Iginagapos ko ang sarili gamit ang aking mga palad, Ayokong maniwala sa kapalaran, Pagkat hindi na tayo mga batang Nakikipaglaruan pa Sa mga mumunti nating mga pangarap.
Sa bawat desisyong ating paninindigan, Doon natin masasabing, kaya talaga natin. Mahirap man makipagsapalaran Sa mga nagtatagisang katauhan Ngunit, isipin mo, Hindi natin sila kalaban.
Hindi tayo palamuti sa ating mga istorya, Tayo yung unang babati sa’ting mga sarili ng, “Magandang umaga.” O kung bakit minsan, Nananatili tayong pagod na pagod Na tila ba hinihila tayo ng Araw Na para bang tayo’y mga kalabaw lamang Na magpapagal at hindi aani.
Iikot tayo sa mundong hindi tumatakbo, Kundi iikot tayong may dahilan At hindi tayo magiging pabalik-balik. Tayo’y matututo sa bawat lubak, Madisgrasya man tayo’y, hindi pa rin susuko — At tayong manananatili sa pagwagayway Ng ating mga bandera, Na hindi nagpapatangay Sa mga mistulang diktador na mga alaala.
Magbibilang tayo ng araw, Ngayong taon Ngayong araw na ito, Tayo’y magsisimula — At hindi tayo magtatapos Nang walang kabuluhan Ang ating mga adhikain.
Tayo ay iisa — Isa, dalawa.. Tatlo.. Tayo na — At magsimula.