taksil ang mga labing naghahangad ng higit sa dampi katulad ng buwan sa duyog, na kung sa madalas ay hinahayaan ang pagsisiping ng araw at mga bundok sa umaga may mga minsang hindi mapigilan ang alibuyboy at pilit isisingit ang sarili sa pagitan ng dapat at hindi, kapalit ng panandaliang saya; balutin man ng dilim.
ngunit isa pa nga bang kataksilan ang humiling, kahit na pakiwari ko’y isa kang hiningang hindi mauulit, na sana kinabukasang paggising ay hindi ka na umalis, na hayaan mo namang masilayan ko kung paano ka ipipinta ng araw para naman din makita mo sa liwanag kung paano ka aaralin.
bigyan mo lang ako ng isang sandali dahil katulad ng buwan, miminsan ding makasarili baka sa susunod na kinabukasan kahit ikaw ang tinatangi, sa iba na maghahain.