Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Random Guy Oct 2019
Ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

High school.

Magkaibigan tayo noon.
Nagsasabihan ng problema, umiiyak sa isa't isa.
Kabisado mo ako, at kabisado na rin kita.
Tantya ko ang birong magpapatawa sayo at tantya ko rin naman ang tamang kiliti upang mawala ang galit mo.

Nakahanap tayo sa isa't isa ng kanlungan at hingahan sa nakakasulasok na mundo.

Lumapit at patuloy pang napalapit ang loob ko sa'yo, at ikaw sa akin. Hindi ko na rin namalayan na mahal na pala kita. Taguan ng nararamdaman ang nilaro natin ng ilang buwan. Totoo, laking gulat ko rin sa sarili ko kung paano ako nahulog sa'yo. Dahil ang katulad mo ay isang dyosa na hindi ko dapat lapitan, hagkan, o kahit hawakan man lang. Hanggang ang simpleng tingin ay naging mga titig, mga haplos lang dapat sa kamay ay naging mga kapit, at magkatabi lamang ngunit iba ang dikit.

Napuno ang puso ko ng pagmamahal at umabot na ito sa pagsabog. Naglahad ng nararamdaman, nagbabakasakaling pareho ang 'yong nadarama.

Pero mas laking gulat ko nang sabihin **** mahal mo rin ako. At isa 'yon sa pinaka masayang araw ng buhay ko.

Simula noon ay araw araw nang hawak ang iyong kamay, inaamoy ang iyong buhok, nagpapalitan ng mga mensahe, kinakantahan; ginagawa ang lahat upang mapakita lang sayo.. na mahal kita. Pero higit sa mga pinakita natin sa isa't isa ay mas tumimbang ang mga hindi natin pinakita ngunit pinadama.

Hawak ko ang buwan at ang mga bituin kapag kasama kita ngunit bakit ba kapag tayo'y masaya ay talagang lungkot ang susunod.

Nalaman ng mga magulang mo kung ano ang meron tayo. Hindi ko noon inasahan na ang mga susunod na mga linggo at buwan ay ang pinaka madilim na parte ng buhay ko. Dahil ang kwento natin ay binuo sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

Papasok ka sa eskwela ng mapula ang mata at may pasa sa braso. Ngunit ang mas pumapatay sa akin ay ang ngiti sa labi mo. Mga ngiting hindi ko masabing peke dahil totoo. Dahil ba masaya kang makita ako kahit na ang sakit na nararamdaman mo ay dahil sa pagmamahal ko? Hindi nanlamig ang pagmamahal natin dahil sa kung ano mang ginawa natin sa loob ng relasyon. Kundi ang lamig ng pataw ng galit ng mas nakatatanda sa atin. At ang mas masakit ay hindi pa natin kayang lumaban.

Ang hindi mo alam ay walang lumipas na araw na hindi rin ako umiyak sa harap ng ating mga kaibigan, sa harap ng salamin, sa harap ng isang ****, sa harap ng mga matang nangungusap at ang sabi ay...

"may isang pagmamahalan na naman ang namatay."

Pinatay sa gitna ng saya, pinatay sa gitna ng ligaya, pinatay sa gitna ng magandang paglago.

Pinatay tayo ng tadhana. Pinatay tayo ng mga taong walang tiwala. Pinatay tayo ng mga taong ang  tingin sa atin ay mga isip-bata. Oo, tayo'y mga bata pa noon ngunit alam ko, alam ko na ang pag-ibig na 'yon ay totoo.

Nagsimula ka ng hindi pumasok sa eskwela. At kung ilang oras kitang hindi nakita sa iyong upuan ay ganon ding haba ng oras ng aking pagiyak sa likod ng silid. Sinisisi ang sarili sa kung bakit ganito at bakit ganyan. Bakit ganito ang tadhana? Bakit ganyan ang pag-ibig? At makikita nila sa mga luha ko na lumuluha na rin ito dahil sa patuloy na pagpatak, bagsak sa kahoy na upuan. At mas lalong bumabagsak ang luha ko dahil hindi ko alam kung anong nangyayari sayo. Sinasaktan ka ba? Umiiyak ka rin ba? Mahal mo pa ba ako? Kung pwede lang hugasan ng luha ang mga tanong ay kakayanin, dahil sa dami ay kayang anurin ang mga ito.

