Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Marge Redelicia Dec 2013
Lilingon-lingon upang makakuha
Ng isang sulyap, isang silip
Hanggang sa tinalikuran mo na ng
Tuluyan
Ang kalayaan
At hinayaan mo ang sarili mo
Na bumalik
Sa selda na iyong pinanggalingan, nakasanayan

Pero hintay, hinto!
Hindi kita papayagan na magkaganito
Hayaan mo na yakapin kita ng mahigpit
At pawiin ang mga luha sa iyong pisngi
Wala akong mga karanasan at payo na pwedeng ibahagi
Pero susubukan ko na
Baliktarin ang iyong simangot sa isang ngiti
Makatulungan sana nang kahit kaunti
Sa mga sugat mo na humahapdi

Ilagay mo ang iyong mga kamay
Sa akin
Ikaw ay aking hahawakan,
Hinding-hindi ka bibitawan
Ikaw ay sasamahan lakarin
Ang nakatakdang landas
Na kailangan **** tahakin
Sa dami ng mga lubak at lindol
Siguradong tayo'y madadapa rin
Pero huwag mo na 'yun isipin
Kasi anumang mangyari
Kahit kailan, kahit saan
**Ikaw ay aking iibigin
Marge Redelicia May 2015
ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay.
nakita't nadaanan ko na lahat.
dito sa masalimuot na lansangan
memoryado ko na ang mga
pasikot-sikot sa mga eskinita,
bawat lubak at hukay sa kalye,
ang mga graffiti at nangangalawang na karatula.

pero kahit kay tagal na ng lumipas na panahon
hanggang ngayon,
di ko pa rin masikmura
ang mga nakakabinging busina at humaharurot na makina
ang nakakasulasok na baho ng usok at nagkalat na basura.

sa una ako'y nangangawit
pero ngayon nangmanhid
na ang mga kamay ko
sa higpit ng kapit sa manibela na
walang sinuman ang makakaangkin dahil
ito ay s'akin lamang,
akin.

puso ko ang mapa:
lukot at punit-punit.
dito ako sunudsunuran at alipin.
kahit alam kong mali,
di ako kikibo, ako'y tahimik.
naghahanap, pero siya rin mismo nawawala.
tahanan lang naman daw ang gusto niya
kung saan lulunasan ng yakap
ang pagod at pait,
kung saan ang mga simangot
ay masusuklian ng ngiti.
pero saan?
saan kaya?


ako ang hari ng daan.
walang kinikilala na batas.
nakikipagkarera sa hangin
sige-sige sa pag-arangkada.
kung may masagasaan,
kahit siya ang duguan,
siya pa rin ang may kasalanan.

dahil paminsan
naiisip ko na baka
mas swerte pa siyang nakahandusay sa kalsada
kaysa sa akin na pagod,
naiinip, naiinis sa likod ng manibela.
malapit nang maubusan ng gasolina,
ang mga gulong ay pudpud na.
'di ko pa rin mahanap ang tahanan
kaya tumungo na lang kaya ako
sa kamatayan?

"para po"
ako'y napalingon.
oo nga pala, may pasahero ako.
inaangkas lang Kita
paminsan umuupo likod
madalas nakasabit sa may salamin
o nakalapag sa harap
kasama ng mga abubot at basura.

"ate, para po"
hindi.
inapakan ko pa ang gasolina.
nagbibingibingihan sa mga bulong Mo.
oo,
alam kong pagod na ako
pero kaya ko 'to,
hindi ko kailangan ng tulong.

"para, diyan lang sa may tabi"
hindi.
hinigpitan ko pa ang hawak sa manibela.
gusto ko lang naman makauwi.
oo,
alam kong nawawala na ako
pero sigurado ako ang ginagawa ko
siguro, sigurado
siguro.

"para"
ngayon
napagtanto ko na
ako'y sawi, ako'y mali.
papakawalan na ang pagkapit sa patalim,
ang pagtiwala sa sarili.
sa wakas
ako ay

bibitaw.

sa Iyo na ang manibela, pati na rin
itong upuan na 'to, and trono.
Ikaw na,
ang gasolina at gulong na nagpapatakbo
ang mapang nagtuturo
mula ngayon hanggang magpakailanman.
Ikaw na
ang Kapitan
ang tagapagmaneho ng buhay na 'to.
wala nang pagkuha, pagdukot, pag-angkin.
mula ngayon,
iaalay ko na ang lahat.
ako ay Iyo.

ilang oras,
ilang araw, linggo, buwan,
ilang taon
na akong naglalakbay
at tuloy pa rin ang biyahe.
ganun pa rin ang kalagayan ng kalye:
malubak, maingay, madumi.
pero kapag Ikaw ang nandyan sa upuan,
para tayong lumilipad.
anumang madaanan
biyahe ay napakabanayad.

