araw.
Hindi man lamang napagod ang lumikha ng bahaghari,
Pagkat buhat sa simula hanggang dulo'y kaya nya itong pagmasdan --
Kaya nya itong sabayan hanggang sa pagtiklop ng mga ulap.

At gaya ng mga ibong malaya na walang humpay ang pagkampay patungo sa lilim,
Ay gayundin ang mga imahe ng putik na ginawaran ng damdamin.
Ang kanilang pakikipagsapalaran sa modernong makinarya ng paglusong at pag-ahon,
Na may dalisay na pagdinig sa lilim ng kapatawaran at kaligtasan.

Walang sinuman ang kayang kumitil sa mga paupos na kandila --
Silang ang pagluhod ay simbolo ng kalakasan at pagtitiwala.
Silang may dunong at sa bukal ng buhay ay may hiram na sandali.
Maliban na lang kung sya'y magpaubaya para lumisan nang walang paalam.
Ngunit kumatok man sila,
Ang huling habilin at pagsilip sa bintana sa hapag
Ay walang katiyakan pawang sa oras at magiging tahanan.

Di hamak na may kaalaman ang sining na paghinga ang naging buhay,
Kaysa sa mga yumuyukod na mga punong
Mayroong nalalagasan na mga pakpak sa bawat dapithapon.
Di gaya ng dagat na lumulunod sa sarili
Na hayag sa kalangitan ang pagkunot at paghinahon.

Ang pawis sa mga pisngi'y gaya ng mga butil ng perlas
Na higit pa sa mga ginto't dyamanteng ibinigkis para ikalakal.
Walang humpay ang pagkapa madatnan lamang ang liwanag
Sa iskinatang walang inihain kundi pait at karamdaman.

At katulad ng pagpapagal nito sa apoy upang mailimbag ang sarili'y
Kusang babalik ang mga ito sa hiningan ng sandali.
Kung saan wala nang ni isang mananatiling "misteryo,"
Kung saan lahad at hubad na ang lahat ng pagpapanggap.

At kung saan ang huling pahina ay pupunitin,
Ang himagsikan ay makikitil hindi nang panandalian lamang.
Magiging malaya ang pagpapaubaya ng mga kamay sa hangin,
Malaya ang mga pusong walang ibang nais kundi magpuri.
Arya Mar 2017
Isa akong makata. Na gustong magsulat ng mga bagay na kakaiba. Pawang ako lamang ang nalalanta. Sapagkat ang tula ko'y hinulma na.
elle Sep 26
sino nga ba satin ang uto-uto?
madaling naniwala sa tukso  
‘kay lambing at malumanay
subalit iyong mga pangako'y
hinulma sa matinik na katotohanan

sino nga ba satin ang uto-uto?
napaniwala sa pantasya
ng pagmamahalang
dapat na mapagpalaya

ako ba ang uto-uto?
isinumpa ng mga tendensiya
ng uring pinagmulan
isang kabalintunaan
sana’y mabalikwas
ngunit matigas ang aking ulo

ikaw ba ang uto-uto?
pero  
ikaw lamang ang makakasagot
sapagkat ito’y sulat sa hangin,
mga hinanakit at
sumpa na di makakaabot
sa iyo

ako yata ang uto-uto
napaniwala sa iyong
malalambing na tukso
dahil kahit ako'y nabudol
ng isang pagmamahalang mapagtaksil
ika’y hindi
mabitaw-bitawan
di ko alam kung sapat na sakin ang ganito dahil gusto ko pa maramdaman ang iyong mga kamay sa aking mga pisngi
050220

Nagbibilang ako ng mga pahinang
Ni minsa’y hindi ko binura
Ni minsan, hindi ko binasura.
Hinuhulma ko pa rin ang aking mga kamay sa buwan
Na sa tuwing pinagmamasdan ko siya’y
Sumasagi sa’king isip ang unang tulang
Binigkas ko sayo nang biglaan.

At habang pinagmamasdan ko ang aking mga palad,
Ay kumukunot maging ang aking mga kilay
Kasabay ng kumot sa gabi sa bawat paghikbi.
Hinulma pa rin ba ang mga palad para sa isa’t isa?
O ang minsang nagpahinga’y
Bawal na rin bang bumalik para magsimulang muli?

Nauutal ako —
Sa tuwing sinisigaw ko saking isip ang pangalan mo
Ang bawat letrang dahan-dahan kong sinusulat
Sa aking alaala, saksi ang pintig ng pusong may pangamba.

Nasisilaw ako —
Na sa bawat pagpikit ko’y
Tila suntok ka sa buwan kung makakamtan muli.
Nasisilaw ako —
Sa tuwing hinihiling kong pagbuksan
Ang puso **** kinakatok at niluluhod sa panalangin.

— The End —