Ilang linggo pa ay hindi na tayo nakapag usap, pumapasok ka ngunit ang kaya lang nating gawin ay maghawak ng kamay. Dahil kalakip ng mga salita ay patak ng luha. Kaya tinakpan natin lahat ng ito ng hawak sa kamay, patong ng ulo sa balikat, yakap. At hindi ko inasahan na huli na pala 'yon. Dahil tapos na ang taong 2011-2012 ng eskwela. At hindi na kita nakita; ni anino, ni bagong larawan mo, sa loob ng maraming taon.

Ang meron lang ako ay ang manila paper na binigay mo sa kaibigan natin para ibigay sa akin. Na nagpaisip sa akin na sana, sana man lang ay nakita kita bago mo inabot ang pinaka mahabang mensahe na nabasa ko, mula sa pagiibigang pinilit na pinapatay.

Pagkatapos ng mga tagpong iyon, nalaman kong lilipat ka na ng eskwela sa susunod na taon. At parang 'yon na ang nagpa manhid sa pusong meron ako noon. O kung meron pa ba ako non noon. Dahil sa ilang linggo at buwan ng pinaka madilim na parte ng buhay ko ay unti-unti na pala itong nabasag, nawala, at nadurog.

Ilang taon rin bago ito nabuo o nabuo nga ba talaga ito. Ilang taon din akong nagmahal ng walang puso, dahil utak ang ginamit ko. Doon ko nasabi na ang pagmamahal ko sayo ay ang unang pagmamahal ko sa una kong puso.

Ilang taon akong nagpagaling, nakahanap ng kanlungan sa iba, kasayahan, kakumpletuhan, kabuuan.

Sa likod ng aking isip ang tanong na, "Nasaan na kaya s'ya?"

Hindi naaalis sa mga inuman ng barkada ang mga tanong na, "Saan na s'ya? Nakita mo na ba 'yon ulit?" Alam kong ramdam din nila, na kahit ano ang isagot ko ay may marka 'yon sa puso ko.

"Nakita ko s'ya sa Fatima ah."

"Nakakasalubong ko 'yon ah."

At kahit ilan pang pahapyaw ng mga tropa ang magpaalala ng ikaw ay may sakit pa rin. Kahit hindi ko ipakita, ramdam.

Walong taon.

Walong taon ang lumipas ng muli tayong magusap.
Kamusta?
Maayos naman,
Ikaw?
Okay lang din.

At para bang binalot muli ang puso ko ng muling pagkawasak mula noong umpisa.

At tila ba hindi pa pala natapos ang istorya natin sa nakalipas na walong taon, hindi pa pala namatay ang 2012 na bersyon ng mga sarili natin.

Nagusap tayo. Pero 'yon pala ang mali natin. Na kaya pala hindi na tayo nagusap hanggang sa mga huling sandali ng pagkikita natin ay alam nating ang mga salita ay katumbas ng luha, at ang mga salita ay katumbas ng sakit, at ang mga salita ay katumbas ng muling pagwawakas.

Apat na libo tatlong daan at walumput tatlong milya ang layo natin sa isa't isa. Muli, ang parte ng kwentong ito ay nabuo na naman sa gitna ng maling sitwasyon at maling pagkakataon.

At ang pinaka masakit sa lahat at ang punit sa kwento nating dalawa ay meron na akong iba. Dahil alam kong hindi kita nahintay, at sana malaman **** hindi ka rin naman nagparamdam. Ang kwento nating dalawa ay masyadong naging komplikado dahil sa iba't ibang kamalian ng sitwasyon at pagkakataon.

At alam kong sa pagkakataon na ito ay hindi na dapat natin ito sisihin, dahil ang kamalian ay nasa atin nang dalawa. Kung paanong naging sobrang huli na pala, o sobrang aga pa pala.

Ang kwento nating dalawa ay maaaring dito na matatapos ngunit ayoko naman ding magsalita ng tapos, kagaya ng nangyari matapos ang walong taon, biglang nabuksan ang kwento. At hindi ko alam kung ilang taon ulit, o talagang tapos na.

Pero kagaya nga ng sabi mo, ito ang ang paborito **** kwento sa lahat, at oo, ako rin. Ang kwentong ito ay magsasalin salin pa sa inuman, sa kwentuhan, sa simpleng halinghingan, kwentong bayan; na may isang lalaki at babae na nagmahalan kahit pa pinilit itong patayin at makipag patayan. Isang kwentong puno ng kawasakan, at patuloy na pinaglaruan ng tadhana. Tapos na nga ba ang pahina? Muli, kagaya ng nakalipas na walong taon, ang sagot ay oo. Ngunit ang kwento ay buhay pa, at patuloy na mabubuhay pa sa puso ko.
giggletoes
cleann98 Mar 2019
Hindi biro ang apat na taong ibinuhos sa iisang paaralan. Lalo na kung sa halos bawat pumapanaw na araw sa apatnapung buwan ay iisa lang ang itinatahanan ko't parang nakakulong pa sa iisang bahay sa tuktok ng iisang bundok.

