Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gat-Usig Oct 2013
Mahal ko ang Filipino, pagdiriwa’y walang plano
Malaking palaisipan pag-alala ng gobyerno
Samantalang ‘di naisip prayoridad wala rito,
Pagpapayaman sa Ingles hindi na magkandatuto.

Paggunita anong saysay, pagsasabuhay sa wikà
Makakapagpamulat ba lalo na sa mag-aaral;
Pagsambit sa mga ito maging sa mga parangal,
Ito ba’y nakagugulat isang buwang itinakdà.

Totoo namang ginamit sa pakipagtalastasan
Filipino’y instrumento sadyang hindi matumbasan;
Kahit na karamihan pa napagkakamalang Kanô
Pakikinig sa istasyong bumibilib na napunô.

Ang tanong sa puntong ito, napapayaman ba kayâ?
Sa mga naging konteksto, ang masa ba’y nakukutyâ?
Sa mga nakakarinig, nahalua’y kabaduyan
Maging mga komentaryo, kalaswaa’y kinantsawan.

Kung bastos ang naging dating, anong magiging termino?
Ang mga dapat ilimbag sa papel ng mga dyaryo;
Sa pagbibigay ng aliw,ito’y pulos kababawan
Inisip ng mamamayan, may ganitong katangian.  

Kapuri-puri ang iba, may mahahalgang paksà
Ito’y kinakikitaan na may seryosong diskurso;
Sa kabilang banda pala, ito’y nawalan ng bisà,
Tulog na ‘pag pinalabas, ito’y kadalasang kaso.

Paano papaunlarin kung iba’y pinagpilitan
Tunay na nakalulungkot ito’y naging panambitan;
Sa halip pa ngang gamitin bilang makatwirang midyum,
Sa mga usap-usapan, maging sa mga simposyum.

Ang pagpapaunlad nito ay hindi sa balarila
Hanggang sa pag-uunawa pati ng ortograpiya;
Kinailangang mawala ang mga maling pananaw,
Ito’y nangangahulugang pagkilatis ‘di papanaw.


Ang natanging lingua franca nagbibigay identidad
Sambayanang sumasambit pagka- Pinoy lumalantad;
Sa bansa’y nagbigay-linaw, paggamit ng isang wikà,
Kaysa sa salitang- dayo, nagturan ng hakahakà.

Oo, Agosto na naman, dapat pa bang magkamayan?
Wika nati’y maging ilaw siyang magsisilbing lakas,
Juan, gumising ka naman, kamtan mo’y tuwid na landas;
Kung hindi tayo kikilos, mayroong paglalamayan.
Katarungan nasa'n? Inapakan, dinuraan
Ng mga taong niluklok para paglingkuran
'Tong bayan nating lubog, at dugoan
Magkano? Sanlibong baryang dinumihan

Libong buhay ang tinapos, musmos, at mga naghihikahos
Mga nanay na nawalan ng anak, mga batang di pa tapos
Droga? Talaga ba? Ang sabi mo ay kayang-kaya?
Tatay Digs, pano na? Bat biglang 'di pala kaya?

Sanlibong tanong sa bawat buhay na binawi
Diyos-diyosang maitim ang budhi
Bata, matanda, babae, estudyante
Nanlaban daw, kaya niyaring nakatali

Bayan kong minamahal, dito na lamang ba?
Naka duct tape ang mukha ni inang hustisya
May dyaryo, at may nakapaskil na larawang
'WALANG HUSTISYA, WAG TULARAN'
082021

Mas malalim pa ang gabi
Kaysa sa aking mga matang alikabok ang tinta.
Ang mga kulisap at kuliglig
Ay nagtatagisan ng mga boses
At sabay-sabay na nakikipagtalastasan
Kung kanino ba papanig
Ang buwang hugis pamato sa larong kalye.

Sinasabi nilang ang aming lugar ay dating liblib
Noong panahon pa ng mga Hapones.
Kaya’t nagbakasali akong
Kaya ko silang paniwalaan
Pagkat ni minsa’y hindi naman ako
Nakapagpantig ng mga salitang
Nakakahon sa iisang pangungusap.

Natatandaan ko pa ngang
Sa tuwing tumatanghod ako
Sa aming bintana sa umaga’y
Sabay ding magsisiingay ang nagtitinda ng taho
At nambabato ng dyaryo
Patungo sa aming pintuan.

Si Inay ay gagayak para sa bagong balita,
Habang ako’y gagayahin ang sigaw ni Manong
At titikim ng paborito kong agahan at panghimagas.

Habang sya’y papalapit
Ay kusang malalagas
Ang mga pakpak ng kanyang tsinelas
At kanyang ilalapag ang papel na inilimbag daw
Sa pabrika ng kanyang kaklase noon
Na anak-mayaman.

Sa isip ko’y nais ko sanang masiyasat rin
Ang mga letrang nakatambad sa aking harapan
At bigyang buhay ang mga papel
At baka sakaling,
Maging bihasa rin ako gaya ng iba.

Kung sabagay, ang lahat naman ng aking mithiin
Ay kusang maglalaho
Kasabay ng aking mga panagip.
Ang lahat naman ng nasisinagan ng apoy
Ay maya-maya ring magpapalamon
At magpapaubaya
Sa kadilimang bunsod ng panahong
May paulit-ulit na panimula’t katapusan.

Sabagay, ang lahat nama’y
Magmimistulang pandagdag lasa na lamang
Sa nanlilomos na alab at nagmimitsang pagpapaalam.

Naubos na ang bawat pahina
Ngunit di ko man lamang nagawang simulan
Ang pangangalap kung nasaan na ba si Itay.
Saan nga ba ang aming magiging tagpuan?
Saan at kailan nga ba ang hangin
Ang mismong sasabay sa aking paghikbi nang walang katapusan?

— The End —