Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
 13h
Sy Lilang
01152021

Iaalay ko ang aking katha
Sa mga sumusubok sa landas na kayhirap pasukin
At ang sigaw nila'y kalayaan sa pagpili
Kung saan ba ang kani-kanilang tatahakin.

Malayang pagpili --
Pagpili sa hindi lamang gusto,
Ngunit pagpili sa kung ano nga ba
Ang tunay na nararapat.

Kaakibat ng pagpili,
Ay ang pagtimbang sa kung ano bang
Makabuluhan sa panglahat na kapakanan.
Hindi tayo pipili dahil tayo'y makasarili,
Bagkus tayo'y pipili dahil ito'y ating pinag-isipan.

Bakit ba gusto nating tahakin kung nasaan
Naroon na ang lahat?
At ang lipon ng bawat kulay ng bahaghari
Ay sama-samang pumoprotesta
Sa kani-kanilang adhikain.

Minsan, gusto nating matahimik..
Tahimik na lumalaban
Hindi gaya ng mga nasa lansangan
At itinatali ang sarili
Sa kanilang nasanayang batas.

Tayo'y hahalili sa kahapong nagtapos na henerasyon,
O baka nalimot mo na ring
tayo'y demokrasya na ngayon
Ngunit mga alipin ng baluktot na administrasyon noon..

Ano nga ba ang malinis na konsensya
Sa bayan kong dinungisan na ng pawis
Ng iba'ibang ganid na mga bansa?
O minsan nga'y masakit pa pala ang malaman
Na tayo rin mismo ang sumira
At lumaspangan sa bandila nating
Noo'y dugo ang nasa itaas.

Sakim ang ating mga sarili
Pagkat tayo'y nauuhaw pa
Sa pansarili nating kalayaan.
Tayo'y walang ipinag-iba
Sa mga pailalim na bigayan
At pagsalo sa kaso ng iba,
Pagtalikod sa karapatang ipinaglalaban
Ng mga naging bihag sa selda.

Habang ang iba'y naghahalakhakan
At pawang mga hangal
Sa kanilang pagbalot sa sarili
Patungo sa bukas
Na hihimlay sa kani-kanilang mga hukay.

Susuong ka pa ba?
Kaya mo pa bang magbulag-bulagan?
Pero sa buhay na iyong pipiliin,
Piliin mo sana ang daang matuwid.
At paano mo nga malalaman
Ang mas higit sa timbangan
Kung ang iyong pamantayan
Ay sirang orasan at papel na ginintuan..

Nasayo ang hatol
Ang hatol kung saan ka lulusong
Kung saan ka makikiuso..
 2d
Sy Lilang
Kasabay ng aking pagpikit
Ang pagsilip ko sa panaginip sa aking isipan.
Namumukod tangi ang Iyong kagandahan
At Ikaw ang nag-iisang kumikinang sa aking paningin.

Napapasilip ako
Sa likod ng lahat ng napakagandang palamuti,
Pagkat nariyan pala ang tunay na may-akda ng lahat.
Pagkat sa kabila ng naghihiyawang palakpakan,
Sa kabila ng mga ngiting bumabandera sa aking harapan --
Ang dahilan ng aking kalakasan.

Pagdilat ko'y tila bukang-liwayway na,
Hindi kumupas ang Iyong kagandahan.
Muli kong kinapa ang aking bulsa,
At muling naghagilap ng anumang umiingay sa aking kalupi.
Dahan-dahan kong pinakiramdaman
Ang magaspang na katauhang gawa sa pilak.
At buhat sa pagkakamulat,
Ay dahan-dahan akong pumikit
Na tila ba sumasabay sa unang pagpatak ng ulan.

Nangungusap sa aking konsensya
Ang tinig **** matagal ko nang hanap-hanap.
At sa naudlot na istorya sa entablado'y
Nagpatuloy ang aking paghahanap.
Hinahanap ko kung saan nagmumula
Ang tinig **** humihele sa akin
At nagbibigay galak sa puso kong
Uhaw sa malasakit at pag-ibig na tunay.

Nasaksihan ko ang paglisan ng bawat katauhang
Kailan lamang ay nasa akin ang pagtingin,
Ngunit ang lahat pala sa kanila'y
Syang palamuti at hindi tunay na kabahagi
Ng aking istorya.