Hindi birong sa haba pa lang ng apat na taon naging lipunan ko na ang Regional Science High School III. Tahanan. Mundo.

Hindi rin biro na sa pagbukhang liwayway sa akin ng ikalimang taon ay saka pa nagbago ang ikot ng mundo ko.

Sabi ng isang dating sikat na makatang si William Shakespeare noon na ang buong daigdig natin ay tila isang tanghalan at lahat ng lalaki't babae dito ay mistulang mga manananghal lamang. Sila'y umaalis at lumalahok ng walang pasinaya, madalas wala ring paalam...

Totoo nga, pabara-bara lang.

Bago ko pa man namalayan naging dayuhan agad ako sa sarili kong tahanan. Sa unang pagkakataon matapos ng apat na taon na umalis ang mga ilaw at tala na nakasanayan kong tingalain, pagmasdan, nakabibigla.

O baka matagal lang kasi talaga akong malapit sa gitna bago ko naranasang maitulak sa bandang dulo.

Sa tuwing itinatanong sa akin ng mga kaibigan ko sa Junior High School kung ano ang masasabi ko sa nakaraang dalawang taon ko sa RS bilang mag-aaral sa Senior High School; madalas sinasabi ko lang ay nakabibigla. Para akong namalinguyngóy sa wika na halos buong buhay ko nang sinasalita.

Lalong lalo na dahil palagi pang ipinaaalala sa akin ng mga taong nasa paligid ko na matagal na dapat akong umalis sa paaralan na ito. Ang pagpili ko sa STEM education o Science, Technology, Engineering, at Mathematics strand sa Akademikong trak ay isang pagkakamali at aminado ako dito. Kung tutuusin hindi talaga biro na ako ang tunay na 'alien' sa SHS ng RSHS.

Kaya mahirap ang Calculus at Physics at Chemistry para sa akin. Hindi ko ipagkakaila. Mahirap ring makitungo sa mga tipon-tipon ng mga nagsisikap maging bihasa sa larangan ng medisina kung ang gusto ko lang naman ay maging bihasa sa pisara. Higit din sa minsan ay nakahihiya na rin ipaliwanag pa kung bakit hindi ako nagtataas ng kamay tuwing tinatanong kung sino ang nangangarap maging doktor sa kinabukasan. Uulitin ko, nakahihiya.

Nakababalinguyngóy patagal ng patagal, habang lalong nagiging dayuhan ako sa paaralan na ito... Umabot ako ng hanggang ikalabindalawang baitang bago mapansin na masyado nang malaki ang distansya ko sa mga bagong bituin na dapat nasa paligid ko pa rin.

Maging tapat lang din, nakahahanga talaga ang pagniningning nila. Ang mga kaklase ko, bihira ko lang pinupuri pero tunay ang hiwaga nila, kahit sa mata ko lang.

Oo, dati inisip ko rin na habulin ko ang mga sinag ng aking mga kamagaral, pero kung nasaan ako ngayon, siguro nga mas pipiliin ko na ang kinalalagyan ko.

Itinanong na rin sa akin dati ng isa kong kaibigan ito, may advantage ba talaga ang pagpili ko na magaral sa STEM ng RSHS?

Ngayon, sobrang dali ko lang masasabi na kahit wala ako sa gitna ng mga tala napagmasdan ko naman ang mas malaking kalawakan. Kaya sobra rin, may isang napakalaking nagawa sa akin ng SHS ng lipunan ko.

Sabi nga ng mga Astrologo, pinakamalinaw na mapagmamasdan ang kalangitan mula sa pinakamadilim na kapaligiran; at yun ang kinalalagyan ko ngayon. Gaya ng nasa larawan ng isang concert kung saan nasa dulo ako ng coliseum ay nakita ko ang pinakamagandang view na hinding hindi ko makikita kung nasa gitna lamang ako at malapit sa pinakamasinag na hiwaga na meron. Tanging sa gilid lang, kung saan halos wala na akong makita sa inaapakan ko, doon ko lang nakita kung gaano karikit ang dami ng mga ilaw na hindi ko pa naisip lingunin noon.

