Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member

Members

UK    You heard it here first.
22/F/Nigeria   

Poems

060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
Eugene Mar 2018
Tag-araw na naman at tuwing sasapit ang buwan ng Marso, Abril at Mayo ay malimit pumunta sa isang hindi pamilyar na lugar ang magkakabarkadang sina Potsi, Tapsi, at Seksi.

Ang pagpunta sa baybayin o beach ay nakagawian na nilang gawin taon-taon. Ito rin ang kani-kanilang paraan upang pansamantalang makalayo sa napaka-abalang lugar sa Kamaynilaan.

"Pots, Sek, saan naman ang destinasyon natin ngayong taon? Malapit na ang holy week. Kaya dapat mayroon na tayong napagkasunduan," tanong ni Tapsi.

Tapsi ang palayaw na binigay sa kaniya ng kaniyang magulang dahil paborito niya ang pagkain ng iba't ibang uri ng tapa na may sinangag. Ang totoo niyang pangalan ay Mateo Paulo Sibucay.

Dahil dalawa lang naman silang lalaki, siya ang may pinakaguwapong mukha maliban na lamang kay Seksi na maganda dahil babae ito. Itinuturing din siyang hunk sa kanilang kompanya sa matikas na pangangatawan nito kahit hindi naman siya pumupunta sa gym.

"Perfect ang Laiya, Taps, Pots! Ano agree kayo?" namumungay ang mga mata ni Seksi nang sagutin nito ang tanong ni Tapsi.

Si Seksi, gaya ng palayaw niya ay kakikitaan naman ito ng kakaibang kaseksihan sa katawan. Malakas man itong lumamon ay hindi naman ito tumataba. Mahilig siya sa mga matatamis at paborito niya ang pagkain ng iba't ibang uri ng keyk. Ang tunay naman niyang pangalan ay Katarina Sek Javellana.

"Basta may mabibilhan ng pagkain kapag nagutom ako, okay na okay sa akin ang lugar, Taps at Sek," sagot naman ni Potsi habang may hawak-hawak na dalawang jolly hotdog sa kaniyang mga kamay.

Kulang na lamang ay mabilaukan ito dahil panay ang lamon nang lamon nito kahit may nginunguya pa sa bunganga. Siya ang mataba sa kanila pero ayaw niyang tinatawag niyang tawaging mataba. Mas gusto niya ang salitang chubby dahil cute daw ito sa pandinig niya. Ang tunay naman niyang pangalan ay Pocholo Travis Sigalado.

"Nakakahiya ka talaga, Potsi. Mabilaukan ka oy!" wika ni Tapsi.

"Heto, tissue o! Sahurin mo ang mga nahuhulog. Sayang din iyang pagkain. Alalahanin mo na maraming mga bata ang nagugutom sa kalsada," sabay abot naman ng tissue ni Seksi kay Potsi.

"Kaya nga sinisimot ko ang pagkain kasi sayang 'di ba?" ngunguso-ngusong sagot ni Potsi habang nagpapatuloy sa pagnguya sa kaniyang kinakain.

"Saan ba ang Laiya, Sek?" ani Tapsi.

"Sa Batangas lang naman siya. Mga isa't kalahati hanggang dalawang oras ang biyahe mula sa Maynila. Set na natin?" nakangiting sagot naman ni Sek habang ang dalawang hinlalaki ay naka-senyas ng aprub.

"Sa Black Saturday tayo pumunta para madami tayong makikitang mga tanawin!" gulat naman ang dalawa sa sinabi ni Potsi at pansamantala pang nagkatitigan sina Sek at Tapsi. Pagkatapos no'n ay nagsipagtawanan sila.

"Agree ako diyan sa Sabado de Gloria. Teka, 'di ba sa susunod na linggo na iyon?" ani Tapsi.

"Okay lang iyon, handa na rin naman tayo palagi e. Kaya walang problema. Sasakyan ko na lang ang gagamitin natin para makatipid tayo sa gasolina," si Potsi na ang sumagot matapos uminom ng mountain dew.

Tumango na lamang ang dalawa dahil alam naman nilang sa kanilang tatlo ay si Potsi ang laging handa. Minsan nga ay si Potsi na ang taya sa kanilang summer outing taon-taon e.

