Halina kayong lahat at makinig! Magdikit-dikit at magkapit-bisig! At sabay pakiramdaman ang tahimik na unos ng isang dakilang puting kandilang upos.
Dito sa ating liblib na barrio Nakatago ang isang kandilang puti Labis na mahaba; ang pasensya na tila kayang hintayin ang walang hanggan. Ngunit labis na manipis; na kaybilis tablan at lapitan ng hinagpis.
Dumating ang araw na kinailangang sindihan ang dakilang puting kandila sapagkat nawala at napundi na ang ilaw ng tahanan.
Nang idinikit ang posporo sa kanyang mitsa ay hindi sadyang nakapaso ang kandila subalit ang nagsindi ay 'di napigilang magalit, pilit na pinutol ang kandilang puti sa gitna at ito'y nangalahati.
Walang nagawa ang kandilang mayumi kundi iiyak ang mainit nitong pagkit ngunit ang tanglaw nito ay kayliwanag buong barrio'y mararamdaman ang kanyang sinag.
Ilang araw nangyaring muli ang pagpasong hindi minimithi ang kandilang puti'y patuloy pa ring nangangalahati ngunit ang liwanag sa barrio'y sa kanya pa rin nanggagaling.
Dumating ang araw ng kandila na hindi na maaring kalahatiin. Unti-unting sumuko na rin ang mahaba nitong mitsa.
Sa huling sandali, ay hindi na nakapagpigil ang mapanghimok na nagsindi. Buong lakas na nag-ipon nang hangin Buong pwersang sumigaw sa kandila. Ang kandila'y 'di na nanlaban at nagtuloy nang manghina. At sa huling bulong ng nagsindi, ang liwanag ng kandilang puti ay napundi.
Halina kayong lahat at makinig Magdikit-dikit at magkapit-bisig sabay pakiramdaman sa walang kibong katahimikan ang umaalulong na hagulgol ng dakilang kandila.
trying out a literary style for a contest. 3rd work that's in Filipino. Kinda deep and shallow at the same time.