Hindi ko alam kung bakit pa nagtataka,
Kung bakit pa nagtatanong kung may pag-asa pa,
Bakit pa nga ba aasa pa?
Kung ang pag-asa ay sa simula pa lang ay wala talaga.
Ilang taong nagsikap para makita mo na ang pagmamahal ko ay hindi katulad ng kaniya,
Para kapag sinabing “nag-iibigan” ay tayo ang magiging kahulugan at hindi ang halimbawa,
Na hindi na mananatiling konsepto ang “magkasama tayong tatanda”,
At hindi na mananatiling pangako ang “hindi ka na mag-iisa”.
Pero ang tayo’y parang ningas na hindi man lang naglagablab ay namatay na,
Parang apoy na hindi pa man nagbaga ay agad inapula,
Na hanggang ngayon tinatanong kung bakit nagpipilit umalab para sa iba,
Kung kaya namang huwag upusin ang mga sarili sa piling ng isa’t isa.
Ako’y nakagapos sa iyong pagmamahal na hindi naman talaga naging akin,
Kinukulong sa hawla ng kahibangan na baka sakali mag-iba ang ihip ng hangin,
At sa wakas ay ako’y iyong pakakawalan sa kadena ng pag-iilusyon,
Baka sakaling ang tayo’y magiging bahagi ng kasaysayan at hindi na piksyon.
Pero ang kasaysayan nating hindi pa man nagsisimula ay nais nang isulat ng iba,
Isang taong nagsusumikap maging bayani sa bawat yugto, naghihintay na mabigyang halaga,
Na sa akin ay nagtatanong, “magiging tayo kaya?”
At bago siya masagot, ay kailangan pang magtanong sa’yo, “magiging tayo kaya?”
Kasi kung hindi, hindi ko na ipipilit ang sarili ko at tatanggapin ko na,
Na sa pagtupad ng pangarap kong pagpapalaya mo sa’kin sa kadena ay iba ang nakatakda,
At sa piling niya, baka sakaling makuha kong maging lubusang masaya,
At ako naman, hindi na ikaw, hindi na ang damdamin mo ang nakataya.
Kasi kung hindi, hahayaan ko siyang apulahin ang aking apoy na nag-aalab para sa’yo,
At gisingin ako sa katotohanang nauupos na ako, nauubos na ako,
Na kaya ang tayo ay parang ningas na hindi lumalagablab kasi hindi pala ikaw ang baga,
Hindi pala dapat ako umasa.