"At kung may problema kayo sa budget, ako na rin ang bahala ha? He-he," tatawa-tawang sabi ni Potsi na ikinatawa na rin naman ng dalawa.

"Maasahan ka talaga, Potsi! Gusto mo order pa kami ng pagkain sa iyo?"

Masayang nagtatawanan ang magbarkada sa Jollibee nang mga oras na iyon dahil sa kaibigan nilang si Potsi. Pare-pareho na rin naman silang may mga trabaho. Kaya wala nang problema sa kanila ang pera.

#TravelFriendsGoals ang motto nilang tatlo. Si Tapsi ay isang Real Estate Broker agent habang si Seksi naman ay isang Fashion Model at si Potsi ay isang Food Blogger. Lahat sila ay iisa ang hilig--ang maglakbay at libutin ang mga natatagong lugar sa Pilipinas.

*

Lumipas ang isang linggo, araw ng Sabado ay maagang umalis mula sa Quezon City ang magkakaibigan. Gamit ang sasakyan ni Potsi na Toyota Revo ay bumiyahe na sila. Si Potsi ang nagmamaneho, si Seksi naman ang tumitingin sa mapang dala niya habang si Tapsi ay panay ang kuha ng litrato sa sarili sa likuran ng sasakyan.

"Hindi ka ba nagsasawa sa mukha mo, Taps? Guwapong-guwapo ka sa sarili a!" tanong ni Potsi habang tumitingin-tingin sa rear-view mirror ng sasakyan. Nginitian na lamang siya ni Tapsi.

"Hayaan mo na 'yang broker nating kaibigan. Alam mo namang siya lang ang may magandang mukha sa inyong dalawa. Ha-ha," asar ni Sek kay Potsi.

"Anong guwapo? E kung pumayat ako 'di hamak na mas may hitsura ako kay Taps!" depensa naman ni Potsi.

"Oo na, Pots. Mas guwapo ka naman sa akin ng kalahating paligo lang naman kapag pumayat ka 'di ba? Bakit kasi ayaw mo akong samahan sa gym para makapag-work-out ka na rin at mabawasan ang bilbil mo?" ani Tapsi kay Potsi.

"Gusto mo ibaba kita sa gitna ng kalsada, Taps? At saka, hindi ko na kailangan mag-gym. Food is life. Enjoy life, enjoy goya sabi ng commercial ni Kim Chiu," naiinis na nagpapatwang sagot naman ni Potsi habang nakatuon pa rin ang atensiyon sa kalsada. Lihim na lamang na natawa si Seksi sa dalawang kaibigan.

"Ikaw naman, hindi na mabiro. Alam mo namang love kita e lalo na nang malaman kong love mo abs ko! Ha-ha," pang-aalaska na naman ni Tapsi.

"Mukha mo! Mas marami akong abs sa iyo, tabs nga lang at malalaki pa! Ha-ha," napuno na naman ng tawanan ang loob ng sasakyan. Asaran kung asaran. Iyan ang nakasanayan na nila.

Lumipas ang isang oras na biyahe ay nakatulog na sina Tapsi at Seksi habang si Potsi ay gising na gising ang diwa dahil habang nagmamaneho ay panay ang dukot nito sa baon niyang mga pagkain malapit sa kaniya.

Dumaan pa ang isang oras ay napansin ni Potsi na parang may mali sa direksyong tinatahak nila. Agad niyang kinuha ang mapang dala ni Seksi at tiningnan ito. Dahil hindi niya kabisado ang nakapaloob sa mapa, ginising na lamang niya si Seksi.

"Sek! Sek! SEEKKK!" tulog-mantika ang babae, kaya sumigaw na lamang si Potsi na ikinagulat din ni Tapsi sa back seat.

"Sorry. Naliligaw yata tayo. Tingnan mo ang mapa, Sek," agad namang tiningnan ni Seksi ang mapa at sinipat-sipat ang kinaroroonan nila.

"Ihinto mo nga ang sasakyan muna, Pots," sinunod naman nito si Sek at pansamantalang itinigil ang sasakyan.

"Ano, naliligaw na ba tayo, Sek?" binali-baligtad pa ni Seksi ang mapa para lang siguraduhing tama ang tinatahak nilang lugar patungo sa isang sikat na resort sa Laiya, Batangas. Ngunit, may napansin siyang kakaiba.

"Nasa Laiya na nga tayo, guys pero bakit tila napadpad tayo sa isang gubat na ito?" lahat ay napatingin sa itinuro ni Seksi sa mapa at binasa ang nakasulat doon.

"Satur-Death? Ano iyan? Hindi mo ba nakita ang lugar na iyan diyan sa mapa, Sek?" tila may kung anong kakaibang simoy ng hangin naman ang dumampi sa mga balat ng magkakaibigan ng mga oras na iyon matapos sambitin ang katagang Satur-death.

"Patingin nga? Kinilabutan ako sa pangalan e. Satur-death, tunog saturday o sabado tapos may death? Kamatayan? E 'di ba sabado ngayon? Don't tell me may mangyayaring hindi maganda sa atin?" sabay-sabay na nagkatinginan ang tatlo habang nakatigil ang sasakyan sa gitna ng kalsada na hindi pamilyar na lugar. Tahimik ang lugar na iyon at ni busina, tunog o mga sasakyan ay wala kang maririnig o makikitang napapadaan.  

"Ang mabuti pa, bumalik na lang tayo sa kung saan tayo kanina nanggagaling. Baka mali lang talaga ang napasukan natin. Baka shortcut lang ito, guys," nagtatapang-tapangang wika ni Seksi.

"Ang sabi sa pamahiin, kapag naligaw daw tayo, hubarin natin ang mga damit natin," nagpapatawang wika ni Potsi.

"Anong hubarin? Baka ang ibig **** sabihin, baligtarin!" pagkaklaro ni Tapsi.

"Pareho lang naman silang may 'rin' sa dulo e," dagdag pa ni Potsi. Napailing na lamang sina Tapsi at Seksi at naghubad na lamang upang baligtarin ang kanilang damit.

Matapos baligtarin ang damit ay pinaandar na ni Potsi ang sasakyan. Dahan-dahan na lamang niya itong minamaneho upang makabisado ang kalsadang kanilang tinatahak.

Tatlumpung minuto na ang nakalilipas nang matagpuan nila ang isang karatula sa gilid ng kalasda na nakadikit sa isang puno.

"THIS WAY TO LAIYA!"

Agad na nabuhayan ng loob ang magkakaibigan dahil sa nakitang sign board na nang tingnan nila sa mapa ay nakaukit naman iyon.

"Deretso na lang tayo, Potsi at mararating na natin ang mismong resort sa Laiya," iyan na lamang ang nasabi ni Seksi nang mga oras na iyon.

Nang malampasan nila ang karatula ay bigla na lang naging makulimlim ang kalangitan at biglang bumuhos ang ulan. At hindi nila inasahan ang isang palasong bumutas sa kaliwang gulong ng sinasakyan nilang Toyota Revo.

Gulat na gulat ang mukha ng magkakaibigan nang biglang gumewang-gewang ang sasakyan at nabundol ito sa isang puno. Mabuti na lamang at hindi sila napuruhan. Kaunting galos lamang ang kanilang natamo kaya agad din nilang inayos ang mga sarili.

Nang mga oras na iyon, sa side-mirror ng sasakyan ay may napansin si Seksi na papalapit sa kanilang kinaroroonan. Nang ilang metro na lamang ang layo nito sa kanilang sasakyan ay nakita niyang may hawak itong pana at palaso. Pinakawalan niya ito at tumama kaliwang bahagi ng side-mirror.

"BABA! LABAS! Takbo na tayo! May gustong pumatay sa atin. Labas na!" sa taranta ay isa-isang nagsilabasan sa loob ng sasakyan ang magkakaibigan. Napasubsob pa ang mukha ni Potsi sa damuhan pagkababa nito. Agad na inalalayan siya ni Tapsi upang makatayo habang si Seksi naman ay sumisigaw na.

"Takbo! Takbo na! Bilis!"

Walang lingon-lingon ay agad na silang nagsitakbuhan ngunit hindi pa man sila nakakahakbang ay isang palaso ang tumama sa kaliwang binti ni Potsi dahilan upang mapabitaw ito sa balikat ni Tapsi at natumba.

Napahiyaw sa sakit si Potsi. Gulantang naman ang mukha ni Seksi. Nagmadali siyang balikan ang kaibigan at tinulungang makatayo si Potsi dahil malapit na malapit na ang salarin sa kanila.

"Iwan niyo na ako, Taps, Sek!" kitang-kita na sa mga mata ni Potsi ang panghihinat at takot nang mga oras na iyon. Kahit umuulan ay pansin na pansing naluluha na ang kaibigan.

"Hindi ka namin pwedeng iwan dito, Pots! Sama-sama tayo! Sek, bilis iangat natin si Pots. Isa, dalawa, tatlo!" kahit mabigat ay nagawa pa rin nila itong itayo upang makatakbo at makalayo sa kung sino man ang gustong pumatay sa kanila.

Nang muli na silang hahakbang ay hindi nila napansin ang paglapit ng hindi pamilyar na nilalang at itinarak sa likuran ni Potsi ang matulis na palaso. Agad na lumingon sina Tapsi at Seksi sa salarin nang sumigaw nang malakas si Posti.

Doon ay mulagat silang pareho nang isa na namang palaso sana ang tatama at itatarak kay Sek. Mabuti na lamang ay maagap si Tapsi. Binitawan niya si Potsi at agad na sinugod ang salarin.

Parang torong iniuntog ni Tapsi ang ulo niya sa tiyan nito at pareho silang natumba sa magkabilang direksyon. Nang mga sandaling iyon, habang patuloy sa pagbuhos ang ulan ay naaninag ni Seksi ang mukha ng gustong pumatay sa kanila.

May suot itong maskara sa mukha na ang tanging makikita ay ang mga mata lamang niya. Ang mga balat sa leeg, kamay at paa ay parang bangkay na naagnas. Matatalim din ang mga kuko nito sa mga kamay at paa.

Itinuon ni Sek ang atensiyon sa kaibigang si Potsi na nang mga oras na iyon ay tila nawalan ng malay. Niyugyog-yugyog niya ang kaibigan. Pinakiramdaman niya rin ang pulso nito at pinakinggan ang tibok ng puso. Doon ay napagtanto niyang may pag-asa pa si Potsi.

"Taps! Buhay pa si Potsi!" sigaw niya sa kaibigan.

"Tumakas na kayo, Sek! Ako na ang bahala rito! Alis na!" agad na sinugod si Sek ng kaharap at nahagip ng tulis ng palaso ang kaniyang braso dahilan upang makaramdam siya ng hapdi.

Hinila-hila naman ni Sek si Potsi upang dalhin sa ligtas na lugar. Kahit hindi kaya ng kaniyang mga braso ay pinilit niya pa ring hilahin ito.

Samantala, dinampot ni Tapsi ang palasong nabitawan ng may sa kanibal na nilalang at pinatamaan ito sa pamamagitan ng pagtarak ng palaso. Parang gutom na gutom naman ito dahil naiilagan niya ang bawat pagtarak sa kaniya ng palaso.

Animo ay isang baliw na nakakita ng kaniyang laruan ang kaharap ni Tapsi. Hindi naman nagpatalo ang huli. Nang muling itatarak sa kaniya ang palaso ay napigilan niya ito at sinipa sa gitnang hita ang kaharap. Napahawak naman ito sa kaniyang hinaharap. Hindi na rin sinayang ni Tapsi ang pagkakataon upang makaganti.

Agad niyang kinuha ang palasong nabitawan niya at itinarak iyon sa leeg. Makailang beses niyang hinugot-baon ang palaso at itinarak muli sa iba pang bahagi ng katawan nito. Sa leeg, sa mata, sa butas ng tainga maging sa bunganga at ang panghuli sa puso nito.

Hingal na hingal man si Tapsi ay nagawa pa niyang tanggalin ang nakabalot na maskara sa mukha ng kaniyang kalaban at doon nakita ang inuuod-uod ng mukha. Hindi niya nasikmurang pagmasdan kaya nasuka si Tapsi. Kinalaunan ay pinuntahan na lamang niya si Sek na hindi pa rin nakakalayo sa kakahila sa kaibigang si Potsi.

Punong-puno ng dugo ang mga kamay, mukha at kasuotan ni Tapsi nang makita siya ni Sek. Nahuhugasan lamang iyon sa bawat patak at buhos ng ulan.

"Kailangan na nating makaalis dito, Taps. Kailangan maisugod si Potsi sa ospital!"

"Saan tayo hihingi ng tulong e, nakita mo namang mukhang halimaw ang nakalaban ko, Sek,"

"Si Potsi, Taps. Anong gagawin natin? Marami ng dugo ang nawala sa kaniya,"

"Hindi ko alam pero sana tumila na ang ulan nang makita na natin ang dinadaanan natin para makahingi tayo ng tulong. Tulungan mo na akong buhatin si Potsi. Siguro naman--"

Hindi pa natatapos ni Tapsi ang kaniyang sasabihin nang maramdaman niyang may matulis na bagay ang tumusok sa kaniyang batok na tumagos sa kaniyang lalamunan.

Sigaw naman nang sigaw si Sek at hindi na malaman ang gagawin. Nakita niyang may papalapit naman sa kinaroroonan nila. Kailangan na niyang iwanan ang mga kaibigan at iligtas ang kaniyang sarili para makapagtago.

Sa isang malaking puno sa 'di kalayuan ay doon nagtago si Sek. Tanging mga mata na lamang niya ang nagmamasid sa kung ano ang puwedeng gawin ng mga ito sa kaniyang mga kaibigan.

Katulad ng napatay ni Tapsi ay ganoon din ang mga hitsura ng kani-kanilang balat at mukha. Katulad sila ng mga kanibal na gustong pumatay ng tao. Isang babaeng may mahahabang buhok ang may hawak na tabak ang walang kaabog-abog na tumabas sa leeg ni Tapsi.

Gustuhin mang sumigaw ni Sek ay hindi niya magawa. Tinakpan na lamang niya ang kaniyang bunganga at parang gripong sunod-sunod naman sa pag-agos ang kaniyang mga luha nang makita ang sinapit ng kaibigang sina Tapsi at Potsi.

Gamit ang tabak ay isa-isa naman nilang pinagtataga ang katawan ni Potsi. Pinutulan nila ito ng braso at ibinigay sa isang maliit na batang sabik na sabik na kainin ito habang ang isang may katangkarang lalaki ay panay ang sipsip at dila nito sa ulong-pugot ni Tapsi.

Duwal na duwal na si Sek nang mga oras na iyon at agad na nagsuka. Sa kasamaang palad ay matalas ang pandinig nila at narinig siya ng isang matangkad na lalaki at inamoy-amoy ang paligid upang malaman ang kinaroroonan niya. Pigil-hininga naman si Sek at isiniksik ang sarili sa punong pinagtataguan niya. Takip-takip na rin niyang muli ang kaniyang bibig upang pigilan ang kaniyang paghikbi.

Nakiramdam pa si Sek sa kaniyang paligid kung naroroon pa ang mga halimaw. Tanging ang pintig na lamang ng kaniyang puso ang kaniyang narinig nang mga sandaling iyon kaya naman ay marahan siyang tumingin sa direksyon kung saan naroon ang kaniyang mga kaibigan.

Isang mata pa man lang ang kaniyang nailalabas nang biglang bumulaga sa kaniya ang isang inuuod na mala-demonyo ang mukhang nakangiti sa kaniya at hinawakan siya sa buhok.

Nagpupumiglas si Sek at pilit na tinatanggal ang kamay nito sa buho. Pero isang malakas na suntok sa sikmura ang kaniyang natikman. Agad siyang kinaladkad habang nakahawak pa rin ito sa kaniyang buhok at dinala sa kinaroroonan ng kaniyang mga patay na kaibigan.

Napatakip na lamang sa kaniyang bibig si Sek nang mapagmasdan ang sinapit ng kaniyang mga kaibigan sa kaniyang harapan.

Hawak-hawak pa rin ng lalaki ang kaniyang buhok ay agad na itinutok sa kaniyang leeg ang matulis na tabak. Pigil hininga at lunok-laway na lamang ang nagawa ni Sek nang unti-unting hinihiwa ang balat sa kaniyang leeg hanggang sa maabot ng tabak ang ugat nito. Sabay-saba