Nagsisimula na namang lumamig
ang dampi ng hangin sa aking pisngi,
Parating na ang panahon ng Kapaskuhan
na taun-taong ating hinihintay at tinatangi.
Palagi ko’ng hinihintay ang Disyembre
para sa kasiyahang dala ng Pasko,
Ngunit sa isang banda ri’y
pinangangambahan ko ito.
Dahil tuwing Pasko ay may kakambal na lungkot din
ako’ng nadarama sapagkat naiisip kita,
At natatandaan ko pa ang mga huling sinabi natin
sa isa’t isa nang huli tayong magkita.
Pinaghaharian tayo ng poot at panunumbat noon
kaya’t nabalot ng pait ang ating mga salita;
hindi natin napagtanto na minsan isang kahapon
marubdob nati’ng minahal ang isa’t isa.
At hindi ko mapagtanto kung bakit
tuwing magpa-Pasko, ito ang aking naaalala—
Marahil sa aking kaluluwa’y may panghihinayang pa rin
na ang malamig na hangin ang siyang nagpupunla.
*(c) emeraldine087