Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
010324

Ikaw —
Ikaw ang nag-iisang Pag-asa,
Ni hindi Mo ako binigo’t
Ni minsa’y hindi ako tinalikuran.

Sa bawat pagkakamali’y
Ni hindi Mo ako hinusgahan
Bagkus tanging yakap Mo ang naging sandigan.

Ikaw ang aking Pahinga,
Ang aking kalasag at kalakasan.
Sa Iyong mga Salita’y nabubuhay ako —
Nagiging bago ang lahat,
Nagiging payapa ang puso.

Sa tuwing isasandal ko ang aking sarili,
Sa’yo lamang ako nakakahinga,
At nagiging mahimbing ang aking pagtulog.
Ikaw ang lunas sa bawat sakit,
Walang duming hindi Mo kayang hugasan.

Ngayo’y nandito ako
Upang manghiram Sa’yo
Kahit alam kong hindi ko ito masusuklian.

Pahiram —
Pahiram ng lakas sa bawat araw,
Pahiram ng bagong pananaw
Nang ako’y makausad at makaahon.

Pahiram —
Pahiram ng hininga at sandali,
Pagkat hindi ko batid
Kung hanggang kailan lamang ang buhay.

Alam kong ang lahat ng sa akin ngayo’y
Tanging hiniram ko lamang Sa’yo
Kaya’t turuan Mo akong hindi angkinin ang mga ito.
Sa’yo ang lahat, at balang araw ay kukunin Mo rin ito
At ibabalik ko Sa’yo ang aking paghinga.

At ang tanging hiling ko’y
Mapapurihan pa Kita,
Maging malinis ang puso
Hanggang sa pagbabalik Mo.
Salamat — Salamat, Ama.
113024

Kalakip ng bawat salita
Ang mga balang ligaw na tumatagos sa katauhan.
Nakapiring at nakatali sa mabibigat na kadena,
Na para bang imposible na ngang kumawala.

Sa aking kadilima’y umaasa pa rin akong
Darating ang Liwanag
Na siyang magbubukas ng aking mga mata
At tutunaw sa bakal na kaytagal ko nang pasan.

Nauuhaw —
Nauuuaw ako sa Kalinga at Pag-ibig.
Napapagod —
Napapagod sa bawat kirot
At bakit hindi nyo pa ito itigil?
Ahhh! Ayoko naaa!!!!

Bagkus may boses sa loob kong
Tumatawag sa aking ngalan
Na minsan na nilang pinatikim ng alikabok
At binaon sa Hukay Ang natitirang halaga nito.

Dumaan ang mabangis na mga kulog at kidlat
At ang hangin ay naging payapa sa aking pandinig
At heto na nga marahil ang simula
Ng aking pinakahihintay —
Kung saan ang Liwanag Mo naman
Ang aking masaksihan.

Walang ibang yumakap sa akin nang ganito —
Binalikan Mo nga talaga ako.
At ang mga pangako Mo’y hindi napako,
Hindi nalusaw ng anumang unos at bagyo,
Ng anumang kadilimang ipiniring nila.

At ang tagal ko ngang naghintay
Ngunit ibang saya pala talaga
Ang makapiling ang tunay na nagmamahal,
Ang tunay na makapangyarihan sa lahat.

At hindi na nga mahalaga ang anumang nakaraan
Pagkat ang lahat ay bago na nga talaga.
Dumating ka na nga —
At handa na ako.
072924

O kayraming pangarap na binuo —
Binuno sa sariling salamangka.
May ibang nagwawaging nakangiti,
Habang ang ila’y nalalagas kamamadali.

Nakamamangha nga sa umpisa
Pagkat ito ang batayan ng karamihan
Sa tinatawag nilang  “makapangyarihan.”

Silakbo ng damdami’y aking pinatatahimik
Bagamat sa mga sandaling iyo’y
Gusto ko na lamang mapaos
Sa mga himig na inaanod patungo sa aking lalamunan.

Patuloy ang pagsuntok ko sa buwan
Hanggang sa maging gula-gulanit maging aking kasuotan.
Ngunit sa patımpalak na ito’y
Wala naman pala akong ibang kalaban
Kundi ang sarılı kong anino,
Ang kumunoy ng aking nakaraan.