Patuloy silang nalusaw
Gaya ng krayolang nilalaro ko sa apoy
Noong ako'y paslit pa lamang.
Na ang akala kong bubuhay sa pinipinta kong larawan
Ay hindi pala sapat sa magandang imaheng
Aking nasasaklawan sa aking imahinasyon.

Kusa silang naglaho na tila ako'y tinakbuhan lamang
At marahan akong napaluhod buhat sa aking kinatatayuan.
Gusto kong magsalita, gusto kong may masambit..
Gusto ko silang pigilan sa paglisan
Pagkat hindi ko ninais na mapag-isa
At patuloy na mangulila sa pagmamahal.

Kung pwede lang na sa gitna ng katahimikang ito'y
Kaya kong marinig ang sarili kong boses.
Kung pwede lang sa gitna ng aking paghihintay at pagsusumamo'y
Wag muna silang kumilos at aking mahanap
Ang tinig na akala kong susundo sa akin
Buhat sa paglimot ko sa aking sarili..

Namukod-tangi ang boses na aking hinahanap,
Naririnig ko na ang Kanyang mga yapak
Na tila ba patungo at palapit na sa akin.
Ngunit hindi ako makagalaw buhat sa pagkakayuko.
Ni hindi ko na masilayan pa kung sino ba ang paparating.
At dahan-dahan pa rin ang pagpadyak
Ng Kanyang sandalyas patungo sa akin.

At habang Siya'y lumalakad,
Ay dahan-dahan ding nagbago ang senaryo
Na aking kinalalagyan.
Narinig ko ang napakalakas na pagpaubaya ng alon,
Ang tunog ng kampanang magaan sa aking pakiramdam,
At ang mga humiheleng tila mga anghel
Na naging mitsa ng pagtatayo ng aking balahibo.

"Nasaan na nga ba ako?" Tanong ko sa aking sarili.
At muli kong narinig ang mga nagpupuring anghel
Na tila ba walang katapusan ang kanilang galak
At ako'y nadadala kung saan.

Hindi ko pa rin mabuksan ang aking mga mata
At wala akong masilayan maliban sa dilim
Na pilit kong nilalabanan at alisan.
Hinahanap ko pa rin ang tinig Nya
At nais kong tanggapin ang bawat salita mula sa Kanyang bibig.

Maya-maya pa'y narinig ko
Ang isang pamilyar na boses na tumawag sa aking, "Anak."
Habang ang aking kamay ay hawak-hawak pa rin
Ang pilak na muli ko sanang itatapon sa balon..

"Anak, halika na.. sabi ng doktor, may donor ka na raw.."
Sambit ng aking ina habang ako'y akap-akap
Sa kanyang mga maiinit na mga bisig.
Kusang tumulo ang aking mga luha
At sya nama'y humagulgol sa saya.

Walang salita ang sinambit naming dalawa,
Ngunit ang kanyang yakap ay humigpit.
At naramdaman ko ang kanyang mga luhang
Dumadampi sa aking balikat at sa aking damit.

At sa mga oras na iyo'y
Ang kanyang yakap ay higit pa sa lahat ng yakap sa mundo
Ang luha nya'y tila ba binabalot ng isang hiwagang
Nagpapakalma sa aking paghihirap.
Ang gaan ng aking pakiramdam,
Ang saya ng aking kalooban.

At doon ko natagpuan ang aking hinahanap,
At sa aking muling pagmulat
Kung saan may liwanag nang maaaninag,
Alam ko kung kanino na ako muling lalapit pa..
Alam ko, hindi ko man nasilayan ang lahat
Ngunit ang pakiramdam na iyo'y
Habambuhay kong nanaisin
At pasasalamatan.
 3d
Sy Lilang
Ito ang umagang
Nanaisin kong huminto muna ang Araw nang saglit.
Kung pwede bang manatili muna Sya
At ako'y hayaang pagmasdan
Ang kanyang kariktan.

Nais kong bumilad sa sinag ng Araw
At magpasakop sa Liwanag Nyang taglay.
Nais kong malusaw ang bawat kamalian,
Ang bawat pagkukunwari..
Pagkat ayoko na..
Ayoko nang magpanggap pa..
Na kaya kong mag-isa
Mag-isa na wala ang mga kamay Nya --
Ang mga gabay Nya.
Na maging sa gabi'y
Nasisilayan ko pa rin
Ang kanyang anino sa aking pagpikit,
Ang nakasisilaw Niyang Liwanag
Na nagiging mitsa ng aking pagluhod.

