Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
032116

Sumayad ang takong ng apat na kandidato
Hindi para mangalakal at maghain
ng kani-kaniyang plataporma.
Alay ang boses para sa nagkakalansingang masa,
Habang magbabanyera ng laway ng pananalita.
Tagisan, ika nga
Tahasang pagbubukambibig ng motibo sa bayang
May kinabukasan pa.

BINAYubay nga ba ang Pilipinas naming mahal?
Sa FOI na minsang itinapo'y ano ang tugon?
Hampas-lupa ba ang mga Pilipino
Para magbulag-bulagan
Sa binulsang kaban ng bayan?
Yang pambobola nyong haing 5Ps
Saan nga ba ang liderato ng ngiting may bungisngis?
At sa pagbaba ng tax, maibabalik nyo ba
Ang nasa bangko ninyong
May iba't ibang ngalan?
Sagot ba ang waivers at ilang kasulatan?
Kamusta naman ang assets nyo at liquidations?
Sana'y hindi maging makati ang mga kamay,
Gawin **** mala-Makati, wag lang ulitin ang pangangati.

Mala-Talk Back and You're Dead,
Yan ang peg ng kamandag ni Duterte.
Palabiro raw sya't matalas ang dila,
Bagkus ang masa'y panay ang tugon sa kamao niya.
Kamay na bakal, iyo bang ibabalik?
Sabik nga ba sa Death Penalty ang kinauukulan?
Sa posibleng anim na buwan ng iyong pag-upo,
Sana'y malinis ang minsang Tuwid raw na Daan.
Posible bang dahas ang kasagutan
Sa bayang talamak ang bayaran at tulakan?

Tila saulado mo ang bawat numero,
Ang galang mo Poe, nagmula nga ba sa pusong Pilipino?
Paano nga kung nagising kang
May alarma sa Bayan,
Babangon ka ba talaga't di kami tatalikuran?
Wag sanang gaya ng pagtapon mo
Sa Amerikang minsang naging bayan mo rin.
Paano mo babalansehin ang tulong
Ng malalaking korporasyon sayo?
Boto ba nila'y hindi mo binili?
Wala bang kapalit ang oo
Ng mga batikan at mayayamang negosyante?

MARami ka nang satsat sa Daang Matuwid na yan,
Talamak na rin ang paghuhugas-kamay
Para sa patapos nang administrasyon.
Ba't nga ba panay ang pag-eendorso mo
Sa sarili't tila baga sayo nanggaling ang pondo noong Yolanda.
Naroon ka nga't ika'y ligaw at wala raw tugon,
Ano itong alarma mo raw
Pag nandyan lamang ang kamera.
Wala bang tiwala sayo si PNoy?
At tinago pa sayo ang nauukol sa mamasapano?
Kamusta po ang pag-endorso ng Pangulo sayo?
Sana'y inasikaso niya na lang
Ang nahuhuling termino.

Marami na po kayong mga pangako,
Naawa nga kami sa Translator
Pagkat gulung-gulo rin siya
Sa pag-aagawan ng oras at mikropono.

Magandang ideya ang naganap na mga Debate,
Pagkat nauntog ang Bayan,
Nagigising aming diwa't magigisa ang tamang boto.
Ang boto ng bawat Juan,
Para yan sa Bayan.
Sana'y matiyak po nating
Wala nga tayong kinikilangan
Maliban sa malinis na eleksyon.

Tayo ang simula, kapwa ko mga Juan!
Maging wais tayo!
Makialam para sa Bayan!
Gising Pilipinas!

"Alab ng puso,
Sa dibdib ko'y buhay!"
- Lupang Hinirang
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan
Sona-sonahan, madilim na naman.
Pagbilang kong tatlo, nakatago na kayo
Mapagod man kayo, tuloy pa rin ang laban ko
Isa.. dalawa.. tatlo.. Game?"*

Pag si Juan ang nagsalita,
Nag-aalitan ang madla.
Pag tikom ang bibig,
Siya'y bulag raw sa maralita.

Pag nilatag ang naplantsa,
Lalatiguhin ng administrasyon.
Pag walang plataporma,
Ihahagis sa bangin ng suhestisyon.

Kalaban pala nati'y ang sariling atin,
Demokrasya nga'y may sapin pa rin sa bibig
Mga bolang itim, saang lupalop ang padpad
Mapait ang kapayapaan,
Dakila ma'y kanilang binabagsak din.

Walang nakatitiis sa bayang nagpapapansin
Masakit nga naman sa bulsa ang tunay na bayanihan
Dugo'y dumanak makamtan lamang ang demokrasya
Sobra-sobra nga lang ang danak ng iilang raleyista.

Sadsad sa suliranin ang Inang tinakwil
Mga anak sa lama'y namasyal pa sa ibang bayan
Hindi na matapus-tapos ito'y pagdadamayan,
Damay sa kurapsyon, damay sa pagtitwakal ng mga Inakay.
Yuyuko na lang ang nasa langit
Pagkat nagapi ang mga tunay na Anak --
Ang lipunang ginahasa ng iilang ganid,
Paulit-ulit na, ang hapdi ng kamusmusan.

May iilang nagtatanong,
May iilang walang pagtataka,
Musmos sa bayan, wala namang pag-usbong
Kaya't iba na lang ang nakikinabang
Puspos sa distansya
Ng kamalian ng nakaraan.

Hugas-kamay ang iilan,
Simpleng hindi batian,
Wika nga ba ng pagkakalimutan?
Parang away-kalye, away-bata
Aso't pusa, sa lipunang
ang hepe'y sila-sila lang din.

Batu-bato pik, naglalaro ang iilan
Bukas tataya na naman sa lotto
At pag natalo'y iiyak na lang,
Bibigyan ng tsokolate,
Pangako para sa matamis na pag-iibigan
Ngunit balat lang pala,
Mapagbalatkayong himagsikan
Tapos, hahanap ng Darna
Pagkalunok ng bato ng kamanhidan.

— The End —