Madilim —
Madilim ang paligid saanman ako dumako.
May hiwaga pa nga bang taglay ang Liwanag?
Kung ang sinag Nito’y mas maaga pa sa Pasko.

Mahiwaga —
Ganyan nila ituring ang mga alitaptap
Na para bang may isang diwatang
Umaaliw sa kanila,
Naghahayag ng kung anu-anong mensaheng
Wala naman palang kabuluhan
Kaya’t sabay-sabay silang mauubos
Na parang mga paupos na kandaling
Wala nang balak na sindihan pa.

Sino nga ba?
Sino nga ba ang aking susundan?
Napapatid, napapagod, nanlulumo’t nakikiusap
Na ako’y hatulan na lamang ng kamatayan
Nang mabaon na rin sa limot
Ang mga alaalang dumi sa’king katauhan.

Tinatanong ko ang sarili
Kung bakit nga ba paulit-ulit ang daan?
Wala nga bang magtutuwid sa mga lubak nito?
Ito na nga ba ang dulo ng bahaghari?
At sinu-sino nga lang ba ang makahaharap sa Liwanag?

Ako at ang kadiliman
Ako at ang liwanag.
Sino nga ba ang pamato?
Sino nga ba ang tunay na kalaban?

Subalit kung ako ma’y isang anino na lamang,
Ako’y pipisan pa rin sa mga yakap ng Buwan.
At kahit pa ako’y mahuli sa kanilang takbuha’y
Sigurado pa rin akong
May liwanag pa rin sa aking sinusundan.

Ikaw, Anong tantya mo?
Makararating ka rin ba sa dulo?
Ikaw, anong pasya mo?
Tataya ka ba o mananatiling isang anino?
072124

Iduduyan Kita sa kalawakan
At aaliwin ng mga nagniningning na mga tala.
Hahayaang marahang mapagmasdan
Ang mga palamuting bunga ng Aking hininga.

Aawitan Kita ng kundiman na hehele sa’yong pagtulog.
At sa pagsilang ng panibagong Araw
Ay hahagkan ka ng mga sinag Nito
At lulusawin ang mga pangamba’t pag-aalinlangan.

Ang mga pira-pirasong liham ng kasaysayan
Ay nagmistulang mga tagubilin
At ilaw sa’yong paglalakbay.
Habang ang hantungan ng bawat Salita’y
Ang puso **** patuloy Kong sinusuyo —
Sinusuyo ng aking Katapatan at Kadakilaan.

At habang ang mga matutulis na palaso’y
Hindi magkamayaw sa pag-uunahan;
Maging ang mga payasong nakapalibot sayo’y
Nag-aabang lamang sa’yong kahinaan.
Narito Ako —
Narito, upang waksian ang bawat pagpapanggap
Nang hindi ka na mahulog pa
Sa mga patibong na iginagawad nila sa’yo
Na tila ba totoong mga parangal.

Bagamat naging isang pamilyar na tahanan
Ang mundong iyong ginagalawa’y
Hindi ito ang habambuhay na alay Ko sa’yo.
Sa piling Ko’y magiging buo ka —
At ang Aking pag-anyaya’y kusang loob.
Sa piling Ko’y dito ka na mamahinga’t
Ako ang maging Sandigan at Sandata.

Ako ang Simula at ang Katapusan;
At nasa Akin ang huling Salita.
Magbalik ka na, anak —
Magbalik sa yaman ng Pag-ibig Ko.
071424

Kung ang bawat palakpak at panalo ko sa mundo’y
Siya namang mitsa ng paglayo ko Sa’yo —
Huwag na lang siguro; hihinto na ako.

Kalimutan na lang natin ang entabladong ito
At ikahon ang mga bituin sa’king mga mata.
Mga damdaming minsa’y napapariwara,
Ngayo’y kusang inaanod sa hiwaga ng Pagsinta.

Kakatok tangan ang pahiram na hininga…
Palimos ng kahit isang patak ng dugo **** dumanak.
Pagkat kaligtasan ang aking hanap,
Sa isang iglap ako’y magbabalik sa simula —
Sa simulang nalimot at nilumot ng kasalanan.