Gusto kong huminto ang Araw,
At ako'y makita Nya..
Kahit isang iglap..
Kahit isang saglit lang..
Kung pwede lang..
Wag Mo akong Iwan
Na sa gabi'y
Ikaw ang magbigay Ilaw sa aking landas
At ako'y Iyong yakapin
Habang ang Iyong sinag
Ang magsisilbing lakas
Sa bawat pagbangon ko sa Umaga..

Sayo ako magsisimula,
At ayokong ito'y magwakas
Na para bang hinahayaan ko lamang
Na malimot ko ang lahat --
Ang lahat ng mga misteryong
Iyong ipinakita na,
Iyong ipanaranas na.

Ayokong dumating sa katapusan
Na ako'y walang muang
Na Ikaw ang aking Simula..
Ayokong magtagpo tayo
Sa gitna ng aking mga kamalian --
Mga kamaliang hindi ko itinama
Kahit na pinagbuksan Mo na ako
Sa panibagong Umaga.

Kung ang bawat araw na lumilipas
Ay siya ring mga pahina ng aking buhay,
Bakit pa..
Bakit ko pa hahayaang
Dilim ang magsilbing umaga?
Kung Ikaw naman ang tunay na Simula ng lahat..
Kung landas ko nama'y
Kayang-kaya **** bigyang liwanag
At lahat ng masasaklawan ng aking mga mata
Ay simbolo ng Iyong paghahari.

Lilikumin Mo ang lahat
Gamit ang Iyong Liwanag.
Ang Iyong mga Salita'y
Hindi na mangungusap pa,
Ngunit Ikaw na mismo ang darating
At buhat sa Iyong bibig,
Ang lahat ay handa nang makinig..
Nang buong puso..
Na may tunay na pagpapasakop..
At ang lahat ng mga naggising
Buhat sa pagkakahimbing
At mga bangungot na tila walang katapusan
Ay sabay-sabay na babangon
At lalakad sa Liwanag na Iyong hain.

Masisilayan ko rin ang mga ngiti
Ng pagpupunyagi at tagumpay
Na walang balot ng anumang pagkukunwari,
Walang tampo't galit.
Kung saan hubad ang lahat
Ngunit tanggap Mo
Ang bawat kamalian.
Ang Iyong paghuhusga ay darating --
Darating nang patas;
Patas at pawang katotohanan.

Ang lahat ay darating sa katapusan,
At Sayo ay handang magpaubaya.
Ang lahat ng mga nabago ng Iyong Liwanag
Ay kusang sisibol at uusbong
Nang may papuri
At hindi parang mga paupos na kandila
Na nauubusan rin ng lakas.
Ngunit sila'y tila mga tanim
Na Iyong dinidiligan sa bawat araw --
Mga ginintuang araw
Na hindi gaya ngayong kukupas din..

Balang araw, ang lahat ng salitang
Mamumutawi sa bawat labi'y
May iisang sigaw
May iisang palamuti na ibabandera
At susuko sa Iyong kabutihan.
Ang bawat nilalang
Ay mabinihag sa Iyong kaluwalhatian
At hindi na..
Hindi na mauubusan pa ng Liwanag,
Ikaw mismo ang magkukusang
Punasan ang mga matang lumuluha,
Lumuluha buhat sa paghihintay..
Pagkat nariyan ka na..
Nariyan na ang Iyong kaligtasan.

Ikaw, sa bawat oras
Sa bawat sandali'y
Ikaw pa rin ang maging dahilan
Ng pagtibok ng aking puso
Ang magiging sigaw
Ng aking napapaos na lalamunan.
Ikaw ang maging dahilan..
Ng aking pagtaas ng kamay
At sa ere'y hindi Mo ako iiwan,
Ni hindi Mo ako kinalimutan..
Ikaw, ang Araw at Gabi..
Sayo ang aking papuri!
 Jan 1
Sy Lilang
01012021

Magsusulat na naman ako
Gaya ng dati --
Nagsusulat na naman ako
Para sayo --
Nagbabakasakali.

Ilang beses kong nilimot
Na ikaw ang aking unang panalangin,
Na sa tuwing pinagmamasdan kita'y
Nalililimot ko ang 'yong pangalan
At wala akong ibang hangad
Kundi purihin Siya.

Na sa tuwing tayo'y ipinagtatagpo,
Ay naroon tayo sa presensya Nya.
Tila ba kahit naisin kong lumapit sayo'y
Tayo'y pinagigitnaan Nya
At wala tayong ibang dahilang pumarito
Kundi magpasakop sa Kanya.

Parang tayong mga ekstranghero
Sa mundo ng isa't isa.
Lilihis at lalayo,
Yan ang kusa kong pagsinta.

Siguro nga,
Hindi ako nakapaghintay
Pinangunahan kita..
At nakaraang taon di'y
Naging masaya ka na rin sa iba.

Nagsusulat ako --
Bilang aking pagtugon
Sa panalangin ko noong
Ikaw lang ang hihintayin,
Ang mamahalin.

At sabi ko pa nga sa'king sarili'y,
"Kung ikaw talaga,
Handa akong iwan lahat.."
Tila ba kaybigat ng aking panalangin
Ngunit kaygaan din kung para naman sa Kanya.

Sana malaman **** --
Minsan kang naging paksa sa'king mga tula,
Ako'y naghintay nang ilang taon
Ngunit siguro nga,
Nauna akong sumuko --
Pagkat hindi ka naman tumugon.

Hindi ako nakaramdam
Ng anumang galit o tampo
Nang minsan mo akong iwan sa ere,
Matapos **** magtapat ng pag-ibig.
Nautal din ako noong mga panahong iyon,
At tanging dasal ko'y,
"Kung hindi pa natin panaho'y,
Tanggalin na lang muna tayo sa isa't isa.."

Ni hindi ko alam kung saan nanggaling
Ang lalim ng ganoong panalangin,
Ang lakas ng loob kong humiling
At tinugon naman iyon agad ng Langit.

Ngayon lang kita ulit napagmasdan,
Nahagip ang puso ko gaya ng dati..
Alam ko, wala ka naman sa lugar
Para muling magtanong sa'kin
Pagkat iba na ang himig
Ng sarili kong damdamin.

At kung sakali mang ikaw pa rin sa huli,
Hayaan **** ako'y maging tapat na sayo --
Pagkat sa bawat oras
Na ika'y sumasagi sa'king isipa'y,
Ramdam ko pa rin ang pagsambit mo
Nang "Ikaw na,"
Hanggang sa muli nating pagsinta.
 Dec 2020
J
Paano ka magiging kalmado?
Kung kapulisan mismo ang delikado,
Paano ka matutulog nang mahimbing?
Kung hindi ligtas sa iyong paggising.

Sinabi niyo sainyo kami ay protektado?
Pero bakit sa isang iglap may buhay na naglaho?
Mga inosenteng tao namamatay,
Walang awang pinapatay; anak, ina man o tatay.

Paano mo masasabi wag mabahala?
Kung sila mismo ang may sala,
Paano ka mabubuhay sa mundo?
Kung hindi ka na ligtas at sigurado.
Ang tulang ito ay para sa mga pinatay ng mga abusadong nasa itaas at may kapangyarihan. Kung hindi ka nagalit sa nangyari ngayon, bakit? Kelan ka pa magagalit?
 Nov 2020
J
Sa panandaliang pagtigil ng mundo,
Hindi mapigilan ang mga tanong sa isipan,
Na para bang mga sasakyan sa EDSA,
Buhol buhol at walang kaayusan.

Ang mapait na naranasan ay iiwan na sa nakaraan,
Akapin ang kasalukuyan at kinabukasan,
Patawarin ang sarili sa nagawang kasalanan,
Bitawan ang sakit na nararamdaman,

Hindi para sakanya at hindi rin para sa iba,
Para sa'yo; Para tuluyan ka nang sumaya,
Mga gabing puro luha at kalungkutan,
Balutin sana ng umagang puno ng kasiyahan.

Nawalan ka man ng kaibigan o kasintahan,
Mga memoryang hanggang isipan nalamang,
Pulutin at dalhin sa susunod na kwento,
Dahil sadyang may mga kabanata na hindi para sa'yo.
Huminga ka kaibigan.
 Oct 2020
ToxicMellowFellow
Dala dala ang salitang kahit ano at bahala na.
Iniisip.
Na bukas na lang lahat,
pag papaliban na lamang muna.
 Oct 2020
Sy Lilang
Umaga —
Oras na naman para bumangon
Para buhatin ang sarili
At akayin ito
Patungo sa walang kasiguraduhan.

