Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karl Gerald Saul Mar 2020
ARMAS MO'Y PANALANGIN.

Bago natin hangarin ang pansarili hiling,
Hingin na bawat isa'y makabangon at gumaling;
Sa gabay Nya, walang maiiwang nakabitin
Pagkat ang DIYOS ay mas higit pa sa bituin.

Mataimtim na dasal ang mainam na gawin.
Isuko sa kanya ang lahat ng masamang gawain;
Talikuran at wag na nating ulit-ulitin
Ang Kanyang utos ay di dapat balewalain

Normal lang matakot, pananalig mo'y wag hawiin
Boung pusong pananampalataya - Sya'y purihin;
Huminahon at sa kanya tayo'y manalangin
Handa syang makinig, naghihintay lamang sa'atin.

Simpleng pagsubok lamang ito kung tutuusin
Kung sa kanya ang tiwala mo'y hindi bitin;
May dumating mang hadlang at ika'y sirain
Itanim sa isipan - armas mo'y panalangin.
Wretched Jul 2015
Madasalin akong tao.
Pagmulat pa lang ng aking mga mata
sa aking unang hinga,
sa pagbuka ng aking mga bibig,
ngalan Niya na ang unang lumalabas,
ngalan Niya na ang aking binibigkas.
Sa bawat umagang gumising ako
na wala ka sa'king tabi,
mas lumalakas ang aking mga dasal.
Umaalingawngaw sa apat na sulok
ng aking silid ang iyong mga alaala.
Yung tipong aabutin ng ilang
dekada bago aking
malimutan ang tinig ng iyong
mahihinhing mga salita.
Ako'y madasaling tao.
Sa ilang beses ko ng
Isinigaw sa langit ang iyong mga
ginawa para mapamahal ka sakin
bakit tila aking pakiramdam
hindi Niya ako naririnig?
Sa ilang beses kong hiniling
na makasama ka,
sa bawat araw na nasa isipan kita,
kulang pa ang mga senyales
na ibinibigay Niya.
Nakakatawa nga lang dahil
hindi ko naman tinanong kung
Pwede pa bang
ika'y mapa sakin
Pero bakit sumasagot
na Siya agad
Na parang hindi maaari?
Pero itinutuloy ko pa rin
ang aking pagdadasal
at baka sakaling mapag bigyan.
Hanggang sa umabot ako
sa lugar na
sa aking pakiramdam
hindi naman sapat ang
pagbulong ng dasal.
Na hindi na sapat na
iiyak ko na lang
lahat sa mga paa ng imahe Niya.
Na dapat siguro
hindi lang saming dalawa ng Diyos
ang aking mga hinihiling.
Aking gagawing dasal
Ang iyong pangalan
hanggang sa mabingi ako
sa bulong ng bawat santo.
Hanggang sa masunog ang dila ko
Sa *Amen
ng bawat pari ng simbahan.
Hanggang sa malunod ako
sa mga dugong luha
na iniyak ng birhen.
Kailangan ko lang
na iparamdaman Nila
na ako'y naririnig.
Kahit ang aking mga pinaka
tahimik na sigaw para sa pangalan Niya.
Isisigaw ko ang bawat rason
kung bakit labis na
Minahal kita.
Ngunit ako'y nagbabakasali lamang,
alam kong hindi lang ako
ang Kanyang anak
pero sana
kahit isang beses lamang
sa milyong daan kong pagsabi
ng pangalan mo sa Kanya,
kahit isa lamang sa
kung sino man ang nasa itaas;
nagbabakasakali lang akong umabot
sa langit ang aking mga dalangin.
Hanggang sa mahalin mo ako
magiging madasalin akong tao.

— The End —