Ako’y modernong karpintero Sa henerasyong baon sa utang, Hindi pa man isilang, Ang kamalaya’y limot at simot na.
Puros kalyo ang latay Sa pares na kamay Na ang sigaw ay pagbabago Diktahan man kahit demokrasya pa, Lahat tila may mantsa’t tatak pulitika.
May direksyon ang pagdisenyo Pahalang sa kapwa-tao, Samantalang ang kabila’y Ang labi’y eksperto sa pagsayad sa lupa Patungo sa ulap at bituin Kung saan naroon raw ang Maykapal.
Narito ako sa kanilang tagpuan Tatawid sa kalyeng hindi masilayan Bingi sa sanlibutan Minsang pinaligua’t sinabunan ng kadiliman.
Narito ako, Sa sentro’y may hanap-hanap Kilabot ng pagtahi sa sugat ay titiisin. Pagkat ang latay, hindi man nasaksihan Ramdam maging sa tadyang Na akin daw ay pinagmulan.
Kung mararapatin lamang Ng lupang minsa’y naging gintong bayan Na pang-habambuhay siya’y lisanin At sa pagbukang-liwayway, tatakbo sa Liwanag.
Walang karapatan ang takipsilim na uminda Pagkat ang Haring Araw Sisikat at yuyupakan ang kanyang dangal, Siyang isang pobre’t salat sa Katotohanan.
Niyapos ko ang buhok At pinahid sa mansanas, sa mangga’t Maging sa dagat na sagisag ng kalayaan.
Ako’y tumakas Tangan ang sandata ng buhay; Pakuwari ko’y walang himagsikan Ang siyang muling sisiklab Pagkat ang laban ay tapos na noon pa man.
Puting papel at plumang walang tinta Ang iniwan sa akin ng Ama Hindi ko mawari sa paanong paraan ba Maililimbag ang isusulat nitong pluma.
Ngunit ang tukso Na madungisan ang pahinang puti Ang puro’t walang bahid ng itim at kulay bahaghari, Alam ko, balang araw Mapupunan ito, hindi ng salita Bagkus ng larawang sa sansinukob Ay hahagkan ang bawat nilalang Itatas muli ang bandila - Silang puro ang tiwala sa Pintor ng Pagbabago.