Sa mga tala kagabi,
Aking pinagnilay-nilayan
Ang mga katagang pa-na-hon
Na sa mga oras na ito’y sisibol muli
Ang pag-asa buhat sa delubyo ng kahapon.

Tinitiis ko ang sinag ng tirik ng araw
Para bang hindi nya naisip
Na nasasaktan ako —
Na sa tuwing bubuksan ko ang aking bintana’y
Nariyan sya at tatambad sa akin..
Para bang walang nagbago,
Para bang hindi nya ako dinaya kahapon
O sa ibang araw pang lumipas.

Gusot ang damit ko,
Ni hindi ko man lamang nagawang plantsahin ang damit ko
Na para bang sinisigaw ko sa mundo na,
“Tama na! Pagod na pagod na ako!”
Pero nakatikom pa rin ang aking bibig
At pilit akong lumuluhod sa aking mga luhang,
“Wag muna, wag muna ngayon.”

Minsan na rin akong nakalasap ng tagumpay
Yung tipong minsang bumago sa kung sino ako ngayon,
Ito yung minsang alam ko namang may kapalit —
Yung panghabambuhay na..

Naniniwala pa rin akong pantay ang pagtingin ng Langit
Sa katulad ko at sa katulad nila
Kung ang ulan nga‘y
Sabay na babagsak sa dukha’t gintong kutsara,
Gayundin ang pag-asa.

Hindi ako mapapagod,
Hindi ako titigil na bumangon sa umaga
Hindi pa rin ako titigil sa pasasalamat —
At pagbubuksan ko pa rin ang Umaga.
 Sep 2020
Sy Lilang
"Nandito ako"
"Hindi kita iiwan"
"Susuportahan kita"
"Nagtitiwala ako sayo"
"Kayang-kaya mo yan!"
"Laban lang!"

Paulit-ulit kong sinasambit sa'king sarili nang pabulong,
Tila nagdarasal ngunit ang totoo'y
Hindi ko na rin alam kung hanggang saan pa ba ang dulo.
-------------

Wala na naman akong laban sa ihip ng hangin,
Sa ihip ng panahon.
Wala na naman akong laban
At ang buo kong pagkatao'y
Kusang dudungaw sa aming bintana,
Hahagilapin ang araw,
Nasaan nga ba ang Silangan?

Gagayak ako nang walang patumpik-tumpik,
At sasabay ang agos ng tubig sa bawat butil ng aking luha,
Para bang humihinto na naman ang oras.
Walang kasiguraduhan na naman ang araw na ito.

Araw-araw ay nag-aayos ako ng uniporme ko,
At ayun, magbibilad sa initan gamit ang aking lumang motorsiklo.
Kukunin ang selpon sa aking bulsa, magpapa-load
At maghihintay ng sandamakmak na mga utos.

Minsan, napapagod ako
O sabihin na lamang nating madalas,
Na sa bawat pintuang kinakatok ko'y
Daig pa ako ng nangaroling
Sa bilang na mga baryang iaabot sa'kin ng tadhana.

Minsan iniisip kong
"Ganito na nga lang ba?
Paano ang bukas?
O may bukas pa nga ba?"

Minsan naman, nakaririnig ako ng masasakit na salita
Pero minsan parang mga bala na lamang itong
Hindi tumatagos sa aking ulirat,
"Manhid na nga ba ako?
Sabihin mo, Tadhana."

--------

Pinagmamasdan ko na naman ang mga kamay ng orasan
Kanina pa o hindi ko na malaman
Kung kelan yung huling "kanina,"
Naghihintay ako ng saklolo,
Kasabay ng huling kumpas ng mga kamay
Ng naiiwan kong kaibigang de-baterya..
"Dito na lang ba magtatapos ang lahat?"

Nagbibilang na lamang ako ng oras,
Ng hininga
At baka hindi na nila ako maabutan,
At doon ko huling nasilayan ang mga aninong iyon,
Wala na akong maintindihan..
Wala na akong marinig pa..
*Ito na marahil ang huli.
Hindi pa huli ang lahat,
Kaya mo pa --
Kaya pa natin.
Ituloy ang laban; ituloy mo lang.
Pangako, magtatagumpay tayo..
Kapit pa, kaibigan!
 Aug 2020
Sy Lilang
Ama
08292020

Nagbibilang na lamang ako ng oras
Upang ang bukas ay tuluyan nang kumalas
At kusang sumabay sa palakpakan
Sa entabladong nakatikom sa aking damdamin.