puso ko'y nananabik.
saan Mo ako sunod dadalhin?
saan kaya makakarating?

kahit saan man mapadpad,
kahit gaano man kalayo,
'di na ako mawawala.
ako ay nakarating na.
o tahanang tinatamasa,
nahanap na rin Kita.
basta't kasama Ka,
Hesus
*ako'y nakauwi na.
A spoken word performed for Para Sa Sining's Katha: Tula X Sayaw.
madrid Mar 2017
Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Hindi ako sigurado kung dahil sa ikaw ang unang lalaking hinalikan ko sa ilalim ng bumubuhos na ulan
O dahil binigay ko ang lahat sa laban na 'to
Mula ulo hanggang paa
Mula buhok hanggang kuko
Mula balat hanggang buto
Tagos ang mga salitang yumayakap sakin bawat gabi
Halos hindi na nga tayo matulog diba sa dinami-dami
ng kwentong ibinahagi natin sa isa't isa

Naaalala mo pa ba
Noong sinabi mo sakin ang takot mo sa dilim
At kahit hindi ako nakakatulog ng may ilaw
Hindi ko pinapatay kahit para sakin nakakasilaw
Para sayo

Naaalala mo pa ba?
Noong unang beses kong sinabi na mahal kita
At ang nakakatawa ay ayaw mo pang maniwala sa aking mga salita
Dahil matagal tagal mo rin tong hinintay
Dahil sa ating dalawa
Alam natin na ikaw ang nauna

Naaalala mo pa ba?
Ang mga pagkakataong nagtabi tayo sa kama
Pero iba
Ibang-iba yung unang beses na nagsama tayo
Matapos kong ibigay ang aking "oo"

Naaalala mo pa ba?
Ang iyong paglaro sa gitara
Habang ako'y kumakanta
At sa hinaba-haba ng gabi ay siya lang ang iyong maririnig
Ang ating musika
Na bumabalot sa buong daigdig
Na para bang wala ng ibang tao sa mundo
Kundi ikaw at ako
Tayo, ang bumuhay sa mga nota
Na para bang may sarili silang isip
Sumasayaw sabay sa pag-ihip ng hangin
Sa akin
Alam ko na sa akin ka lang
At sa'yo lang ako
Ito ang binuo nating pangako
Mapa-dilim, o umaga
Maaasahan mo na sayo lang ako
At akin ka lang

Naaalala mo pa ba?
Kung paano mo ko napangiti
Sa simpleng biro mo ay mabilisang tumutupi ang simangot ko
Na sa kahit anong sitwasyon
Gamay mo ang pagmanipula sa aking mukha
Napapatawa
Napapangiti
Nagigising
Napapatulog
Napapalaki ang mga mata sa gulat
Napapakulot ang noo sa alat ng alak
Napapahalakhak
At maski ang aking pag-iyak ay nakabisado mo na

Pero sa lahat ng naaalala ko
Hindi ko na maalala kung paano mo ko hinawakan
Kung paano mo ko sinabihan ng "walang iwanan"
Kung paano mo ko hinagkan na parang wala ng bukas
Kung paano mo ko tinitigan
At ginawang laruan
Na gagamitin pag kailangan
At isasantabi pag pinagsawaan
Na anumang oras ay pwede paring balikan

Hindi ko na maalala kung paano ka nagsinungaling
Na parang henyo sa sobrang galing
Hindi ko maalala kung paano mo ko sinabihan
Ng mga salitang,
"Binibitawan na kita."
Hindi ko maalala kung paano ko hinayaan
Na sumuko ka ng ganon ganon na lang
Hindi ko maalala kung paano mo nagawang
Sabihan ako ng "Miss na kita."
Habang hinahalikan mo siya
Hindi ko maalala.
Hindi ko na maalala.
At ayoko ng maalala.

Sa totoo lang hindi ko pinagsisisihang wala ng tayo
Pero gusto ko lang sabihin sayo na sinisi ko ang sarili ko
Sa lahat ng pagkakamali mo
Para sa mga bakit na hindi nasagot
Paea sa mga sugat na hanggang ngayon ay hindi parin nagagamot
Para sa mga tanong ng madla na pinipilit ko paring ibaon sa ilalim ng lupa at takpan ng limot

Bakit hindi mo siya kasama?
Ah kasi ayaw niya kong makita.
Bakit siya nalasing?
Ah kasi nag-away kami kanina.
Bakit siya umiiwas?
Ah kasi nagsasawa na siya.
Bakit hindi ka na niya pinupuntahan?
Baka kasi hindi ko binigay ang lahat.
Bakit hindi siya lumaban?
Baka kasi hindi ako naging sapat.

