Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2017
032417

Tayo ang makabagong henerasyon!
Tama na at bumangon na pagkat
Natutulog ang Diyos at wala Siyang ginagawa.
At hindi ako naniniwalang
May pag-asa pa ang bayang Pilipinas.
Para sa akin,
Bilang isang disipolo,
Bilang isang Pilipino,
At bilang isang anak ng Diyos,
Hindi na tayo makauusad pa.
Hindi na tayo makababangon pa
Ipagsigawan natin sa lahat na
Isang kahangalan ang
Paglingkuran ang ating Panginoon.
Tumayo para sa bayan,
Ipaglaban ang pamilya,
Mahalin at pahalagahan ang sarili't kapwa,
Mas piliin nating
Umasa sa iba at hayaan ang araw lumubog nang wala tayong ginagawa
Kaysa sa
Magbago ng pananaw at magbagong buhay
Kumilos at tayuan ang pananampalataya
Pagkat ang dapat at tama nating gawin ay
Lunurin ang sarili sa hapding dulot ng mundo.
Talikuran na natin ang kapwa Pilipino,
Ayos lang na itapon ang bawat pangarap,
Hanggang dito na lang tayo,
At mali na sabihin at paniwalaang,
Makababangon pa tayo bilang isang lahing may iisang mithiin.
Na makakaya pa nating tumayong muli.
Pagkat ito ang katotohanan,
Wala nang pag-asa ang bayang ito.
Wag na natin linlangin ang ating mga sarili na
Magkakaroon pa rin ng malaking pagbabago.
Kung lahat tayo'y makikibahagi sa pagsulong,
Hindi natin maitatangging
Wala na tayong maiaambag pa.
Wala na tayong magagawa pa at
Hangal lang ang magsasabing
Buhay ang ating Diyos,
Tayo ay ipinag-isang bansa.
Read upwards
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems