Sariwa pa sa aking gunita,
ang unang araw na ikaw ay aking masilayan.
Mga sandaling kung saan ikaw ay pinangarap na habang buhay kong paghahandugan.
Naaaninag ko pa rin ang iyong pagngiting kaakit-akit,
na lalong nagpapasingkit sa iyong mga mata.
Kung saan sa kabilang banda'y munting lungkot ang nanahan niring puso.
Pagkat di tiyak kong sa susunod na bukang-liwayway ay magiging dahilan ba ako sa iyong saya.
Ramdam ko pa rin ang kabog ng aking dibdib,
na tila ay sumasaliw sa yapak mo sa tuwing ikaw ay dadaan.
Habang ikaw ay maamong naglalakad,
Pinapangarap ko nama'y balang araw magkahawak ang ating mga kamay sa bawat paghakbang.
O kay sayang balikan ang mga gunita,
Kung saan nakikita ko ang iyong nakakabighaning wangis sa mga bituin ng sangkalangitan.
Mga panahong hinihiling kong nawa'y makapiling ka kahit sa panaginip lamang.
Minsan rin na sinasamo ko sa Poong Maykapal,
na harinawa'y pagtatagpuin ang ating mga landas.
At doon ay aking ipapabatid ang mga damdaming sa panulat ko lamang naipahayag.
© RL Canoy |November, 2020 |