Bakit siya naghanap ng iba?
Bakit nga ba?
Bakit pinagmukha mo kong tanga?

Pero hindi tanong ang pinakamasakit sa lahat
Eto
Eto ang hindi kinaya ng puso
Na para bang ayoko ng mabuhay kahit isa pang oras,
Isa pang minuto
Isa pang segundo
Eto ang mga salitang pinamukhang talong talo na ako

"Uy, sabi niya wala na daw kayo."

Konting konti nalang
Hindi na kailangan budburan ng asukal ang kwentong ito
Dahil uulitin ko
Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Sayang lang nga
Hanggang tula nalang ito
Sana pala naging tula nalang tayo
Shem Nov 2018
Lumaki ako na sanay sa mga larong pambata,
Yung mga tipo ng laro na kapag nalalaro ko ay sobra akong sumasaya,
Yung mga tagu-taguan,  habol-habulan,  agawan base at marami pang iba.
pero habang tumatagal,  hindi na ako nagiging masaya pa.

Ang dating saya ay napalitan ng sakit.
Ang dating mga ngiting kay tamis ay napalitan ng mga ngiting kay pait.
Ang dating mga tawa sa mukha ay napalitan ng simangot,
Ang dating mala anghel na boses ay nabahiran ng galit at poot.

Nagsimula lahat yan nung minahal kita,
Simula nung minahal kita,  sineryoso ko lahat.
Pero ikaw ginawa mo lang laro lahat ng yon.
Teka lang ah, pero ang pagmamahal kasi hindi isang laro.

Hindi isang laro na parang habol-habulan,
Na kung san sa simula nag eenjoy ka pa,
Pero pag pagod ka na sasabihin mo "taympers muna"
Pero yung taympers na yon, mauuwi sa "pagod na ko,  ayoko na"

At hindi rin ito parang isang agawan base,
na kung saan onting layo mo lang sakin,  may iba nang susungkit sayo,
O kaya,  yung kahit anong higpit ng hawak ko sayo,
Ikaw yung kusang nagpapahatak mapunta lang sa kabilang grupo.

Hindi rin ito parang isang tagu-taguan,
Na pagkabilang kong tatlo,  nakatago ka na. Nakatago ka na, at may kasamang iba.
Isa,  dalawa,  tatlo, anjan ka lang pala sa likod ko, hawak ang kamay niya
Para lang sabihin na, "salamat sa lahat,  pero pasensya na may mahal akong iba"

Mas lalong hindi toh isang pantintero,
Na sa kabila ng lahat ng paghihirap ko para mapasakin ka,
May nag iintay na pala sayo sa kabilang banda.
Edi bale wala din yung pinaghirapan ko.

Siguro, para sayo,  isa itong langit lupa.
Saksak puso tuluan dugo,
wala kang pakialam kung gano mo nasaktan yung puso ko,
Basta sabi mo, "pwede umalis ka na sa pwesto mo sa puso ko, kasi may pumalit na sayo"

Yung pagmamahal ginawa **** laro,
Ako yung naging lata sa tumbang preso,   na tinamaan dahil sayo,  pero hindi mo man lang tinayo.
Ako yung tipong nilaktawan mo sa luksong baka, para lang makapunta sa iba.
Wala eh,  yung pagmamahal ko sayo,  ginawa mo lang lahat na isang biro at laro.
Pero kahit papano hinihiling ko na sana isang mobile game nalang ako,
Para naman kahit papano,  mahalin at seryosohin mo rin ako.
JL Oct 2020
VIKING
- Lovely Joy / 22nd September 2020

Unang sulyap mapapasabi kayo ng
"Tara!! Sakay tayo diyan"
At lahat ay naghabulan
Papunta sa pilahan.
Sa simula ay naeenjoy niyo pa  
Pero habang tumataas, buong katawan aayaw na
Sasabihin kay kuya operator na
"Kuya, tamypers muna...",
"Kuya tama naaaaaa..."
At yung taympers na yun, mauuwi sa tiis nalang muna.

Ang dating saya nyo pagkaupo ay napalitan ng takot at kaba  
Ang dating ngiti na kay tamis ay napalitan ng ngiting kay pait.
At ang mga tawa nyo sa mukha ay napalitan ng simangot,
At ang malakas na hiyaw na boses nung una
Napalitan ng pabebeng sambit na "ayoko na."
Sumimple sa isang tabi na tulala at sukang suka na
At sinabing di na uulitin pa
Viking tama na o Viking sige pa?
At sigurado akong sasabihin niyo na
VIKING PAALAM NA!!
Kapit lang.

— The End —