Ilang taon nang nakikibaka ang Iyong mga kamay
Sa modernong pagkatha at paglikom ng mga salapi.
At sa aming hapag-kaina’y ilang ulit na akong tinutukso
Ng mga matatamis na panimula sa telebisyon —
Na baka sakaling matikman ko rin
Ang hain nila sa sarili nilang hapag-kainan.

Minsan akong nangulila
Buhat sa kawalan nang may mga katanungang,
“Sino nga ba ang tama?”
Na sa paulit-ulit na pagtatapon ko ng mga ito’y
Ang mga ito rin ang sumasampal sa aking pagkatao.

Ngunit ang totoo’y:
Nilimot ko na ang mga katanungang iyon
Hindi ako sumabay sa agos ng galit
Na bumabawi sa aking paghinga
Na tila ba ako’y pagod na
At gusto ko na lamang manahimik mag-isa.

Nais kong sambiting
Hindi ako nagalit nang minsan mo kaming pinagtaksilan,
Inisip ko na lamang na iba ang latag ng kapalaran —
Iba ang laro sa loretang ito
At hindi ito madali —
Pero ito’y panandalian.

Siguro nga —
Iniisip **** saan nanggaling ang mga ito
Ang mga salitang tila ba hindi ko man lamang pinag-isipan
At tuluyan kong binitawan
Gaya ng pagbitaw mo para sa amin.

Pero gaya ng sambit ko —
Hindi ako galit,
Hubad ang aking emosyon
At umaapaw pa rin ang aking pagpapasalamat
Na sa mga oras na ito’y —
Hindi mo kami iniwan.

Higit pa sa pagpapabatid ko ng pasasalamat sa ito’y,
Nais kong ihagis ang aking mga kamay sa langit
Na tila ba higit pa sa nagagalak ang pakiramdam
Ang aking puso’y tiyak na ang grasyang alay ng Langit
Ang gumawad sa akin ng kalayaan.

Malaya akong piliin ang saya kesa sa galit,
Na parang paghihimay ng mga butil ng buhangin,
Parang imposible, di ba?
Pero naging posible
At wala na akong maihain pa
Kundi ang umaapaw kong pusong
Ginawang Malaya ng Maykapal.

Lubos ang aking pagsamba,
Salamat Ama.
Salamat sa dalawa kong ama at Ama.
Sa bawat pag gising
Tila ang umaga'y hindi kasing tulad dati
Ang akala kong magpapatuloy
Ay may hindi inaasahang paghinto

Sa bawat paglipas ng araw
Tulad ng paglaho ng oras
Lumalaho na rin ang aking pag-antay
Pag-aantay sa kawalan

Sa bawat paglubog ng araw
Sinasama nito ang sakit na
Aking nadarama tuwing dapit-hapon
Kung kailan kita naaalala

Sa bawat pag usbong ng buwan
Ako'y nakakakita ng bagong pag-asa
Pag-asa ng kinabukasan na
Magkakaroon ng kasagutan ang lahat

At sa bawat pag kinang ng mga bituin
Naaalala ko pa rin ang nakaraan
Ang lahat ng masasayang alaala
Na sana'y napagpatuloy hanggang ngayon
Sa aking pag kaway
Nagpapahiwatig ng aking pag paalam
Hindi namalayan na iyon na pala
Ang huling pagkikita

Akala ko'y panandalian lamang
Ang pag hinto ng mundo
Ngunit 'yon na pala ang simula
Nang pag tigil ng buhay

Nag-isip, nag-iisip
Sa lahat ng nangyari
Bago ang kasalukuyang pangyayari
May hindi pa ba ako nagagawa?

Sa unti-unting paglaho ng mga araw
Tumama sa akin ang realidad ng buhay
Tunay ngang maiksi ang buhay
At hindi alam ang kasunod

Napatulala
Nalungkot
Napaiyak
Napagod

Hinahanap ang nakasanayan
Mga araw-araw na gawain
Mula sa pag gising ng maaga
Hanggang sa patulog na pasikat na araw
 May 2020
Sy Lilang
05242020

Ikaw --
Ang tula sa'king gabi,
Ang tulang 'di isantatabi.
Next page