"tukoy" poems
sa hindi sadyang pagkikita
mga matang aligagang nagtugma
bagkus pinagsawalang bahala
ba't paglalaanan ang 'di kilala
mga hindi tukoy na adhikain
ultimo interes iyong hahagilapin
bakit sayo'ng presensya pa-aalipin?
kung dusa't pighati ang siyang babaunin
mga kalakip ng hiram
hantungan ay paalam
wala kung sino ang may alam
mga damdaming kumakalam
Jan 28, 2021
Jan 28, 2021 at 2:13 AM UTC
Makulimlim ang kalangitan
habang pilit kong inaaninag
kung ikaw ay nasaan
Mga palad natin kapatid
kung hindi man nagkadaupan
Tukoy kong iisa
ang ating pinagmulan
Mapula, kulay-dugo,
ang agaw-buhay na liwanag
sa likod ng mga ulap
Alam kong lumubog na
ang araw sa kanluran
Hinihintay ng katuwang sa buhay
ngunit ang sagot mo sa mga panaghoy
ay hindi marinig ng naulilang pandinig.
Hinahanap ng mga magulang
ang anak na inaasahang
sa takdang panahon
sa kanila’y maghahatid sa himlayan.
Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Liku-likong landas tungo sa mithiin
ng Sambayanang hindi palaring
pamunuan ng mga bayaning magigiting
sa halip na mga kawatan at mga salarin
Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Ngunit hindi ka natakot na ito’y tahakin
Hindi ka umurong at di mo pinansin
ang mga pasakit, ang mga pasanin.
Dakila ka, kapatid
At ang ‘yong paglisan, may hatid mang lungkot
na ang punglong malupit, takbo mo’y tinapos,
hininga mo’y nalagot
At sa huling bugso,
tatabunan ng lupang kalayaan ang dulot
mula doo’y sisibol, sanlibong punlang aabot
hanggang sa dulo, hanggang sa tugatog
Aalalahanin ka sa araw ng tagumpay at pagtutuos
Para sa Sambayanan, bawat puso’y sasabog!
Sep 27, 2017
Sep 27, 2017 at 1:15 PM UTC
Hayaan n’yong lumuha ang aking puso.
Malungkot na tanawin ang ganitong tagpo:
Hinihiwa mo ang balat ng iyong kinabukasan
at duguan na ang angking kasalukuyan
gayong hindi pa nga naghihilom man lang
ang mga sugat ng mapait nating nakaraan.
Subalit masahol ka pa sa putang bayaran
na katawan ang puhunan, kapalit ng panghapunan
at pagkain sa kinabukasan.
Ikaw - dalawa, tatlo, limang daan,
kapalit di lang ng iyong karangalan.
Idinamay mo pa ang kapakanan ng bayan.
Hindi na maaasahan ang dati’y sagradong balota.
Karaniwang papel na lamang ito na may mga nakalista
At tila tiyan **** nag-alboroto ang diniktahang makina,
na kung ano’ng isinubo, siya ring isusuka.
Pagkatapos kukulapulan ang daliri ng panandang tinta.
Nang humiga ka sa tae, nagmamalaki ka pa:
Sapagkat ang makinang tila kumpisalan,
may kapirasong tari ng makabagong sabungan
na kahit na alin pang mga tandang ang maglaban,
tukoy na ng kristo ang panalo sa pustahan.
Tapos na ang kwento’t hindi na totoo
ang sinabi ng bayaning ang Pilipino
ay karapat-dapat sa buhay na nasasakripisyo.
Hindi na. Hindi sa salinlahing ito.
Sa darating pang mga kabataan, siguro,
sa kanila, magbabaka-sakali ako.
Dec 29, 2019
Dec 29, 2019 at 11:12 PM UTC