Ako’y magbabalik Sa’yo, bunga ng yaman ng Pag-ibig Mo.
Sa silid na ang tanging Hari ay Ikaw
At ang Ngalan Mo ang nananatiling may kabuluhan.

Sa’yo ang unang yapak
Habang ako’y nakaakbay Sa’yong Kalakasan
At Ikaw lamang ang aking palatandaan
Na ang pintua’y bukas na
At handa na upang maging isang Pahingahan.
061224

Malaya kong isisigaw ang Ngalan Mo —
Dakila Ka,
Dakila Ka ngang talaga.

Saksi ako sa kabutihan Mo
Sa buhay kong balang araw
Ay babalik din sa alikabok —
Na ang bawat pangako Mo’y
Mga balang lumagablag sa aking kaibuturan.

Saksi ako sa pag-ibig ****
Umaakap at umaakay sa akin
Pabalik at papalapit Sa’yo —
Ang pagmamahal **** kusang ibinibigay,
Ibinubuhos, mabuhay lamang ako.

Saksi ako sa grasya **** umaapaw,
Nalulunod ako Sa’yong pag-ibig
At sa Liwanag Mo’y nabubulag ako
Hanggang sa…
Hindi ko na masilayan
Ang dati kong pagkatao.

Nagbago na pala ako,
Ako’y binago Mo.
Malayang-malaya na pala ako,
Ako’y pinalaya Mo.

Dakila — ‘yan Ka,
Mahal — mahal Kita, Ama.
060624

Hindi ako nangangambang
Tabunan ng dilim ang liwanag ng araw
Na sa kanyang pagsilang ay manlalabo rin
Ang aking pananaw.

Pagkat mananatili ang Langit
Hanggang sa aking huling Lupang Hinirang.
At wala akong ibang nais na gawin
Kundi pagmasdan ito
At tingalain ang yaman nitong kagandahan.

Sa aking paggayak sa tabing dagat
Ay tatawagin din ako ng Kanyang mga alon.
At ang tanong ko’y Kanyang aakuin.

“Gaano nga ba kalawak ang Iyong pag-ibig?”
Wari ko’y ilang dipa pa ba
Hanggang sa marating ko Siya.
Ngunit ako’y aakapin ng sumisipol na hangin.
At ‘yan na marahil ang tugon Niya.

Sa aking pagsuyod
Maabot lamang ang Kalangitan,
At sa aking pagsisid
Matiyak lamang ang lalim ng Karagatan —
Walang ibang kasagutan
Kundi ang natatangi **** Ngalan.
I was driving when God whispered to write about this poem. I said, “Lord, wait lang, isusulat ko. Uuwi lang ako.” And here I am writing what God wants me to write about. Thank You, Jesus Christ. Please overflow in my life.
052824

Sa tuwing hinahagis ko
Ang aking sarili Sa’yong harapan,
Ay nais kong isakatapuran Mo rin
Ang bawat pangakong inilathala’t
Ipinagtibay ng dugong dumanak sa Krus.

Sa tuwing kumukulimlim na
Ang aking mga mata’y
Gusto kong magtago Sa’yong lilim
At doon ang aking pahinga.

Isisigaw ko ang lahat ng aking pangamba
At lulusawin ng pag-ibig Mo
Ang bawat tinik na pumipigil sa’kin para huminga.

At kung pupwede lang
Na patigilan Mo ang bawat ritmo ng oras
Upang panandaliang maibsan ang aking pangungulila —
Kung pwede lang sana.

Sa mga buhangin ng aking pagkukunwari’y
Kusa Mo akong aanyayahan
Sa malalim at malawak **** karagatan.
At kailan nga ba ako matututo?
Kailan nga ba kita masisilayan
At massasabi nang aking mga mata’y
Ikaw ang tanging totoo?

Nasasabik ako
Sa tuwing sasalubungin Mo ako ng pag-asa
At kalakip pala ng pagtiklop ng bawat umaga’y
Ang yakap **** mainit
Na tumatawag sa’kin na mas piliin pa ang malalim.

Taliwas sa aking sariling prinsipyong
Binahiran ng mga haka-haka
Ang kapangyarihan ng tunay na pananampalataya.
At Sa’yo pala mawawalang bisa
Ang bawat kuro-kurong
Hinayaan kong magsilbing masasamang damo
Sa hardin ng aking pagkatao.

Ngayo’y bubuksan kong muli
Ang aking pintuan
At wala nang iba pang makagagapi
Sa Tinig **** ginawa ko nang pader
At pugad ng aking bukas
Na Sa’yo ko lamang iniaalay.
050724

Ilang araw na akong namamahinga
At napapaisip ako sa Iyong pagbabalik.
Nais ko nang umuwi —
Nais ko nang magpasakop sa Liwanag.

Ang mga kapagalan ,
Ay magiging luma kinabukasan
At sa pagsipol ng hanging humihinga sa Lilim
Ay mapapawi ang anumang pait
Na mitsa ng pagkagunaw ng bawat pananaw.

Hahalik sa Kanyang mga palad
Na tila walang ibang iniirog —
Walang ibang sandata
Kundi ang pamanang
Yaman ay matatagpuan sa Kanyang mga Salita.

At walang silid na makakalimot
Sa mga burda ng Kanyang pagkalinga.
Lilisan at magbabalik —
Paparating na Siya.
042624

Ang bawat buhay
Ay binubuo ng mga pahina ng mga tula
Ilang libong libro na may makakapal na kuwento
At marahil ang iba’y, sa unang pahina pa lamang
Ay maroon na rin ang kanilang dulo.

Kakatha pa rin ang Bathala
Kahit punitin man ng kadiliman.
Lilikha gamit ang Kanyang hininga,
Isang idlap, isang kurap
Patuloy ang pagbibigay buhay at katuturan.

Sunugin man ang mga pahina,
Dapuan man ng mga alikabok at mga insekto,
Mabura man ang mga letra
buhat sa mga patak ng ulan
Ay mananatili pa rin ang mensahe’t nilalaman.

Sa huli, ang may Akda
Ang tanging may hawak ng mga kasagutan
Sa mga pahinang hindi natin alam
Kung kailan nga ba ang katapusan.
031224

Ikaw ang alaalang nais kong ibaon sa limot —
Ang kalimutan ka ay kalayaan ko.
Ikaw ang larawang sana’y kumupas na
At handa ako kung anayin na
Ang mga sandaling kasama ka.

Sa tuwing pumipikit ako’y
Dinadalaw mo pa rin ang aking isipan
At maging sa panaginip,
Ako’y tila binabangungot
At magigising nang bigla ang aking ulirat.

Ang bawat patak ng luha’y ni hindi na masukat
Gaya ng ulang walang himpil na pagbagsak.
Kung sana noong una’y binitawan ka na agad,
Sana’y hindi nagdurusa ang puso kong pagod na.
031224

Ako’y nilaban Mo —
Buhay ang alay Mo
Walang kapantay,
Ganyan ang pag-ibig Mo.

Saan ko man hanapin,
Saan ko man hagilapin,
Dalışay ang Iyong pagsinta
Tanging Ikaw ang hanap ng aking mga mata.

Puso ko’y Iyong nabihag
Nabihag ng Iyong Kadakilaan
Pagsamba ko’y abot langit
Ikaw at Ikaw pa rin ang sambit.

Ano pa nga bang hahanapin?
Ako’y Iyong-iyo, Sa’yo ang pag-ibig ko.
Kanino pa nga ba tatakbo?
Oras ay ‘di na hihinto, Sa’yo pa rin ang kapit ko.
031224

Gusto ko nang magwala,
Gusto ko nang kumawala —
Hahanap ng pluma
At kakatha ng isang tula.

Isa na namang piyesa
Susulpot na parang bula,
Mawawala nang kusa
Lilisanin ang mga tugma.

Alay ko ang aking awit
Minsang mga bala’y mapanakit.
Isisigaw na may dawit
Ang sukli’y kaakit-akit.

Ilang libong mga salita,
Papalibutan ng mga katha.
Isang araw ng pagkukusa —
Isang obra ang maipipinta.
Next page