Hindi mo mapapatahimik ang mga kumakalam na sikmura
Ang mga sumisigaw para sa pagbabago,
para sa katarungan
para sa ating mga karapatan
Maari **** busalan ang kanilang mga bibig,
magpanggap na wala kang naririnig
O piringan ang kanilang mga mata,
magbulag-bulagan sa katotohanan na sa bawat karapatan na patuloy kinikitil at niyayapakan,
baka sa’yo na ang susunod
Pero sabi mo, ‘bakit pa ako makikisali, hindi naman ako apektado’
o ‘bakit ba sila nanggugulo, wala namang magandang nadudulot ‘to’
Hindi ka sumasama sa laban,
dahil ngayon hindi pa ikaw ang nasa loob ng rehas kahit walang kasalanan
Hindi pa ikaw ang sapilitang hinuhuli at tinatadyakan sa daan
dahil lamang pinaglalaban mo ang iyong kabuhayan
Hindi pa ikaw ang nakahandusay sa daan, duguan
dahil lang napagkamalan
Hindi pa
Pero baka malapit na
Hihintayin mo pa ba?