Saka ko lang napagalaman na mayroon pa palang ningning na malilingon ko sa larangan ng pagsulat ng lathalain. Paniguradong kung hindi ko sinubukan muli na lumaban sa presscon nitong taon hindi ko na ulit mararanasan ang journalism, muntik na akong hindi makalaban sa DSPC at lumaban sa RSPC. Muntik ko nang hindi makilala si Rizzaine at ang ibang mga naging kaibigan ko sa laban na ito. Siguro nga hindi ko rin makakahalubilo ang mga naging kasamahan ko sa the Eagle at ang Sanghaya kung hindi dito.

Hindi ko rin inasahan na mapapalapit ako sa kislap na tanging sa SDRRM at Red Cross Youth ko lamang mararanasan. Nakakapagpabagabag. Matagal na akong lider pero hindi kahit kailan pa man ay nasagi na sa isip ko na mangunguna ako sa isang napakalaking lipunan  na kasing gulo at kasing dehado ng katipunan na iyon. At higit pa rito ay sino ba naman ang magaakala na sasabihin kong naging isang malaki at masayang bahagi ng SHS ko ang ubod ng labong pangkat na ito.

Ang mga kaibigan ko pa. Mga parol sa madalim na sansinukob na hindi ko magawang talikuran at hindi ko rin kayang masyadong malayuan.

Mahirap silang isa-isahin pero silang mga bituin na natulak rin palayo sa gitna ng mundo namin, para silang Polaris, na naging pahayag ng daanan tatahakin ko sa karimlang katakot-takot lakaran. Alam ko na lalayo at lalayo pa sila habang patuloy na lumalaki at lumalaki ang kalawakan ko pero ang hiwaga ng ilaw nila, yun ang hiwaga na hindi mawawala sa mundo ko.

Mahirap maligaw sa tahanang kay tagal-tagal mo nang ginawang mundo. Mahirap madapa sa daanang ilang taon mo nang nilalakad. Nakababahala. Nakababaliw. Nakababalinguyngóy. Pero ang sukdulan lang ng karanasan ko ay gaya lang ng isang simpleng kasabihan 'we do not go there for the hike, we go there for the view.' at tunay nga, sobrang ganda ng tanawin sa gilid ng pagiging estudyante ng SHS.
Sikretong liham , para sayo ginoo
Maaring hindi mabasa ngunit sana’y pahintulutan mo
May mga salita lamang na hindi na maririnig ng iyong puso
Sa mga nakaraang araw , buwan o taon
Ngunit sa pamamagitan nitong tula ko
Ay mag silbing liham para sayo

Nagagalak ang puso
Sa mga ngiti mo
Sa bawat pag tawa at pang aasar na pabiro
Kung paano mo e kuwento mga plano sa buhay
At pagpapakita kung sino ka nga ba talaga ang ginoong nasa harapan ko

Nais ko sanang malaman mo
Na naging laman ka ng mga panalangin ko
Na sa pag pasok mo sa mundo ko
Ay mananatili ka na dito
Dahil isa ka na ginoo ,
Sa kumumpleto ng unang taon ko

Naiisip ko parin mga tawa at ngiti mo
Sa mga birong nag patawa
Sa malungkot kong mundo
Sayang lamang at hindi ko nasuklian iyon
Ngunit sanay ngumiti ka parin
Dahil para saakin bagay iyon
Sa makulay **** mundo

Mga larawang ibinigay
Maraming salamat sa puso ****
Walang kapantay
Sa pag sama sa dahan dahang pag sayaw
Habang pag sabay sa iyong mahusay na pag kanta
At pag yakap ng mahigpit noong ako’y hinang hina

Ginoo , panalangin ko sa taas
Na sa pag bangga nating mga landas
Ay masaya at naka ngiti ka ng wagas
Dahil iyon lamang ang panalangin kong
Para sayo ay sana matupad
Hanggang sa muli , ginoo
Ang liham na sayo’y iaabot
Dito na lamang
Taltoy Dec 2017
Ako'y nagulantang sa birong binitawan,
Mga katagang hindi ko inaasahan,
Mga katagang, "kung pwede tayo nalang",
Mga katagang sinabi mo ng pabalang.

Dalawang magkasunod na gabing ika'y nakausap,
Ano pa bang hihingin ko sa mga ulap,
Ano pa bang biyaya ang aking makakalap,
Ano pa bang kasiyahan ang aking mahahanap.

Dalawang gabing nakatulog ako ng maligaya,
Dalawang gabing ngiti ang dala sa aking mukha,
Dalawang gabing kahit biro lang ang laman,
Dulot ay ligayang di mapapantayan.

— The End —