Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik May 2024
Una
Pumarini at kinutaw ang kalma
Ng tubig na sa sariling mundo ay abala
At nang magulo ay bumaha
Sa emosyong hindi maapula

Waring nagtatambol ang dibdib
At ang isip ay nagtatalo kung panaginip
Sumasayaw sa gitna ng init
Habang nalulumos sa bagyong nagngingitngit

Sa libro na kabanata ay wala
Unang pahina ay nagawa
Mga pangyayari ay naitala
At ikaw ang unang nakatala

Ngunit kung gaano dumating
Ay ganon din kabilis na nawala
Waring kidlat na gumihit sa katha
Hanggang ngayon ako'y nananaginip pa kaya?
JGA-
Pusang Tahimik Mar 2023
Dumating ka sa araw na di ko inaasahan
Waring bagyong malakas na dumaraan
Ang lahat sa akin ay dinadaanan
At walang bakas na hindi mo iniwanan

Sayo lamang ako nag bukas ng aklat
At pinakita ang aking mga sinulat
Ikaw na yata ang maglalagay ng pamagat
At mag tutuldok pagkatapos ng lahat

Sana'y hindi kana umalis
Sawa na akong mag walis
Nang kalat sa tuwing naiinis
Kapag ako'y naghihinagpis

Kaya sa aking bagyong natagpuan
Buhumos ka ng walang katapusan
Lunurin mo ako ng tuluyan
Sa desyertong mundong kinagisnan
JGA
Pusang Tahimik Feb 2023
Dumating na nga at ako ang nagwagi
Sa larong alam kong ako ang masasawi
Kaya nama'y tuluyang ikukulong at itatali
At tuluyang ako ang sa inyo'y maghahari

Wala nang dapat pang pag-usapan
Ako ang wagi sa tunggalian
Itatago ko na kayo sa kailaliman
Sa madilim at malungkot na kadiliman

Yayakapin ang ginaw sa taglamig
At papatayin ang apoy ng tubig
Wala nang lambing mula sa bibig
At papatayin ko na ang pag-ibig
JGA
Pusang Tahimik Feb 2023
Tila ba nagdurusa sa bawat sandaling hindi ka masilayan
Ang marinig ka lamang ay tiyak na kaginhawaan
Tila ba nais mo na ako'y pahirapan
At tuluyang hanap-hanapin ka ng lubusan

Wala nang anopang maitatanggi
Aamining kailangan na kita lagi
Nasasawi sa bawat wala ka sandali
Mahal na yata kita palagi

Palaging di nauubusan ng dahilan
Na gumawa ng kahit anong paraan
Kahit pa masaktan ng tuluyan
Ang hangal na pusong puno ng kalungkutan
JGA
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa salamin may pinapahid sa pisngi si Maya
Mga palamuting umaaliw sa paningin ng iba
Paglipas ng sandali'y anyo nga ay nag-iba
Ngunit katotohanan ay di maitatago sa likod ng maskara

May isang taong buong buhay ay naghukay
Inapakan ang lahat upang marating ang tagumpay
Ngunit hininga niya'y napagod na sa kahihintay
Sa huli, siya itong naghukay para sa sariling bangkay

Ngayong araw ay kaawaran ko na
May mga pagkatok, heto't bubuksan ko na
Pagbukas ko'y mga pagbati't regalo ang dala-dala
Sa pag talikod ko'y itak na ang naka-amba

Sino nga ba itong nagkukubli sa pangalan ng iba
At tila ba nagtatago sa mundong alam niya
May nais nga ba siyang ilihim sa paningin ng iba
At patakas na nagtatago sa larawan ng iba?

Ito'y ilang halimbawa na aking nabanggit
Tila nakamamatay na sakit, tulad ng inggit
Na anyo ng bawat isa na kanya-kanyang bit-bit
Na mga Pagkatao'ng tiyak na walang nagpapahigit.
JGA
Pusang Tahimik Jan 2023
?
Damdaming walang katumbas na salita
Maging sa diksyonaryo'y di ko makita
Waring humahagilap ng mga kataga
Na aangkop sa ginagawa kong tula

Ang isip ay nagtatalo at nagwawala
Ang bawat isa'y nais makawala
Aking gagapusin ng mga tanikala
Mga anyo na ako rin ang gumawa

Sapagkat hindi nga sila kayang patayin
Waring mga aninong di na kayang alisin
At sa pagdaay pinipilit ko na lamang mahalin
Kahit na taliwas pa ang aming adhikain
JGA
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa bawat pag lipas ng taon
Ako'y tila naiiwan ng panahon
Ngiti ang sagot sa bawat tanong
Ngunit hindi ang siya ko ngang tugon

Tanong na tila humahamon sa katauhan ko'ng malamya
Tanong na malalim ang mga kataga
Tanong na iniiwasan ko'ng tumaga
Sa pusong takot nang muli pang mapiga

Takot lang ako na baka meron akong masaktan
Ang siya ko'ng laging sagot at dahilan
Ngunit ako nga ba'y tumatakbo lamang mula sa nakaraan
At ang totoo ako'y takot na muli nang masaktan?

Hindi hindi.
Sadyang ako'y iba lamang mag-isip
Hindi puso ang umiiral kundi lagi ang isip
Sapagkat ako'y pagod na sa mga panaginip
-JGA
Next page