Pagmasdan mo ako.
Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.
Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.
Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?
Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan
ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.
Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.
–
Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.
Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.
Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.
Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.
Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.
Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.
Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.
Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.
Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,
na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers